Marami sa atin ang lumaki sa harap ng Atari, Nintendo, Sega, family computer, Dance Revo at Playstation. Bitbit natin sa labas ang ating Gameboy, game and watch, game gear, portable playstation at ngayon mga cellphone game. Kinahiligan natin ang basketball, bowling, billiards, volleyball at badminton. Tumambay tayo sa mall dahil sa Street Fighter at sa mga PC shop dahil sa Counterstrike. Ako man ay nabaliw sa pagpapalawak ng aking SIM City.

Alam nating kapag sobra na ang paglalaro, dapat nang magpahinga. Dapat tapusin na ang laro. Hindi na makakabuti sa mata, katawan at bulsa ang labis na paglalaro.

Kapag lumabas na sa screen ang ‘game over’, hudyat na yun na dapat magsimula ulit o kaya’y pagbigyan ang iba na makapaglaro. Kapag ubos na ang oras sa basketball, tanggap ng lahat na tapos na ang laro. Kailangang igalang ito ng dalawang koponan at ng nanonood.

Sa mga video arcade, galit tayo sa mga suwapang lalo na kapag mahaba ang pila at ayaw umalis ng manlalaro sa kanyang kinauupuan. Gusto nating batukan yung mga taong pinipindot ang reset button dahil alam nilang malapit nang mag-game over ang kanilang laro. Katakut-takot na hiyaw ang aabutin natin sa mga nakakatanda sa bahay kapag inaabot tayo ng madaling araw sa paglalaro sa computer. Pinuputol natin ang laro kapag may madaya tayong katunggali.

Hindi man tumpak na tumpak, pero siguro naman ay may bahid ng katotohanan kapag sabihin nating hinubog din tayo ng mga batas ng paglalaro mula sa ating pagkabata hanggang sa kasalukuyan.

Kaya siguro marami ang naiinis kay Gloria Macapagal-Arroyo. Ayaw na sa kanya ng tao pero pinipilit niyang manatili sa Malakanyang. Matagal na dapat siyang huminto sa pagkukunwari bilang Presidente pero aroganteng isinisiksik ang sarili sa poder ng kapangyarihan. Ayaw pa naman natin ng suwapang, mandaraya at hindi patas kung lumaban.

Pagkatapos ibasura ang impeachment sa Konggreso, inilunsad natin ang kampanyang ‘Game Over’ sa mga eskuwelahan. Nais nating ipaintindi sa mga kabataan kung anong klaseng modelo si Gng. Arroyo bilang lider ng bansa. Dapat sabay-sabay nating igiit na ‘game over’ na ang kanyang pamumuno. Kailangang tuldukan ang isang gobyernong mapanlinlang, tuso at ganid sa pera at kapangyarihan.

Natuwa tayo sa “Hello Garci” ringtone, white ribbon, (im)peach ribbon, at mga not-for-sale pin. Ngayon naman ay gusto nating ikalat ang mga ‘game over’ icon sa mga kampus. Pwede natin itong ilagay sa mga ID, notebook, libro at iba pang gamit ng mga estudyante. Pwede rin itong isuot sa mga laro ng UAAP, NCAA at maging sa SEA Games.

Tapos na ang panahon ng panonood lamang sa mandarayang manlalaro tulad ni Gloria. Hindi siya bibitiw nang kusa. Huwag nating pagbigyan ang kanyang pakiusap na isa pang bagong laro. Nakakainsulto itong hiling na overtime na laro ni Gloria pagkatapos niya tayong lokohin. Hindi sasapat ang reset button. Dapat i-unplug ang kanyang computer, palayasin sa puwesto at huwag nang paglaruin ulit.

Simple lang ang ating mensahe: Gloria, game over na.

GAME OVER

Mong Palatino

Activist, blogger, and political journalist. Visit him at mongpalatino.com or email him at mongpalatino[at]gmail[dot]com.

Leave a comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.