May tatlong pinakamahalagang kagawaran sa ating lipunan na siyang pundasyon ng isang demokratikong republika tulad ng Pilipinas. Una ang tagapagpaganap (executive) na pinangungunahan ng pangulo kasama ang kaniyang pangalawang pangulo at ang kanilang mga kinatawan sa bawat departamento. Ikalawa, ang tagapagbatas (legislative) na binubuo ng dalawang sangay, ang senado at ang mababang kapulungan kongreso. Ikatlo, ang panghukuman (judicial) na binubuo na ng mga huwes, hukom at ng mga mahistrado.

At ang isa pa sa may pinakamahalagang papel sa ating lipunan ay ang mga mamamahayag o peryodista na itinuturing na ikaapat na estado (4th state),lalo na sa ating bansa. Ang isa sa mahalagang tungkulin ng ikaapat na estado ay bantayan ang kalagayan at integridad ng ating bayan laban sa mga taong mapagsamantala sa karapatan ng bawat indibiduwal.

Ang mga peryodista rin ang pangunahing naghahatid ng makabuluhang balita at impormasyon sa publiko. Naitala na sa ating kasaysayan ang mahalagang papel ng mga propagandistang manunulat sa ating bayan upang imulat ang sambayahang Pilipino sa makatotohanang kalagayan ng ating bansa at ang mga repormang maaaring gawin upang makawala sa imperyalismong pamamahala.

Ngunit nakakalungkot isipin na sa ating panahon ay tila baga nahaharap sa maraming suliranin ang ating mga mamamahayag. Matatandaang noong nakalipas na taon ay sinampahan ng kasong libelo ni First Gentlemen Jose Miguel “ Mike” Arroyo ang may halos 42 mamamahayag. Kabilang sa kanila ang ilang personalidad na maituturing na haligi ng peryodismo gaya nila Letty Jimenez-Magsanoc, Isagani Yambot, Ellen Tordesillas, Amado Macasaet, Ninez Cacho-Olivares, at iba pa.

Bukod pa sa mga kasong libelo laban sa mga peryodista, pagkondena naman ang itinugon ng National Union of Journalist of the Philippines (NUJP) sa dumaraming bilang ng mga mamamahayag na pinapatay. Tinatayang mayroon nang 50 journalist na pinatay sa ilalim ng administrasyong Arroyo. Si Hernani Pastolero, isang local newspaper editor na nakabase sa Sultan Kudarat, ang kauna-unahang manunulat na pinatay ngayong 2007.

Nakababahala ang pangyayaring ito na lantarang pagsikil sa karapatan ng pamamahayag (freedom of the press) sa ating bansa. Magugunita na ang Pilipinas ay pangalawa sa pinaka mapanganib na bansa para sa mga mamamahayag sa buong mundo matapos ang bansang Iraq.

Ayon sa nakasaad sa Revised Penal Code (RPC # 363) maaaring masangkot sa kasong libelo ang mga sumusunod na posisyon ng isang pahayagan; ang publisher, writer ng nasabing artikulo at ang business manager kung ito’y papasa sa apat na elemento ng kasong libelo.

Una, kung ang nasabing artikulo ay defamatory.
Ikalawa, kung ito’y malicious.
Ikatlo, kung ito’y nalaman ng publiko.
At ang ikaapat, kung may pagkakakilanlan.

Ngunit nakakalungkot isipin na ang ilan sa kinakasuhang mamamahayag ay nagiging biktima ng pang-aapi at kawalan ng katarungan. Hindi nila makamit ang patas na hustisya lalo na kung ang nagsampa ng kaso ay malakas ang impluwensiya sa ating gobyerno.

Ang dapat sanang pagtuunan din ng pansin ng ating mga mambabatas ay rebisahin o gumawa ng panibagong batas na nagtatadhana na ang kasong libelo ay mapaloob na lamang sa mga kasong sibil at hindi bilang isang kriminal na kaso. Minsan nang binalak ni Sen. Aquilino “Nene” Pimentel na rebisahin ang nasabing batas ngunit tila natulog lamang sa Senado ang panukala.

Tungkulin ng ikaapat na estado na pangalagaan at bantayan ang kredibilidad ng publiko kahit na may nakaambang libelo sa kanilang makatotohanang pag-uulat alang alang sa bayan. Sana naman ay kumilos na ng ating mga senador at mga kinatawan sa Kongreso upang maipagtanggol ang karapatan ng ating mga manunulat at brodkaster na sa kasalukuyan ay niyuyurakan ng mga maimpluwensiyang tao sa ating lipunan, nilulumpo ng napakalaking piyansa at tinatakot upang huwag nang ibulgar sa publiko ang kabulukan ng mga taong mapangabuso sa ating mga kababayan.

Si Rey Tamayo, Jr. ay isinilang sa maliit na bayan ng Jaro, Leyte. Siya'y naging editorial assistant ng diaryong Tambuli at Magandang Balita Newspaper na lingguhang lumalabas sa mga piling lugar sa Manila....

Join the Conversation

2 Comments

Leave a comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.