Sabi nila, lahat daw ng nangyayari sa mundo, sa paligid at sa buhay natin ay nakatakda na, at wala na tayong magagawa pa kundi ang makuntento na lamang sa mga pagbabagong magaganap depende sa kung ano ang ilalaan sa atin ng tadhana.

Sabi nila, kung nakatakda na, hinding-hindi mo na ito mababago pa, kahit na gaano mo pa ito gustuhing baguhin. Sa madaling salita, permanente na, ‘yun na talaga ‘yun. Masakit man o hindi, pangit man o maganda, wala ka nang magagawa. As in wala na. Wala na talaga, maliban sa pagsunod sa kung ano ang itinakda.

Pero ako, hindi ako naniniwala sa bagay na ‘yun. Ang pangit naman kasing sabihing wala akong magagawa upang mabago ang isang pangit na itinadhana. Para na ring sinabi sa akin ng titser ko na “Hoy! ‘Wag mo nang pagurin ang sarili mo sa kaaaral para sa eksam sa matematika bukas! Babagsak ka rin naman, eh. ‘Eto o, nakatakda na.” O, ‘di ba, ang pangit nu’n? Maliit ka na nga, minamaliit ka pa, ‘di ba? Kaya naman, ayaw ko talagang sabihin o mapagsabihan ng ibang tao na wala na akong magagawa dahil alam kong meron. At meron naman talaga.

Naalala ko tuloy ‘yung sinabi ng kaklase ko noon bago kami kumuha ng huli naming pagsusulit sa pisika, sabi niya, “Alam mo bang nagpahula muna ako kay Lisa bago ako pumunta rito?” (Si Lisa ay isang kamag-aral ko noon na kilala sa panghuhula. Daig pa n’ya ang mga kilalang manghuhula gaya ni Madam Auring. Palagi kasing tumpak ang mga hula niya.)

“Talaga? Ano naman ang pinahulaan mo?” tanong ko sa kaklase ko.

“Pinahulaan ko ‘yung magiging resulta ng pagsusulit natin ngayon. Hindi kasi ako nakapag-aral eh.”

“Eh kumusta naman ang hula?”

Napayuko s’ya sabay sabing, “Bagsak daw.”

“Hala lagot! Palagi pa namang tama ang mga hula n’ya. Mag-aral ka na lang ngayon habang may oras pa. Baka sakaling pumasa ka pa.”

“Hindi na rin. Ikaw na rin ang nagsabi, lahat ng hula ni Lisa ay nagkakatotoo. Mag-aral man ako, babagsak din ako. ‘Wag na lang.”

At hindi nga s’ya nag-aral kahit na may isa at kalahating oras pa bago nagsimula ‘yung eksam namin. Kaya naman, nu’ng isinauli na ‘yung mga papel namin, nakita ko na lang na nilukot tsaka itinapon n’ya sa basurahan ‘yung sa kanya. Ako naman, bilang isang “concerned classmate” kuno, kinuha at tiningnan ang kawawang test paper sa basurahang punung-puno ng mga nagbabagsakang test papers. 15 out of 100. Puro pa mga considerations at effort points.

Kung hindi n’ya sana pinairal ‘yung kawalang-pag-asa n’ya dahil sa hula at ibinuhos na lamang n’ya ‘yung nalalabing oras sa pag-aaral, siguro makakapasa pa s’ya. Kung hindi man, hindi siguro masyadong mababa ‘yung makukuha n’ya. Ako nga eh, du’n na sa silid-aralan nag-aral. Kahit na mababa ‘yung iskor ko, nakapasa naman. Siguro kung nagpahula rin ako noon kay Lisa, prediction n’ya siguro sa akin ay makakapasa ako kahit hindi na ako mag-aral. Biro lang!

