Ako na yata ang modernong version ni Mr. Scrooge. At hindi lang yun, female version pa! Bukod sa pagkainis ko sa bawat pagkakataong naririnig ko ang salitang “Pasko”, tila nagkakalyo na yata ang puso ko pagdating dito. Pakiramdam ko’y wala nang dahilan upang ako’y magdiwang. Wala na ring dahilan para ako’y magsaya. Ano ba ang “merry ” sa Christmas?

Barilin na ang mga OA sa Bagumbayan. Sige, guilty na ako.

Noong ako’y bata pa lamang, sa tuwing papalapit ang Pasko, daig ko pa ang kuting na agad-agad lumalapit sa ibinibigay na pagkain ng amo nito. Atat at masaya, walang katulad ang kasiyahang aking nadarama lalo na’t makakatanggap ako ng mga regalo at aginaldo. Makulay ang Pasko, maingay. Isama na ang mga masasarap na minatamis na nakahanda sa aming hapag-kainan. Abot-tainga ang aming ngiti sa bawat larawang kinukunan gamit ang lumang camera. Kapag nakapikit ka, sori ka — hindi gaya ng digicam ngayon na pwedeng mag-one more time kapag mali ang pose mo.

Naisip ko rin ang aking birthday. Sa bawat taong nadadagdag, parang nababawasan ng satisfaction level. Sabi ng Mama ko, “Malaki ka na kasi, kaya hindi ka na mabibigyan ng aginaldo.” Laking panlulumo ko pag naiisip ko na totoo nga yun. Hindi na raw kasi ako cute, matanda na daw ako, nag-abroad na daw si Ninong o si Ninang…

Ang pagbabago nga naman…

Kaya ngayong taon, “Pass” ko na. Bukod sa mga masasakit na nangyari sa aking buhay, marahil ay naging “bitter” ang pananaw ko. Hindi ko ikinakaila ito. Hindi lang ang mapapait na sinapit ko ang nasa isip ko. Pasalamat ka Pilipinas, iniisip din kita! Marami akong napagtanto dahil sa “Pass” ko. Marami nang nagbago, at isa na rito ang pagkaubos ng aking mga ninong at ninang na karamihan ay nagsipagtrabaho na sa ibayong dagat upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang kani-kanilang mga pamilya. Sina Mama at Papa rin naman.

Mga ilang araw na ang nakakaraan nang ako’y mapasyal sa isang mall, kasama ang aking mga kaibigan. Sa halip na makipagsaya kasama nila, umuwi lang akong nanlalata at malungkot dahil nainggit ako sa mga batang kasama ang kanilang mga magulang na namimili ng mga regalo at pamasko. Bahala na, papangit lang ako lalo.

Nakakalungkot din na magpa-Pasko akong galit, dahil disbanded na ang pinakamamahal kong boyband. Na-stroke din si Lola ko kaya ako na ngayon ang inaasahang hahawak ng sandok at magluluto para sa mga bisita. Ilan pa lamang iyan sa maraming bagay na aking ipinaghihimutok kaya hindi ko magawang magdiwang ngayong Pasko.

Napagtanto ko na kaya pala ako nagkakaganito ay dahil naging materyalistiko na ang mga tao. Gaya ko. Gayunpaman, para sa mga mahal ko sa buhay at para sa Diyos, gagawin kong masaya ang okasyong ito para sa kanila, kahit huwag na sa akin.

Parang mas inaasahan ko pa ang Bagong Taon, dahil mas masarap magbago pag a-uno.

Join the Conversation

5 Comments

  1. hayyzz try mu maglaro ng ran online… onlilne game sa mga computer shop

    tignan naten kung maloka ka dun

    wahahahahhahaah

  2. madame fafa dun pwamiz at for sure magbabago ang buhay mo…

    try m lng pra maiba namn di bah…

    wrath server ka gumawa sister ha

  3. isa ang malinaw ang saya wala sa date, okasyon, bagay, lugar, sa Pasko nasa atin ‘to walang definite na standard kung papano sasaya ang tao, depende yon sa maraming kung ano-ano.

    nice one, nice article, miss scrooge.

  4. hey men,, i think u don’t know the meaning of Christmas right? Go to church pra may matutunan ka nman kahit papano.. hehehe. Always be happy,, don’t be mad ok

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.