MGA TAUHAN:
Andrew, 38
Kiko, 40
Check-in Counter Girl
Mga tao sa airport

Sa pagliwanag ng tanghalan, makikita ang waiting area ng airport habang may tumutugtog na hiphop beat. Papasok si Andrew na hawak ang kanyang passport, ticket, at isang malaking bagahe. Puno ang mga upuan. Maya maya ay aalis ang katabi ni Kiko.

Uupo si Andrew sa tabi ni Kiko. Titingin-tingin si Kiko sa kanyang orasan habang nagbabasa ng libro. Si Andrew naman, hinahampas hampas ang ticket sa kamay at galaw ng galaw ang paa. Maglalabas ng imported na tsitsirya si Kiko.

KIKO (paalok kay Andrew): Chips?

ANDREW: Uhh, no. Tenkyu.

Magbabasa ulit ng libro si Kiko. Maglalabas naman ng tabloid si Andrew. May tutunog na cellphone. Pareho silang kukuha ng phone. Itatago ulit ni Kiko ang kanya. Pagkatpos ang ilang pagpindot ni Andrew sa keypad, ay pipindutin niya ang on/off button ng kanyang 3310. Pagkatago ni Andrew ng kanyang cellphone ay tutunog naman ang kay Kiko.

KIKO: God, my kids are so sweet.

Titingnan siya ni Andrew.

KIKO: Take a look, pare. This is my daughter’s text.

Makikibasa si Andrew.

KIKO: Dad, we can’t wait ’til you go back home for Christmas. We’ll miss you. Very sweet, no?

ANDREW: Oo nga eh. Ilang taon na siya?

KIKO: She’s turning 19 this November.

ANDREW: Ah.

KIKO: And this is my little boy’s text.

Ipapakita ulit ni Kiko ang cellphone kay Andrew.

KIKO: Dad, don’t forget my PSP ha. I love you. (Tatawa siya) Kids these days.

ANDREW: PSP?

KIKO: Ya, he wants it as a Christmas present.

ANDREW: Ah.

KIKO: Francis nga pala, pare. Friends call me Kiko.

Kakamayan niya si Andrew.

ANDREW: Ah. Kiko.

KIKO: Kiko din ang name mo?

ANDREW: Ay hindi. Andrew po, ser.

KIKO: Don’t call me sir. I don’t even let my staff call me sir.

ANDREW: Ay, Kiko.

KIKO: This is my family.

Ipapakita ang picture sa cellphone.

KIKO: This is my wife, Pia. And my little boy, Franz. My lovely daughter Franchezca. She’s beautiful, no?

ANDREW: Uhh. Yes.

KIKO: Ikaw, do you have kids?

ANDREW: Kids? Meron, pero wala akong picture nila.

KIKO: Not even in your wallet?

ANDREW: Wallet? Uhh, wala eh. Iniwan ko sa bahay. Eh, bibili na lang ako ng bago.

KIKO: Ilan ba ang anak mo?

ANDREW: Isa lang. (Titigil sandali) Babae.

KIKO: Wow. It’s really challenging to be a father, lalo na kung babae ang anak mo. Nag-iisa pa, no?

ANDREW: Oo. Sinabi mo pa.

KIKO: And how old is she?

ANDREW: Magna-nineteen na din.

KIKO: Wow. Just like my Frannie. Take care of her, pare. I know how hard it is to have a teenage daughter these days.

Hindi kikibo si Andrew.

KIKO: It’s a good thing my wife always talks to her about, you know, the birds and the bees. (Tatawa siya). Ikaw? Asawa mo?

ANDREW: Ah. Nasa bahay. Nagluluto siguro.

KIKO: Ah, housewife. Like Pia. You know, nagpapaalam nga siya sa akin dahil gusto niya daw mag-work. Kahit call center lang daw. Di ako pumayag.

ANDREW: Bakit?

KIKO: Well, I believe that a wife must stay at home lang. She does the basic parenting chores, sabi nga ng iba.

ANDREW: Ah.

KIKO: And besides, mahirap na, baka kung ano pang mangyari, if you know what I mean. (Tatawa)

ANDREW (pilit na tatawa): Oo.

