Patuloy ang panggigipit, pananakot, pamamaslang at iba pang aspeto ng paglabag sa malayang pamamahayag dito sa ating bansa.

Dahil sa nagiging lalong peligroso na ang lagay ng press freedom sa bansa at sa posibleng nakaambang panganib sa mga mamamahayag at peryodista, nanawagan ang National Union of Journalists of the Philippines at Center for Media Freedom and Responsibility sa mga mambabatas sa Senado at Kamara na madaliin na ang pagsasabatas sa nakabinbing panukalang batas hinggil sa kasong libelo.

Matatandaang naghain na ng kani-kanilang bersyon ng panukalang batas sa Senado sina Senator Chiz Escudero (Senate Bill No. 1403), Senator Mar Roxas (Senate Bill No. 110) at Senator Loren Legarda (Senate Bill. No. 223) na ang layunin ay alisin ang aspetong criminal o i-decriminalize ang kasong libelo sa ating bansa.

Ayon sa mga mamamahayag, nagiging delikado na ang kalagayan ng press freedom sa bansa matapos hatulan ng pagkakabilanggo sa kasong libelo ang beteranong peryodista at publisher ng Daily Tribune na si Ninez Cacho-Olivares, ang pagkakakulong ni Davao broadcaster Alexander “Lex” Adonis ng dxMF Bombo Radyo na hanggang sa ngayon ay nasa piitan pa rin, ang mabagal na pag-usad ng kaso ng host ng programang D’ X-man ng UNTV 37 na si Marcos Mataro sa kabila na tukoy na ang mga suspek, at ang pagdukot sa tatlong mamamahayag na sina Cecilia Victoria “Ces” Oreña-Drilon, cameramen Jimmy Encarnacion at Angelo Valderama ng mga sinasabing bandidong Abu Sayyaf.

Magugunitang nasintensiyahan si Olivares ng anim na buwan hanggang dalawang taong pagkakakulong sa sala ni Judge Winlove Dumayas ng Makati Regional Trial Court Branch 59 sa kasong libelo. Bukod sa pagkakakulong, pinagbabayad pa ang beteranong journalist ng 5 million pisong moral damages at P33,732 naman para sa civil damages sa Carpio Villaraza and Cruz (ngayon ay Villaraza, Cruz, Marcelo and Angcangco) law firm.

Nag-ugat ang nasabing kaso nang akusahan ni Olivares sa kaniyang column na iniimpluwensiyahan umano ng nasabing law firm na ibenta sa isa nilang kliyente ang controversial build-operate contract laban sa nanalong bidder ng Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 (NAIA-3).

Pansamantalang nakalaya si Olivares matapos magpiyansa at inaasahan namang maghahain ito ng motion for reconsideration sa Makati Trial Court at mag-aapela sa Korte Suprema hinggil sa kaniyang 47 iba pang kasong libelo na kasalukuyang dinidinig sa iba’t ibang korte sa bansa.

Si Adonis naman ay nakulong dahil sa libel case na isinampa ni Nograles nang sabihin ng una na nakitang tumakbo nang hubad sa isang hotel sa Manila ang House Speaker. Noong Pebrero ay nabigyan ng parole si Adonis, ngunit hindi pa rin siya makalabas ng kulungan dahil sa katulad na kaso na isinampa naman ng babaeng binanggit niya sa kaniyang komentaryo.

Pinayagang magpiyansa si Adonis, ngunit hindi siya pinapakawalan ng prison officials na si Supt. Venancio Tesoro, Director of the Davao Prisons and Penal Farm at kailangan pa umanong humingi ng clearance kay Bureau of Corrections Director Oscar Calderon na nasa ilalim naman ng Department of Justice.

Matatandaang isa si Nograles na nagsampa ng panukalang batas na naglalayong i-decriminalize ang kasong libel sa Kamara.

Samantala, tila napakabagal ang pag-usad sa kaso ni Marcos Mataro. Si Mataro ay dating ministro ng Iglesia ni Cristo na lumipat sa Ang Dating Daan at pangunahing main host ng programang D’ X-man ng UNTV 37 na tumatalakay sa maling mga aral ng dati niyang relihiyon.

Si Mataro ang ika-57 na mamamahayag na pinaslang sa ilalim ng administrasyong Arroyo mula nang manungkulan ito noong 2001. Ayon sa mga kasamahan ni Mataro sa programa, may kinalaman umano ang nasabing pamamaslang sa paglipat ng relihiyon ng biktima.

At ang pinakahuling insidente ay ang pagdukot kay Ces Drilon sa dalawa niyang kasamahan sa lalawigan ng Sulo noong June 8. Sa pinakahuling ulat, humihingi ang mga bandilong Abu Sayyaf ng 15 milyong piso kapalit ng kanilang mga bihag. (Editor’s note: Pinalaya sina Drilon noong gabi ng Hunyo 18. Ayon sa pulisya, P5 milyon ang ibinayad na ransom ng pamilya ni Drilon para sa kanilang paglaya.)

Bukod sa paghingi ng proteksyon sa PNP at militar, umapela rin ang National Union of Journalists of the Philippines, Center for Media Freedom and Responsibility, National Press Club, Philippine Press Institute at iba pang media groups sa mabilisang aksyon ng mga mambabatas upang maalis sa kategoryang kriminal ang kasong libelo.

Nauna nang nagpalabas ang Korte Suprema sa mga hukom ng Administrative Circular No. 8 na nilagdaan ni Chief Justice Reynato Puno na taasan na lamang ang multa sa mga mahahatulan sa kasong libelo sa halip na ikulong. Ito’y upang mapangalagaan ang karapatan ng isang indibidwal gaya ng freedom of speech, expression at ng freedom of the press lalo na sa mga mamamahayag.

Si Rey Tamayo, Jr. ay isinilang sa maliit na bayan ng Jaro, Leyte. Siya'y naging editorial assistant ng diaryong Tambuli at Magandang Balita Newspaper na lingguhang lumalabas sa mga piling lugar sa Manila....

Leave a comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.