Natagpuan ko sa wakas ang kasagutan nang mabalikan ko kamakailan lamang ang balita tungkol sa paglabas ng mga resulta ng sarbey ng Pulse Asia noong Hulyo, kung saan karamihan sa mga tumugon ay nagsabing sa lahat ng naging Pangulo ng Pilipinas sa loob ng nagdaang 40 taon ay si Ferdinand Marcos ang pinakadakila.
Sa anim na larangan–pagpapatiwasay sa bansa, pagpapaunlad sa ekonomiya, paglaban sa katiwalian sa pamahalaan, pagkitil sa kriminalidad, paglilingkod sa mga dukha at pagpigil sa mabilis na pagmamahal ng mga bilihin at serbisyo–nataasan ni Marcos sa grado ang lahat ng Presidenteng sumunod sa kanya. Nagtala si Marcos ng gradong 7; habang sina Corazon Aquino, Fidel Ramos, at Joseph Estrada ay pawang nagkamit ng markang 6. Si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ay nakakuha ng gradong 4.
Higit sa anupaman, ang pangyayaring ito ay isang nagdudumilat na tanda ng ating pagiging malilimutin bilang isang bansa. Itinuturing nating pinakadakilang Presidente ng Pilipinas sa loob ng nakaraang 40 taon ang isang Pangulong gumamit ng kamay na bakal upang busalan ang bibig ng mga mamamayang nananawagan ng pagbabago hindi lamang sa pamamalakad ng pamahalaan kundi maging sa balangkas ng lipunan.
Sa ilalim ng batas militar, umabot sa 160,000 ang pinaslang, mahigit sa anim na milyon ang napalayas sa kanilang mga tirahan at 2.5 milyon ang permanenteng nawalan ng tahanan, 70,000 ang napiit nang hindi kukulangin sa isang taon at nasa 3,000 naman ang naglaho na lamang, ayon sa pananaliksik ni Rowena Carranza-Paraan ng Philippine Graphic. Samantala, batay rin sa datos na nakalap ni Paraan, nasa 11,000 ang bilang ng pinahirapan sa iba’t ibang paraan — pangunguryente sa bayag o utong, pagpapakain ng tae at pagpapainom ng ihi, pagsasaksak ng posporo sa butas ng titi at ng talong na isinawsaw sa dinikdik na sili sa puki–habang ayon naman sa istoryador militar na si Alfred McCoy ay nasa 35,000 ang bilang nila.
Habang nasa kapangyarihan si Marcos, tumindi ang katiwalian sa lahat ng bahagi ng pamahalaan–maging sa militar. Ginamit ni Marcos ang kapangyarihan ng pamahalaan upang maging monopolyo ng kanyang pamilya at ng kanyang mga kroni ang ilang malalaking bahagi ng ekonomiya. Ang industriya ng saging, halimbawa, ay napunta sa mga kamay ni Antonio Floirendo (asawa ni Margie Moran, na naging Miss Universe noong 1973); ang industriya ng asukal ay naging teritoryo ni Roberto Benedicto at ang industriya naman ng niyog ay naging palaruan ni Eduardo “Danding” Cojuangco.
Malaki rin ang papel ni Marcos sa pagkakabaon ng Pilipinas sa isang bundok ng mga utang panlabas. Nang maging Presidente si Marcos noong 1965, ang utang panlabas ng Pilipinas ay wala pang $1 bilyon, samantalang nang siya’y mapatalsik ay nakaabot na ito sa $28 bilyon. Huwag na huwag uulitin ng Kagalang-galang na Imee Marcos, Kinatawan mula sa Ilocos Norte, ang sinabi niya noong 2002 na noong panahon ng kanyang ama naipagawa ang pinakamahuhusay na tulay at lansangan, sapagkat ang mga ito’y pawang ipinagawa kung saan malalapit ang mga dambuhalang kumpanyang multinasyunal na sa pana-panaho’y nangangailangang magluwas ng kani-kanilang mga kalakal patungo sa mga pamilihan, at ang kalakhan ng bansa’y nanatiling maputik ang daan.
Na atin ngayong dinarakila ang isang Pangulong tulad ni Marcos ay isang tanda ng ating pagkalimot sa pagyurak niya, ng kanyang pamilya, at ng mga kroni nila sa dangal at kinabukasan ng bansa. Lalong nagtutumining ang pagkalimot natin sa nakaraan sa pangyayaring wala na halos tayong naririnig na makapanindig-balahibong mga pagtutol sa posibilidad na ang kanyang bangkay ay ihimlay sa Libingan ng mga Bayani.
Tayo’y saklot ng isang pambansang amnesya. Naaalaala ko ang isang naikuwento sa amin ni Prop. Reuel Molina Aguila ng Unibersidad ng Pilipinas (UP) hinggil sa isang “eksperimentong” ginawa niya sa kanyang mga estudyante, kung saan lumitaw, aniya, na ang kasaysayang lampas sa limang taon nang nakararaan ay hindi na nila nalalaman.
Ang ganitong kahusayan natin sa paglimot ang siya ring dahilan kung kaya ang mga sundalong Amerikanong pumatay ng mga batang napagkamalan nilang baboy-ramo at gumahasa sa maraming dalagang maaaring naging kapatid natin ay halos yakapin natin nang sila’y makabalik dito sa pamamagitan ng Balikatan. Ang ganitong kahusayan natin sa paglimot ang siya ring dahilan kung kaya nagiging National Artist for Literature ang mga manunulat na noo’y naghasik ng lason sa pambansang kamalayan. Ang ganitong kahusayan natin sa paglimot ang siya ring dahilan kung kaya ang paglisan ng mga tulad ni Haydee Yorac upang hindi na magbalik kailanman ay parang walang anuman sa atin, samantalang sa minu-minuto’y hayok na hayok tayong parang mga manyakis sa pinakahuling balita tungkol sa pagpapakaplog ni Kris Aquino sa kanyang pinakabagong kapalitan ng matatamis na kaungasan.
May amnesya tayo bilang isang bansa sapagkat tayo’y hinasa sa sining ng paglimot.
Tinanggalan tayo ng sariling kasaysayan ng ating mga mananakop. Halos ubusin ang anumang palatandaang tayo’y may sarili nang kalinangan bago pa man sila dumating, at ang ating mga tunay na bayani ay pinanganlan nilang mga “tulisan” at “bandolero” at “ladron,” at maraming kawatan ang kanilang itinanghal bilang silang ating mga bayani.
Kaya naman hindi natin makita ang kaugnayan ng kahapon at ngayon, at hindi rin natin mawatasan kung paano makararating sa bukas mula sa ngayon.
patulong nga po mahanap ung kagasatan nga aldaw isa syang short story ni juan aquino.. salamt,, 09074516991
hello po!..ahmmn… nangangailangan po ako ng research about sa tulang naisulat ni FLORENTINO COLLANTES ANG HALIK. report ko po kasi ito! sana po matulungan niyo ako!! bigyan niyo po ako ng magandang pangreport! salamat ng marami antayin ko po ang sagot niyo!
bkt wala akong mhanap na isang punongkahoy na tula sa website?
ano po ba ang title ng tula ni huseng batute na may linyang ‘apat na kandila ang nagbabantay sa bangkay ….’ something like that. i heard it on the radio and my heart was touched please email me the title. thank you so much