“Ito na ang magandang pagkakataon upang marinig ang nagpupumiglas na tinig ng mga kabataang katulad ko sa buong bansa,” sambit ko sa aking sarili. “Gagamitin ko ang oportunidad na ito upang maipahayag ang mga saloobin, pananaw, at opinyon ng mga kabataang Pinoy sa maiinit na balita at napapanahong isyung nakakaapekto sa kanilang buhay at kinabukasan pati na rin ang mga bagay na sumasalamin sa kanilang pagkatao.”

Noon pa man ang inyong lingkod ay naniniwala sa minsang tinuran ng ating pambansang bayaning si Dr. Jose Rizal na ang “kabataan ang pag-asa ng bayan.” Sa mabilis na paglipas ng panahon kasabay ng rumaragasang daloy ng modernisasyon, ang mga katagang ito ay patuloy nating pinaninindigan para sa ating bayan at mundong ginagalawan. Gaano man kalaki ang mga pagbabagong nasasaksihan natin sa daigdig na ito, ang kabataang Pinoy ay mananatiling isang nagniningas na sulo upang maghasik ng liwanag sa landas na tinatahak ng kanyang bayang sinilangan.

Ayon sa Young Adult Fertility and Sexuality Study, mula sa 86 million na populasyon ng Pilipinas, one-fifth o 16.5 milyon dito ay mga kabataan na may edad na 15-24. At sa darating na 2030, tinatayang aabot na sa 30 million ang bilang ng mga kabataang Pinoy.

Sa ganitong kabilis na pagdami ng bilang ng mga kabataan lalo na sa ating bansa, mas lalo silang higit na nangangailangan ng ganap at konkretong patnubay mula sa kanilang pamilya, sa mga nakatatanda, mula sa pamahalaan, paaralan, at simbahan, at iba’t ibang sektor ng lipunan kasama na rin ng kanilang mga kaibigan at kapwa kabataan.

Sa katunayan, malaki rin ang papel na ginagampanan ng Internet bilang isang new media sa paghubog sa puso at diwa ng kabataang Pinoy. Anuman ang kanilang nababasa, naririnig o napapanood ay nakapagdudulot ng pagbabago sa paraan ng kanilang pamumuhay. Kaya’t bilang alagad ng sining at panitikan, nais kong gamitin ang aking pagsusulat sa Tinig.com upang kahit paano’y maghandog ng mabuting inspirasyon at aral para sa bawat kabataang katulad ko base na rin sa sariling pag-aaral at pagmamasid maging ng aking sariling karanasan. Katulad nila’y marami rin akong mga tanong sa buhay na nangangailangan ng pagtuklas. Katulad nila’y lumalakad rin ako sa mundong hindi tiyak ang nilalandas subalit naghahanap ng tamang direksyon. Katulad nila’y nasa gitna rin ako ng mga paghamon, nadarapa, subalit mabilis na bumabangon upang magpatuloy sa walang hanggang paglalakbay

Bakit Binhi ang titulo ng kolum?

Binhi ang titulo ng bagong kolum na ito sapagkat bilang kabataan, tayo’y tulad ng isang binhing itinanim sa matabang lupa. Dahil sa mabuting pag-aalaga at mainit na pagmamahal ng mga taong may malasakit sa atin, tayo’y unti-unting umuusbong sa gitna ng lipunang ating kinamulatan. Sa bawat paglipas ng panahon, tayo’y patuloy na yumayabong at nagiging mas matatag anumang bagyo ang sumubok sa atin. Minsang nalalagas ang mga dahon subalit muling tumutubo sa muling pagsikat ng araw. At sa takdang panahon, ang minsang naging isang binhi ay mamumulaklak at magbubunga nang masagana upang ihandog sa mga taong sa kanya ay nagmahal at nagtiwala.

Ang Binhi kolum ay unang nailathala sa Mabuhay, isang lingguhang pahayagan sa lalawigan ng Bulacan. At sa pamamagitan ng Tinig.com, ito’y muling itatanim para sa ating mga ka-Tinig.

Join the Conversation

1 Comment

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.