Sa unibersidad natin ngayon, marami na ang nangyari. Marami na ang nabago at nagbago gaya na lamang ng 300% na pagtaas ng tuition. Dati murang-mura talaga ang tuition sa mahal nating pamantasan. Ngunit, tingnan mo na lang ngayon, sa isang iglap lang, tumaas na agad ang tuition fee rito, parang bahang hatid ni bagyong Frank na mabilis tumaas. At katulad din ni Frank, winasak nito ang pangarap ng napakaraming mga Isko at Iska na nais makapag-aral dito.

Isipin mo na lamang ito (kumon ito lalo na sa elementarya at haiskul), kandidato/kandidata ka sa isang search sa inyong paaralan. Paramihan ng malilikom na pera mula sa mga donasyon ng mga kaklase, kamag-aral, mga kaibigan, magulang, mga kaibigan ng magulang at kung sinu-sino pang may mga busilak na puso ang sistema ng patimpalak. Kung ikaw ang nakalikom ng may pinakamaraming pera, ikaw ang wagi, kahit na… alam mo na. Hindi na tinitingnan kung maganda ka o hindi.

Ganu’n din ang istilo o pamamaraan ng bagyo sa loob ng U.P., ang bagyong TOFI (tuition and other fees increase). Kung mayaman ka, talagang makakapasok ka sa UP kahit na waitlisted o pending case ka pa sa admission, kasi ‘yung karamihan sa mga mahihirap na talagang nakapasa ay hindi na tumutuloy sa pagpasok dahil sa hindi nila kaya ang halaga ng edukasyon dito. Hindi naman kasi katulad ng Pinoy Big Brother o Pinoy Dream Academy ang TOFI, eh. Sa PBB at PDA kasi, mapapansin mo na advantage talaga kung mahirap ka, kasi ikaw ‘yung pinapaburan ng taongbayan. Tingnan mo na lamang ‘yung nangyari kay Robi. Natalo s’ya dahil sa mas marami ang bumoto kay Ejay noong Big Night.

Alam nating lahat na ang TOFI ay isang sistema sa ating pamantasan na naipatupad bago pa man tayo nakapasok sa unibersidad. Alam din natin kung gaano ito kapangit at kung paano nito niyurakan ang karapatan ng kabataan sa mura ngunit dekalidad na edukasyon. At alam din natin na hindi ito makatarungan dahil ang mahal nating U.P. ay isang PREMIER STATE UNIVERSITY kung saan dapat sina-subsidize ng gobyerno ang halaga ng ating edukasyon mula sa buwis na binabayaran ng ating mga magulang at buwis sa tuwing bumibili tayo ng Chickenjoy sa Jollibee, Mc Fry sa Mc Donaldâ€s, Crispy Fried Chicken sa KFC, Choco wacko sa Dunkin†Doughnut, Mister Doughnut, burger sa Burger Machine o kahit sa isang simpleng Maxx candy sa tindahan ni Aling Nena o ni Manong Rod. (Biruin mo, may naiambag ka pala para sa U.P. kahit noong nasa kindergarten, elementary at high school ka pa?)

Alam din natin kung gaano karami ang talagang ayaw nito at kung paano ito nilalabanan ng mga estudyanteng may prinsipyo at paninindigan. Pero sa kabila ng napakaraming kilos-protesta ng mga estudyante, bakit hindi pa rin ito nababasura? Bakit ang labanan sa pagitan ng mga estudyante at ng administrasyon ay patuloy pa rin hanggang ngayon? Nakailang laban na si Pacquiao sa mga Mexicanong boksingero ay hindi pa rin natatapos ang laban dito sa loob ng ating pamantasan. At bakit kaya kung laban ni Pacman e, lahat nagkakaisa at kayang iwanan ang kung ano mang ginagawa nila ngunit sa laban para sa karapatan ng mga estudyante sa edukasyon kakaunti lamang ang nakikiisa? Napapaisip tuloy ako, mas mahalaga nga ba talaga ang boksing o ang laban ni Pacman kaysa sa ipinaglalaban ng ilang mga estudyante? At bakit kaya mas pinapansin pa ng iba ang mga foreign personalities gaya ni Bryan ng Hana Kimi o ni Paolo Jung ng Memories of Bali? Indikasyon nga ba ito na wala ng pakialam ang kabataan sa mga problema ng lipunan? Siguro kung magkasabay ang isang kilos-protesta para sa edukasyon o kahit anong isyu at ang pagbisita ng ilang mga kilalang artista gaya nina John Lloyd Cruz, Piolo Pascual, Claudine Barreto at Angel Locsin dito sa ating pamantasan, magmimistulang tambayan ng mga langaw at lamok ang hanay ng mga militanteng kabataan.

