Binasang panimulang pananalita sa “Valuing the Writer’s Creative Mind by Protecting His Rights: A Seminar-Orientation on Intellectual Property Rights” ng Panitikan, Ekspresyon, Nasyonalismo sa Kaisipan at Obra (PenKO) noong November 21, 2007 sa Bulacan State University.

Ang pagiging malikhain ay taglay na ng mga Pilipino sa simula pa lang ng pagbubuo niya bilang mamamayan. Marami nang mga nahukay na historical artifacts na nagpapatunay na ang mga sinaunang Pilipino noon pa man ay may malaking pagpapahalaga na sa masining na paglikha ng mga bagay-bagay. Sa palagay ko’y isa itong katotohanan na sasang-ayunan naman nating lahat.

Partikular nating bigyang pansin ang pagkamalikhain ng mga manunulat sa ating bansa. Unahin na nating banggitin si Francisco “Balagtas” Baltazar. Ang kanyang mga sinulat ay laging nakakonsentra sa mga problemang kasangkot ang Pilipinas at Espanya. Ginamit niya ang kanyang naiibang paraan ng pagsulat sa Florante at Laura upang malusutan ang sobrang paghihigpit ng lupon ng sensura ng mga paring prayle sa mga akdang makabayan. Inakala tuloy ng mga Kastila na ang Florante at Laura ay isang simpleng kasaysayan ng pag-iibigan. Isunod nating tukuyin ang playwriter na si Juan K. Abad sa dulang Tanikalang Ginto. Ang mga tauhan dito ay ginamitan ng mga simbolong pangalan nang hindi mahalata ng mga Amerikano na ang dulang ito ay may temang patungkol sa nasyonalismo. Sa panahon naman ng Hapon, ayon sa tala ng kasaysayan ito ang tinaguriang “Gintong Panahon ng Maikling Kuwento at Dulang Tagalog.” Ang mga manunulat na Pilipino sa wikang Tagalog sa panahong ito ay nabigyang pagkakataong maipakita ang lalim at lawak ng kanilang mga panulat dahil ang paggamit ng Ingles sa panahong iyon ay mahigpit na ipinagbawal ng mga Hapon.

Sa nakaraan, marami ng mga patunay sa pagiging malikhain ng ating lahi at sa kasalukuyan ang pagkamalikhaing ito ay patuloy na nagiging instrumento hindi lamang sa pang-indibidwal na ekspresyon kundi lalo’t higit sa pagtatagni-tagni ng mga nagkakaiba-ibang identidad, damdamin at kamalayan. Ang panulat ng mga manunulat sa kontemporanyong panahon ay hindi na lamang nagmumulat ng mga kaisipan, idinudugtong din nito ang nawawalang ugnayan ng tao sa kanyang kapwa at bayan.

Sa hanay ng mga bagong dugong manunulat (partikular ang mga student-writer sa mga pamantasan) patuloy na nagbubunga ng tagumpay ang bawat patak ng emosyon at idealismo sa kanilang mga panulat at ang bawat retaso ng kaalaman ay napagtatagni-tagni upang maitawid ang kasalukuyan sa kinabukasan.

Maaaring sa mga kabataang manunulat na ito nauna na ang pag-eeksperimento sa pagsusulat bago natutunan ang tradisyunal na pamamaraan, ngunit masasabi pa ring isa pa rin itong aktuwasyon tungo sa kaunlarang pangsining at pagpapalawak ng kaisipan.

Kailangan nating makita nang malinaw ang naging silbi ng pagkamalikhaing ito ng mga manunulat na Pilipino sa kalagayan natin ngayon bilang isang bansa. Ngunit kung iisipin, hindi isang garantiya na ang lahat ng kakayahan na may silbi (gaya ng pagkamalikhain) ay hindi na nga maaaring mawala. At hindi rin maaaring masigurado na ang isang taong may malaking pagpapahalaga sa kanyang kapwa ay hindi na nga niya maiwawala ang pakiramdam na ito habang siya ay nabubuhay pa. Lalo pa nga’t nakikita at nararamdaman niyang ang mga mamamayan o ang bayang kanyang kinakalinga ay hindi naman pala siya tinitingnan.

Marami na at patuloy pang dumarami ang nagsasabi na mahirap maging manunulat sa Pilipinas. Isang katotohanan ito sa sektor ng mga manunulat na Pilipino mula pa noon hanggang ngayon, kahit marami ng nangyaring pagbabago hindi pa rin nabago ang katotohanang ito.

Matagal ng panahong inaalalayan ng mga manunulat ang ating bansa. Marahil, ito naman ang tamang panahon para sila naman ang ating alalayan.

Edilberto Larin, Jr.

Si Edel Larin ay isang manunulat at archaeologist na nagtuturo sa Bulacan State University. Kasalukuyang nagsasagawa ng pananaliksik sa kabundukan ng Sierra Madre sa Bulacan

Join the Conversation

1 Comment

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.