Napukaw ang aking atensiyon sa artikulong sinulat ni Ethan Zuckerman hinggil sa lektyur na binigay ni Dan Gilbert, isang propesor sa Harvard, ukol sa pagsusuri ng tao sa panganib (risk).

Tanong ni Gilbert, bakit hindi natin natutukoy ang mga malalaking pagbabagong idinudulot ng global warming samantalang kaya namang tukuyin ng ating utak ang ilang kongkretong banta sa ating buhay? May apat na dahilang ibinigay si Gilbert kung bakit hindi tayo nagpa-panic sa global warming. Isa-isahin natin ang mga ito:

Una, walang mukha ang global warming. Interesante ang spekulasyon ni Gilbert: “If a plane were struck by lightning and destroyed the World Trade Center, none of us would remember the year it occurred in. If global warming were trying to kill us, our president would be fighting a war on it, with or without congressional approval.”

Pangalawa, hindi kontra ang global warming sa ating moral framework. Mainam ulit ang halimbawa ni Gilbert: “If climate change were caused by gay sex or eating puppies, people would be massing in the streets.”

Pangatlo, mahusay tumugon ang tao sa banta ng kasalukuyan, hindi ng hinaharap. At pang-apat, sensitibo ang tao sa pagbabago sa liwanag, tunog, presyur at bigat; pero sensitibo sa mga relatibong pagbabago at hindi sa mga absolutong pagbabago. Narito ang dagdag na interpretasyon ni Zuckerman:

“When the rate of change of a stimulus is slow, we barely notice those changes. We’d be up in arms about changes that have happened in the past two generations in impurities of our air, water and food. We only tolerate it because it happened so slowly. The problem in reacting to global warming is not that it’s happening so quickly, but because it’s happening so slowly.”

Magagamit ang ilang argumento ni Gilbert upang maunawaan ang aktitud ng publiko sa Pilipinas hinggil sa iba’t ibang isyung panlipunan.

Halimbawa, bakit hindi maingay ang middle class laban sa extrajudicial killings? Bakit biglang buhos ang galit at pagdadalamhati sa Glorietta blast at Batasan bombing samantalang tahimik naman dati kapag may mga bombang sumasabog sa Mindanao? Bakit tayo nandiri sa ginawang pamimigay ng cash gift sa Malakanyang samantalang noon pa man ay matindi na ang korupsiyon sa pamahalaan?

Bago bumulaga ang mga kaso nina Jonas Burgos, Karen Empeño at Sheryl Cadapan, hindi napapansin ng publiko ang ginagawang lingguhang pagdukot at pagpatay sa mga aktibista sa bansa. Paisa-isa ang mga kaso ng pamamaslang. Kailangan munang umabot sa daan-daan ang pinatay bago kilalanin na may malawak na paglabag sa karapatang pantao sa Pilipinas.

Matagal nang problema ang kahirapan sa Pilipinas pero kinailangan pa ang pagpapakamatay ni Marianette Amper upang makumbinsi’t paaminin ang pamahalaan at mayayaman na malawak na ang diskontento sa lipunan. Binigyang mukha ni Amper ang kahirapan at kawalan ng pag-asa ng kabataan sa kasalukuyan. Ang pagpapakamatay ay kontra sa moral framework ng mga Pilipino.

Natutuwa ang pamahalaan sa perang ipinapadala ng mga migranteng Pilipino sa kanilang pamilya. Subalit hindi ito naaalarma sa pangmatagalang negatibong implikasyon ng pagkawala ng mga manggagawa’t propesyunal sa bansa. Hindi kasi biglaan ang negatibong pagbabagong dinudulot ng brain drain.

Mahalaga ang punto ni Gilbert hinggil sa kahinaan ng tao na kilalanin ang mga absolutong pagbabago sa lipunan. Nabibighani tayo sa mga espesyal at madramang kaso ng pagnanakaw, pagpatay, at masamang pamumuno. Pero hindi natin agad nasisipat ang tinutumbok ng mga kasong ito sa pangkalahatang katangian ng pulitika sa bansa. Hindi natin nauugnay ang mga indibidwal na problema sa struktural na depekto ng partikular na sistemang pulitikal na dominate sa lipunan.

Sensitibo tayo sa isyu ng korupsiyon na kinakasangkutan ng isang pulitiko. Pero bakit hindi natin pinapansin ang pananagutan ng uri ng pulitika na namamayani sa ating bansa?

Sabi ni Gilbert, magaling at mabilis tumugon ang tao sa mga bantang personal, imoral at nagaganap ngayon. Kailangang matutunang pag-aralan ang mga bagay-bagay na kahit hindi personal, kahit hindi imoral, kahit hindi banta sa ngayon, pero kung labag sa interes ng mamamayan, dapat itong tutulan, labanan at pigilang makasakit pa ng ating kapwa.

Kahit hindi popular ang isang adhikain, kahit itinuturing na kahangalan ang isang ideya, pero kung pinaniniwalaan nating magdudulot ng malaking epekto sa komunidad, dapat itong suriin pa nang husto. Hindi ba’t ang global warming ay minamaliit dati bilang pseudo-science? Napakarami pang “hangal na ideya” sa lipunan ang dapat iligtas mula sa masamang pagkakaangkop ng mga nasa kapangyarihan.

Si Mong ay tagapangulo ng Kabataan Partylist. Bisitahin ang kanyang blog sa www.mongpalatino.motime.com.

Mong Palatino

Activist, blogger, and political journalist. Visit him at mongpalatino.com or email him at mongpalatino[at]gmail[dot]com.

Join the Conversation

1 Comment

  1. Ang kolum ay naglalaman ng maganda at tamang mga puna.

    Sa mas malalim pang paguusisa, sa palagay namin, ang tunay na dahilan ay ang kawalan ng “nagkakaisang kamalayan” ng ating kasalukuyan lipunan sa mga bantang natukoy. Ang kawalan ng “nagkakaisang kamalayan” ng ating kasalukuyan lipunan ay masasabing dulot ng (1) kawalang-pakialam ng mga mamamayan; (2) kulang na kabatiran o kamangmangan; at (3) pagkakawatakwatak ng kaisipan o pagkakanya-kanya, dulot ng pagkakaiba ng pangunahing pangangailangan at interes. Ang tatlong manipestasyon ito ay makikita sa isang lipunan walang mahusay na taga-gabay o liderato. Patunay lamang na ang kasalukuyan pamahalaan ay nagkukulang.

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.