Pumanaw noong Agosto 5 sa edad na 63 ang isang pinunong nagtiwala at tinitingala ng mga kabataan, si dating Senador Raul Roco.

Dating lider-estudyante, si Roco ay naging pinakabatang pangulo ng National Union of Students of the Philippines. Bukod pa sa kanyang matalino at magiting na papel sa impeachment trial laban kay dating Pangulong Joseph Estrada, maaalala rin si Roco bilang senador na dalawang beses na tumayo para sa pambansang soberanya. Noong 1991, tinutulan niya ang pagpapanibago ng base militar ng Estados Unidos, at noong 1998, nilabanan niya ang Visiting Forces Agreement.

Kabilang sa mga pinakamalaking pamana niya sa kabataan ay ang paglilinis niya ng katiwalian sa Department of Education, at ang pagsusulong ng libreng edukasyon sa pamamagitan ng pag-alisl sa kung anu-anong kontribusyong sinisingil sa mga mag-aaral ng pampublikong paaralan. Siya rin ang nagsulat ng batas na naging “Study Now, Pay Later” program, noong siya’y nasa staff ni dating Senador Benigno Aquino.

Dalawang beses tumakbo sa pagka-pangulo si Roco. Dalawang beses ding iba ang pinili ng mga Pilipino. Bagamat noong 2004, ang mga botanteng naniwala at umasa sa pagbabago–sa pagbangon ng bagong Pilipinas–ay nahati sa pagitan nina Roco at Bro. Eddie Villanueva, ang dalawang kampo ay magkasama sa patuloy na pagsusulong ng mga prinsipyo ng People Power 2: katotohan, katarungan, malinis at maayos na pamamahala.

Sa kabila ng kanyang karamdaman, patuloy na nakisangkot si Roco sa pambansang usapin. Nang pumutok ang kontrobersiya ng “Hello Garci,” tulad ni Villanueva ay sinabi niyang dapat nang bumaba sa puwesto si Gloria Macapagal-Arroyo. “Por la patria, resign now,” wika niya. “The problem is they cheated, yet they don’t want to resign. That’s the issue. That is shameful,” sabi pa ni Roco sa isang panayam ng Inquirer.

Bagamat dalawang ulit na ipinagkait sa kanya ang pagkakataong maangkin ang karangalang pagsilbihan ang bayan bilang Pangulo ng Republika, higit na magiging mahalaga ang kanyang mga pahina sa aklat ng ating kasaysayan kaysa sa ibang nakaupo sa trono ngunit binalasubas ang bayan.

Habang pinapanood ko ang 2004 campaign MTV ni Roco matapos kong mabalitaan ang kanyang pagpanaw, tumimo sa aking isipan ang mga linyang ito:

May isang salita at prinsipyo

Naiisip ko ang nakaupo ngayon sa posisyong ninais ni Roco, at nalulungkot ako. Hindi ko maintindihan kung bakit mas nangibabaw sa eleksyon ang isang taong iba ang sinasabi kaysa sa ginagawa. Nakapagtatakang mas nanaig ang isang pulitikong nag-ipon ng political debts kaysa sa isang lingkod–bayang hindi nangangambang hihina ang kanyang kampanya kahit ayaw niyang tumanggap ng kontribusyon sa mga tao at negosyong kanina-hinala ang intensyon. Pero kapag tumutunog sa cellphone ko ang “Hello Garci,” nauunawaan ko kung bakit nagkaganoon.

Huwag nating ipanakaw ang bukas.

Naiisip ko ang nakaupo ngayon sa posisyong ninais ni Roco, at nagagalit ako. Hindi ko maintindihan kung bakit kahit maliwanag pa sa sikat ng araw na ninakaw ang boto ng bayan, nananatiling nakaupo ang umagaw sa ating karapatang pumili. Kahit tumunog muli ang “Hello, Garci,” nagtataka pa rin ako.

Naiisip kong sana, alang-alang sa alaala ni Roco, matuto tayong tumayo at bawiin ang karapatang inagaw sa atin. Paminsan-minsan lamang dumarating sa atin ang mga kagaya ni dating Senador Raul Roco. Kadalasan, hinahayaan lang natin silang mag-isang pagsumikapan ang isang bagong Pilipinas. Pero sa kanilang paglisan, inuulan natin sila ng parangal at papuri. Nawa’y hindi manatiling ganito ang katapusan ng kuwento ng mga totoo at makabayang lingkod ng bayan.

(Unang nalathala sa Pinoy Gazette)

Ederic Penaflor Eder

Si Ederic, 40, ay founding editor ng Tinig.com. Ipinanganak sa Batangas at lumaki sa Marinduque, nagtapos siya ng peryodismo sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman noong 1999. Mababasa rin ang kanyang mga...

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.