Noong gabi ng Miyerkoles, Setyembre 21, pagkatapos ng piging pasasalamat ng aming departamento, dumalaw kami sa burol ni Atty. Haydee Yorac sa Balay Kalinaw sa Unibersidad ng Pilipinas.
Sa labas ng balay ay nakahilera ang maraming mga bulaklak para sa namayapa. Sa loob ay nagtitipon naman ang mga kaanak at kaibigan ni Atty. Yorac, kabilang ang mga aktibista at ilang opisyal ng pamahalaan. Ang kanyang mga labi ay nakatanghal sa dulo ng silid, nababalabalan ng bandila ng Pilipinas at binabantayan ng mga naka-unipormeng kawani. Sa tabi nito ay isang ipinintang larawan ng dating propesor at lingkod-bayan.
Bagamat hindi kami naging estudyante o kakilala man lamang ni Atty Yorac–ni hindi ko pa nga siya nakita noong siya’y nabubuhay pa–nagpasya akong dumalaw nang dalhin siya sa Unibersidad. Bukod sa pagsusulat tungkol sa kanya, iyon lamang ang naiisip kong anyo upang personal namin siyang pasalamatan sa lahat ng kanyang mga ginawa para sa ating mga Pilipino: sa kanyang paglaban sa mapanupil na diktaturya, sa pagtatanggol sa karapatang pantao, sa paghubog sa mga mag-aaral ng batas upang maging matapat at tunay na makatarungan, sa pagbawi ng mga yamang ninakaw ng diktador at mga kasapakat, sa pagsusulong sa kapakanan ng mga magniniyog na kinabibilangan ng aking lolo at lola, at higit sa lahat, sa halimbawa at inspirasyong kanyang ibinigay sa mga kabataan sa pamamagitan ng malinis at tapat na paglilingkod sa pamahalaan.
Sa makasaysayang araw na iyon–anibersaryo ng pagkakadeklara ng Batas Militar–ang paggunita sa isang madilim na bahagi ng kasaysayan ay ginawa namin ni Mhay sa pamamagitan ng pagpupugay sa isang bayaning naghatid ng liwanag at katarungan.
(Unang nalathala sa Peyups.com)