Nakakalungkot talagang isipin na dito mismo sa pamantasan natin ay may ilang nakukuntento at pumapayag na lamang sa kung ano ang ibibigay ng administrasyon at ng gobyerno sa kanila kahit na hindi na tama at makatarungan. Sa halip na mura at dekalidad na edukasyon ang ibinibigay nila, isang expensive at inaccessible na edukasyon ang ino-offer nila. Isipin mo na lang, gusto mo ng kendi ngunit bato ‘yung ibinigay sa iyo, papayag ka ba dun? Syempre hindi, ‘di ba? Aanhin mo ba ang matigas na bato sa gutom mong sikmura, ‘di ba?

Nakakalungkot ding isipin na nawawala na sa mga Isko at Iska ng Bayan ngayon ang dugo ng isang tunay na U.P. student – mulat, may prinsipyo, may paninindigan at matapang. Hindi ko rin lubos akalain na may iilan na naniniwalang wala ng magagawa pa ang mga estudyante upang mabago ang isang pangit na sistema sa loob ng U.P. kasi nga nandu’n na ‘yun, naipatupad na at dalawang taon na. Nakalimutan na yata nila ang kasaysayan ng ating bayan — kung paano natin napagwagian at nakamit ang ganitong buhay. Sana multuhin sila nina Andres Bonifacio and company para maalala nila. Biro lang! (Pero sana magkatotoo.)

Huwag sana nating itanim sa ating isip na wala tayong magagawa para ibalik ang dating U.P. na kilala bilang University of the Poor at University of the People. Dahil sa totoo lang, bilang mga estudyante at tunay na mga Iskolar ng Bayan, marami tayong magagawa. Kung sama-sama tayong lalaban at maninindigan para sa mura ngunit dekalidad na edukasyon, siguradong maibabalik natin ang dating U.P.. Kahit na ilang Manuel Marquez o Antonio Barrera pa ang hahadlang sa atin, makakaya natin, mapagtatagumpayan natin.

Huwag tayong maging manhid at magsawalang-bahala. Huwag tayong magmistulang tulog, bulag at pipi sa mga nagaganap. Buksan natin ang ating mga isipan at maging kritikal tayo sa mga nangyayari sa ating paligid.

Ang pag-aaral sa U.P., ang pagiging isang Iskolar ng Bayan, ay parang isang ice cream na masarap tunawin sa bibig. Ngunit kung magpapatuloy ang pagiging inaccessible nito lalung-lalo na sa mga mahihirap, para na itong bulok na itlog na hindi na pwedeng kainin.

Join the Conversation

2 Comments

  1. hindi ba natin naisip mga kasama na sa sobra tayong napamahal sa ideya ng pagiging “palaban at kakaiba?” sa panahon ng pamamalagi ko sa institusyon na ito wala akong nakita at narinig kundi ang paulit-ulit na lamang na parang sirang plaka ng sigaw ng “Ibagsak!” sa halip na buhayin ang diwa ng pagkakaisa. naisip ba natin na hindi na naging makabuluhan ang mga sigaw na iyon dahil tayo narin sumisira sa pag-asa na maiahon natin ang institusyong ito? hindi na tayo nakakatulong at sa halip ay nagiging pabigat na tau sa lipunan. tanong ko sa iyo?

    huwag mo sanang masamain ang punang ito.
    alam ko hindi mo gagawin ang pagharang sa paglalathala nito upang lubos na maging patas ang lahat sa pananaw ng bumabasa
    maraming salamat kasama
    ang dating kasama
    jayti

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.