KIKO: And besides, she doesn’t need to work. I have a very good job. We’re doing well financially. Di niya kailangan ng trabaho, dahil hindi naman namin kailangan ng dagdag na pera. We have more than enough.

ANDREW: Oo, halata nga ser eh.

KIKO: Told you, wag mo ako tawagin na sir.

ANDREW: Ah oo nga pala. Kiko.

KIKO: Pero siyempre, naiintindihan ko rin ang wife ko. Siyempre, minsan pag bored na ‘yan sa bahay, gusto niya may ibang ginagawa.

ANDREW: Oo. Mga babae.

KIKO: That’s why I’m allowing her to go out with her friends. They put up parties.

Titingala si Andrew, at hahampas hampasin na naman ang ticket sa kamay niya.

KIKO: Well, yes, ‘yun na din ang madalas naming pinag-aawayan. With the nature of my work, madalas ding uminit ang ulo ko, kaya nagka-clash kami ng asawa ko. Ikaw ba, what do you do?

ANDREW: Ha?

KIKO: What do you do? I mean, your job.

ANDREW: Job? Ha, eh. Musician ako.

KIKO: Oh.

Tatahimik sila sandali. Titingin tingin sa relo si Kiko, at titingala din siya.

KIKO: Well, I remember, nagre-recruit din ang agency namin ng mga musicians from the Philippines. Baka interested ka.

ANDREW: Recruit?

KIKO: Ya, I manage a recruitment agency in Hong Kong.

ANDREW: Recruitment agency sa Hong Kong?

KIKO: Ya. Why?

ANDREW: Eh, anong oras flight mo?

KIKO: Last flight. Why?

COUNTER GIRL: Mr. Andrew Medina, please proceed to counter number 64.

ANDREW: Teka.

COUNTER GIRL: Mr. Andrew Medina, please proceed to counter number 64.

ANDREW: Sandali, ser, ah.

KIKO: I told you not to call me–

ANDREW: Eh, Kiko. Sandali. Iiwan ko lang itong gamit ko dito.

KIKO: Sure.

Magmamadali si Andrew papunta sa counter. Magri-ring naman ang cellphone ni Kiko.

ANDREW: Miss.

COUNTER GIRL: Mr. Medina, fully booked po talaga.

ANDREW (bubuntong hininga): Ganun ba?

COUNTER GIRL: Pero may last flight pa po kung–

ANDREW: Last flight.

Lilingunin ni Andrew si Kiko.

KIKO: Sinabi na ngang– Bakit ba ang kulit mo?! Tatawag ako pag nandun na ako sa Hong Kong, okay?! (Pipindutin ng marahas ang cellphone) Damn it!

ANDREW: Sige. Maghihintay ako.

Babalik si Andrew sa waiting area.

ANDREW: Eh, pareng Kiko, baka naman pwedeng humingi ako ng tulong sa’yo.

KIKO: How can I help?

ANDREW: ‘Wag ka na tumuloy sa flight mo, plis.

KIKO: What?

ANDREW: Ayoko na dito eh. Gusto ko na umalis.

KIKO: I don’t understand you, pare. You’re freaking me out.

ANDREW: Sige na.

KIKO: What the hell are you saying?

ANDREW: Hindi na ako makakapag-intay ng next week eh! Hindi ko na kaya!

KIKO: Hindi mo na kaya ang ano?

ANDREW: Gusto ko nang tumakas dito.

KIKO: Pare, you’re really starting to scare me.

ANDREW: Sabi ng asawa ko, wala akong kinabukasan. Puro plano, plano ng plano, wala namang nangyayari. Ilang taon na daw ako demo nang demo, pasa nang pasa ng mga composition, wala namang nagkakagusto. Kesyo, di na daw uso mga kantang Tagalog ngayon kagaya ng mga ginagawa ko, pang-jukebox na lang daw ‘yun. Sabi ko sa kanya, maghintay lang siya. Gagawan ko ng paraan. Gawa-gawa daw ng paraan, e siya na nga nagpa-aral sa anak namin at nagpalamon sa akin sa buong pagsasama namin. Putang ina, pinag-ipunan ko ‘tong ticket na ‘to! Nangutang ako kung kani-kanino, binenta ko lahat ng mga gamit ko para makabili ng ticket na ito, hindi ko lang sinabi sa kanya. Ang sinasabi ko lang, wag siyang mag-alala. Makakabawi rin kami. Iniisip ko, pag punta ko sa Hong Kong, dun na lang ako hahanap ng trabaho. Kahit ano.

