Tila naulit ang pag-aalsa ng mga sundalo sa 2003 Oakwood Mutiny matapos mag-walkout noong Nobyembre 30 sina Senador Antonio Trillanes IV , Brig. Gen. Danilo Lim at ilang sundalong Magdalo sa isinasagawang pagdinig sa kasong kudeta sa sala ni Judge Oscar Pimentel sa Makati Regional Trial Court.

Nagmartsa ang grupo nila Trillanes at Lim mula Makati RTC hanggang at nagkuta nang may anim na oras sa Manila Peninsula Hotel. Kasunod nito, agad nanawagan sina Gen. Lim at Sen. Trillanes sa mga dating kasamahan sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at maging sa Philippine National Police (PNP) na bawiin ang kanilang suporta sa kasalukuyang administrasyon dahil daw sa pagkakasangkot ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa sari-saring eskandalo, katiwalian sa gobyerno at graft and corruption.

Nanawagan din sila sa taumbayan at sa iba’t ibang sektor sa lipunan na suportahan ang kanilang grupo sa kanilang ipinaglalaban na bumaba na sa puwesto si Arroyo. Nakasama nina Trillanes sa Peninsula Manila sina dating Vice President Teofisto Guingona, dating University of the Philippines President Francisco Nemenzo, Fr. Robert Reyes, Bishop Julio Labayen at iba pang sibilyang nagpahayag ng suporta sa mga Magdalo leaders.

Binigyan ng pamahalaan ng taning na hanggang ikatlo ng hapon sila Lim at Trillanes para sumuko. Pinangunahan nina PNP-NCRPO chief Geary Barias at NCR Command General Fernando Mesa ng AFP ang mga pulis at sundalong naghintay sa labas ng hotel ngunit nagmatigas ang grupo nina Trillanes hanggang sa tuluyang pasukin ng mga tangke ang hotel at lagyan ng teargas ang loob ng hotel.

Tumagal pa ang tensyon hanggang ika-anim ng gabi bago tuluyang sumuko ang tropa nina Sen. Trillanes at Gen. Lim. Anila, minabuti nilang kusang sumuko upang huwag nang madamay ang mga taong nakapaligid sa Manila Peninsula at upang huwag nang dumanak ng dugo sa hanay ng mga marine at pulisya.

“We’re going out for the safety of everybody. We won’t be able to live with our consciences if some of you get hit or get killed in the crossfire,” ani Trillanes.

Matapos makontrol ng pulisya at militar ang sitwasyon sa Manila Peninsula at isa-isang posasan ang mga nag-alsang sundalo ng Magdalo, kaagad ding dinampot ang ilang taga-media na nagko-cover sa mga pangyayari. Kinumpiska ng mga awtoridad ang gamit ng media tulad ng tape recorders at camera at ang ilan ay pinosasan din gamit ang mga nylon cord. Ang ilan sa mga dinampot na mamamahayag ay isinakay sa bus at dinala sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig upang isailalim sa isang interogasyon.

Si Dir. Barias ng NCRPO ang nag-utos na bitbitin ang lahat ng taga-media na kasama nina Sen. Trillanes sa loob ng hotel dahil sa ulat na ilang Magdalo members ang nagpanggap na mga mamamahayag para makapuslit sa barikada ng pulisya.

Si Senior Supt. Asher Dolina ng Criminal Investigation and Detection Group-NCR Office naman ang nag-utos na posasan ang mga reporter bago ilabas ng hotel at isakay ng bus patungong Bicutan.

Lalo pang nagkaroon ng tensyon nang magdeklara ang Malacañang ng curfew sa gabing iyon sa pangunguna ni DILG Secretary Rolando Puno. Nangangamba ang publiko na baka mangyari muli ang kinatatakutang martial law na ipinatupad ng rehimeng Marcos noong September 21, 1972 sa bisa ng Proclamation No. 1081.

Kinondena naman ng Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas, Philippine Press Institute, National Union of Journalist of the Philippines, at National Press Club (NPC) ang ginawa ng PNP. Ayon sa mga mamamahayag ito’y pagsikil sa kalayaan sa pamamamahayag sa isang demokratikong bansa. Nakatakdang magsampa ng pormal na reklamo ang NPC sa Commission on Human Rights upang paimbestigahan ang ginawang pagdakip ng mga pulis sa mediamen na kumokober sa insidente.

Pinaghahanap naman ng AFP at PNP ang Magdalo leader na si Army Capt. Nicanor Faeldon kasama ang tatlong iba pa na nakatakas sa kasagsagan ng kaguluhan sa Manila Peninsula Hotel. Naglabas din ng isang milyong pisong pabuya ang Palasyo sa sinumang makapagtuturo upang maaresto.

Si Rey Tamayo, Jr. ay isinilang sa maliit na bayan ng Jaro, Leyte. Siya'y naging editorial assistant ng diaryong Tambuli at Magandang Balita Newspaper na lingguhang lumalabas sa mga piling lugar sa Manila....

Leave a comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.