Ang buhay ang isa sa pinakamahalaga at pinakamagandang bagay na ipinagkaloob sa atin ng Makapangyarihang Diyos. Ibinigay Niya ito sa ating lahat upang masilayan at pangalagaan ang Kanyang mga nilikha at isakatuparan ang ating mga kapakinabangan ayon sa Kanyang kalooban. Nilikha Niya tayo upang Siya ay paglingkuran at punuin ng dakilang pag-ibig ang buong daigdig.

Subalit ang buhay na Kanyang ipinagkaloob ay may iba’t ibang yugto o kaya nama’y maihahalintulad mo sa pangunahing tauhan ng mga nobelang ating nababasa o na papanood sa telebisyon na sa ilang eksena ay dala ang kaaya-ayang ngiti ng mga labi at sa ilang kabanata ay puno naman ng pighati at wari mo’y walang katapusang agos ng luha na mula sa mga mata ang pumapatak.

Sadyang makulay ang buhay na animo’y isang kabigha-bighaning bahagharing makikita sa ulap sa tuwing titila ang ulan. Nariya’t nararanasan ang kaligayahan maging sa sarili mo man o kasama ng iyong mga kamag-anak o kaibigan. Subalit ang katamis-tamisang taglay ng buhay ay kung minsa’y nagiging mapait. Sumasagupa ang mga suliranin na sa ating palagay ay kayhirap bigyan ng kalutasan. Magugulat na lamang tayo sapagkat ang mga pagsubok ay susugod sa di inaasahang panahon at animo’y tinakwil ka ng magandang kapalaran.
Maya-maya’y madaraanan mo ang isang bato at ikaw ay biglang natisod, nadapa, napilayan, at nasugatan. Wala ka nang ganang bumangon pa sa kadahilanang ang kirot at hapdi ay nadarama habang pinapanood mong dumadaloy ang dugo. Hahayaan mo na lamang bang manatili ka sa kinalalagyan mo habang hinihintay ang saklolo ng taong makakakita sa ‘yo?

Hindi lamang ikaw ang nakararanas ng kalungkutan at pasakit. Ang lahat ng tao sa ibabaw ng lupa ay dumaraan din sa matinik na daan at nabibihag ng sukdulang paghihirap.

Tao lamang din sila. Ako rin ay tao. At ikaw — oo ikaw nga — alam mo bang tao ka rin? Huwag kang magbiro. Alam kong tao ka rin. Sinuman sa atin ay humaharap sa mga suliranin at pagsubok na kung minsa’y hindi na nakakayanan. Bakit mo hahayaang makitil ang iyong sariling buhay sa kadahilanang ayaw mong harapin ang iyong mga suliranin? Hindi mo kailangan at hindi kailanman kinakailangang wakasan ang iyong buhay sa halip ang tapusin mo ay ang mga suliraning sa ngayon ay mayroon ka.

Hindi mo maipapasa sa iba ang iyong mga problema. Ngunit maaari ka nilang damayan o tulungan sa oras ng iyong pangangailangan. Subalit paano kung walang tumulong sa iyo? Habambuhay ka na lamang ba sa kinalalagyan mo hanggang sa ikaw ay mawalan ng pag-asa?

Kung ikaw ay may suliranin, mabigat man o magaan, ang mahalaga’y harapin ito at huwag talikuran. Punuin ang buong katauhan at kalooban ng pag-asa. Pag-asa ang magiging gabay tungo sa magandang buhay. Tawanan lamang iyan at isiping ito’y madaling bigyan ng solusyon upang maging magaan sa iyong pakiramdam. Gayunpaman, kahit anong gawing paraan ng isang tao sa pagtalikod sa kanyang mga problema ay naririyan pa rin iyan na animo’y anino na kahit saan ka man tumungo ay sumusunod pa rin sa iyo. Kaya’t ang mabuting gawin mo’y harapin ito nang buo ang loob at gumawa ng magandang hakbang.

Ang kabiguan ay tanda lamang ng isa pa ring pagsubok. Isang pagsubok na hindi natin malilimutan. Isang pagsubok na sumusukat sa ating pagkatao kung hanggang saan aabot ang ating pagtitiwala at pananampalataya sa Maykapal. Alalahanin nating ang pagsubok din ang siyang nagiging daan upang tayo ay magtagumpay. Kung dumating ang oras na tayo ay nabigo, huwag sisihin ang Diyos sapagkat mayroon Siyang mas magandang hangarin para sa ating ikabubuti. Ito rin ang nagiging tulay upang pagbutihin ang ating ginagawa; upang mas pag-ibayuhin ang tiyaga’t pagsisikap; at daan upang magbago.

Halimbawang ikaw ay sumali sa isang paligsahan at inaasahan mong ikaw ay mananalo ngunit kabaligtaran ang nangyari. Ikaw ay nabigo. Hindi naman ibig sabihin nito’y titigil ka na sa pagsali. Ang kabiguang yaon ay nangangahulugan lamang na kailangang magsanay pa nang mabuti upang sa susunod ay makamit ang tagumpay. Muli kang lumaban upang makamit ang inaasam-asam.

Isa pang halimbawa ang pagkawala ng mga kaibigan sa iyong piling dahil sa maling asal na iyong ipinapakita sa kanila. Huwag isiping wala nang nagmamahal sa ‘yo. Sa halip ay baguhin ang masasamang ugali at ang mga kaibiga’y kusang babalik at sasama sa iyo.

Ang buhay ay parang isang gulong na paikut-ikot at maraming pinupuntahan. Siguraduhing sa bawat paglalakbay ay tamang landas ang dinaraanan.

Ang buhay ay parang Matematika na ang mga problemang ibinibigay ng guro ay napakahihirap hanapan ng solusyon, pero lagi nating tatandaan na ang bawat problemang ibinibigay ng guro ay palaging may nakalaang kasagutan.

Sa totoong buhay, hindi hahayaan ng Diyos na lumapit sa atin ang mga suliranin o kabiguan kung hindi natin makakayanan sapagkat napakabuti Niya.

Gaano man kalaki ang mga suliranin — tuloy pa rin ang buhay.

Habang may hininga — tuloy pa rin ang buhay.

Habang dumadaloy ang dugo sa iyong mga ugat — tuloy pa rin ang buhay.

Habang umiikot ang mundo — tuloy pa rin ang buhay.

At habang may bukas pang masisilayan — tuloy pa rin ang buhay.

Lagi tayong kumatok sa Panginoon at natitiyak kong pagbubuksan Niya tayo, hindi lamang sa oras ng ating matinding pangangailangan kundi sa araw-araw. Siya ang magiging gabay at tanglaw ng ating buhay.

Hinding-hindi Niya tayo pababayaan anuman ang mangyari. Basta’t ikaw sa sarili mo’y huwag papawiin ang pag-asa. Itanim sa puso’t isipan na habang nabubuhay — tuloy pa rin.

Herwin Cabasal

Join the Conversation

1 Comment

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.