KIKO: Hindi pwede ‘yun. Pauuwin ka muna bago ka makakuha ng working visa.

ANDREW: Wala ako pakialam. Kailangan ko nang tumakas eh. Kailangan ko nang umalis ngayon.

KIKO: Ba’t ka ba nagmamadali? Kung gusto mo tutulungan kita, pare. Pero I can’t–

ANDREW: Tang ina, pag-uwi ko kagabi, nung nabili ko na itong punyetang ticket na ito, sigaw ako ng sigaw sa bahay: “Mayi! Mayi! Nakabili ako ng ticket papuntang abroad! Hahanap ako ng trabaho dun, makakaahon na tayo!” Pero walang sumasagot sa bahay. May nakita akong sulat. Umalis na siya, isinama anak namin.

KIKO: Kaya ka nagmamadali umalis?

ANDREW: Oo. Hindi ko na kayang maghintay ng isang linggo, o kahit na isang araw. Kailangan ko nang umalis ngayon, para magsimula na ako ng bagong putang inang buhay.

KIKO: Pare, wag ka magagalit ah. If you look at life that way, you’re a coward. You always look for a fucking way out–

ANDREW: Putang ina, wag mo akong inglesin, hindi ko naiintindihan!

KIKO: Sabi ko, duwag ka. Pag may problema, gusto mong takbuhan!

ANDREW: Oo nga, duwag nga ako! Sinabi na sakin ng asawa ko yan. Sige na, ser. Bigay mo na sakin ‘tong flight na ‘to. Kahit kailan naman pwede ka umalis, di ba? Manager ka, sabi mo.

KIKO: Manager ako, pero hindi ako ang may-ari. Di ako pwedeng hindi bumalik doon ngayon. Kailangan ko nang umalis.

ANDREW: Mas kailangan kong umalis!

KIKO: Kailangan ko rin.

ANDREW: Umuwi ka na lang, ser. Sige na. Nandun mga anak mo. Naghihintay sila sayo. Mahal ka nila, di ba? Pag ako ang umuwi ngayong gabi, wala akong uuwian. Ikaw, kayang kaya mo magbayad ng isa pang ticket kahit bukas, kahit kailan. Sige na, ser, plis. Tsaka, nandun ang asawa mo, naghihintay din sa ‘yo.

Hindi kikibo si Kiko. Nakayuko lang na umiiyak si Andrew.

COUNTER GIRL: Passengers of Cebu Pacific flight 5J 118 to Hong Kong, you may now proceed to counter number 64 for check-in.

KIKO: Well, mister, it’s been an interesting conversation. I have to go now.

Sa pagtayo ni Kiko para kunin ang mga bagahe niya, mahuhulog ang kanyang ticket. Tuloy-tuloy siyang lalayo kay Andrew papunta sa counter. Makikita ni Andrew ang nahulog na ticket at pupulutin.

ANDREW: Ser —

Mula sa pag-iyak ay unti-unting matatawa si Andrew.

ANDREW (natatawa): Buhay nga naman, o!

Pupunitin niya ang ticket ni Kiko, at ibubulsa. Tatayo siya, kukunin ang bagahe, at aalis na natatawa. Paglabas ni Andrew, makikitang kumakapa-kapa ng mga bulsa si Kiko. Agad siyang babalik sa waiting area.

KIKO: Nakita niyo yung taong kausap ko kanina rito?

TAO: Kaalis lang ho, ser.

KIKO: Damn it!

Kukunin niya ang cellphone niya, at marahas na magda-dial. Sa paglagay niya ng cellphone sa tainga, tutugtog na ulit ang hip hop beat.

KIKO: Pia, nagkaproblema sa ticket ko. Wag ka na magtanong! Basta balikan mo ako rito. Wag mo na isama mga bata. Sige na pag-usapan na natin ‘yung annulment papers pagdating mo rito. Nagkaproblema nga sa ticket ko, ba’t ba ang kulit mo talaga?

Pipila na sa check-in counter ang mga nakaupo sa waiting area, habang unti-unting nagdidilim.

Leave a comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.