Nasubukan n’yo na ba ang lumusong sa bukid sa Pilipinas at makisalamuha sa ating mga magsasaka? Unang mapapansin ang kanilang payak na pamumuhay, sunog na balat at karaniwan ang mahinang pangangatawan. At maaring higit na kapansin-pansin ang kanilang edad. Karaniwan sa ating mga magsasaka ay lagpas ng 40 taong gulang. Mayroon din naman 30 hangang 40 anyos na inilaan ang sarili sa bukid ngunit mangilan-ngilan lamang ang ganitong hanay. Mas marami pa rin ang mga matatandang magsasaka.

Maaring sa unang pagtingin ay pangkaraniwan lamang na sa mga matatandang miyembro ng pamilya ang pagkakaroon ng interes sa gawain ng pagsasaka, ngunit sa mas malalim na pagtingin ito ay nakakabahala. Ang pagtaas ng bilang ng mga matatandang magsasaka ay nagpapahiwatig ng kawalan ng interes ng ating kabataan sa agrikultura sa sangay ng pagsasaka.

Ano ang naidudulot ng ganitong uri ng mentalidad? Sa isang kabataang isinilang at lumaki sa lungsod na bihira ang lupang sinasaka, kailanman sila ay hindi nakaranas ng gawaing bukid. Sa mga tulad nila, sa mga kwento at aklat lamang na kanilang binabasa ang nagpaalam sa kanila ng prinsipyo at halaga ng pagsasaka. Ang mga kabataang tulad nila ay hindi maasahang magkaroon ng masidhing interes na iugnay ang sarili sa ganitong gawain at pagyamanin ang sarili sa pagbubungkal ng lupa. Ang mentalidad sa hanay ng mga kabataang tulad nila ay madaling tangapin.

Ang nakakalungkot ay ang pananaw ng mga kabataang nagmula sa hanay ng mga magsasaka. Sila ang mga anak ng magsasaka o mula sa pamilya ng magsasaka. Sila ang may higit na pagkakataon na pagyamanin ang lupa, ngunit mas pinili ang tumalikod sa ganitong gawain. Sila naman ang mga kabataang pinili na pumasok sa pagawaan, magtrabaho nang may amo at sila din ang karaniwang napagsasamantalahan. Ang iba naman sa kanila ay mas pinili na mangibang-bayan at ang may mga na nagbebenta o nagsasangla ang lupang sinasaka upang ibigay bilang placement fee.

Sa mga naunang tanong: bakit patuloy na dumadami ang bilang ng mga matatandang magsasaka? Maaaring sabihin na ito ay bunsod ng pagkalagot ng interes ng ating kabataan na pagyamanin ang lupa. Ano ang nagtulak sa kanila na talikuran ang lupa?

Bilang bata, ang unang modelo natin ay makikita natin sa ating tahanan ito ang ating mga magulang. Nakita ng mga anak ng mga magsasaka na sa kabila ng hirap ng kanilang mga magulang ay nanatiling payak ang kanilang buhay–sapat na ang makapag-ipon ng pagkain at mangungutang na naman sa susunod na taniman o ang tinatawag na subsistence farming. Sa ganitong kalagayan sapat lamang ang kita sa bukid para sa pagkain, pag-aaral ng mga anak at pangangailangan ng pamilya at mas madalas nagkakautang pa sila.

Kung bakit sadlak sa ganitong kalagayan ang mga magsasaka ay nangangailangan ng hiwalay at mas malalim na pagtalakay. At nakakalungkot na sa ganitong kalagayan namulat ang kanilang mga anak, na araw araw ang hirap ngunit hindi nagbabago ang takbo ng buhay.

Hindi pala natin masisi ang mga kabataang tinalikuran ang lupa at iwan sa mga matatandang magulang ang pagbubungkal ng saka. Pero kung patuloy itong mangyayari, nakakalungkot ang kinabukasan ng agrikultura sa bansa.

Ang pagtalikod ng kabataan sa pagsasaka ay mababawasan lamang kung maipapakita natin sa kanila ang potensyal na yaman na maaring ibigay ng lupa. Kung mamasukan at makakatangap ng P6,000 hanggang P7,000 sa isang buwan o ang mangibang-bayan para makatangap ng P15,000 hanggang P20,000, masasabi ko na higit ang kayang ibigay ng 5,000 m2 ng lupang sinasaka kung magkakaroon tayo ng teknikal na pagaaral.

Ang kawalan ng programa o kung meron man ay hindi kongkreto, ng ating gobyerno sa suliraning, ito ay nagpapalala sa pagtalikod ng ating mga kabataan. Bilang maliit na bahagi ng agrikultura, naisip ko ang maaring solusyon. Una, kelangan baguhin ang buhay ng mga matatandang magsasaka. Mangyayari lamang ito kung maibibigay ang tamang teknolohiya sa pagsasaka, ang tamang merkado upang maiwasan ang pagsasamantala ng mga tinatawag na middle man, at ang pambansa at international na polisiya ng gobyerno na pabor sa ating magsasaka ay dapat na ipatupad.

Kung maipapakita natin sa kanilang mga anak ang pag-unlad ng kanilang mga magulang sa biyaya ng lupa, tiyak na nanaisin nila ang makasama ang magulang at sabay na pagyamanin ang lupa. Ngunit hangga’t ang magsasakang nagpapakain sa bayan ang siyang kinakapos ng butil sa hapag kainan, magpapatuloy ang pagtalikod.

Join the Conversation

7 Comments

  1. nakakatawang isiping isa tayong agrikulturang bansa, pero ang mga magsasaka rito ay lagi na lamang nasa laylayan ng ating lipunan. Nakakatakot isiping mismong tayo itinatakwil natin kung anong katangian mayroon ang ating bayan. Isa sa mga maihahanay na impluwensya ay ang pakakaroon ng komersyal na kaisipan ng marami sa atin. Marami pang paglilipat ng panahon at henerasyon ang mangyayari kung hahayaan nating mailipat sa hinaharap ang isang maling ideya kasama tayo sa mga dapat sisihin kung bakit hanggang sa kinabukasan ay wala pa rin tayong pag-asa.

  2. hindi nakapagtataka kung bakit dumarami ang mga kabataan na “tumalikod sa lupa”. maunawaan natin ito kung maintindihan natin ano ang kasalukuyang sistema o moda ng produksyon ng ating bansa.

    para sa akin, ang Pilipinas ay isang kapitalistang bansa (pero atrasado) at hindi na pyudal. kaya kung susuriing maigi, ang sistema mismo ang nagtulak sa uring magsasaka na mawasak bilang uri at maging mga manggagawa dahil ang kapitalismo ay pangunahing nabubuhay sa sahurang pang-aalipin at hindi na sa klasikal na tenancy gaya sa 19 siglo. sa ganitong realidad natin maunawaan bakit ang mga kabataan ay naging manggagawa at hindi na naging magsasaka. kahit ang relasyon sa kanayunan ngayon ay relasyon na ng kapitalistang panginoong maylupa at mga sahurang nagbubungkal ng lupa (farm workers at agricultural workers).

    hindi na rin maaring ibalik ang gulong ng kasaysayan ng lipunan. lipas na ang pyudal na sistema at ang mga panlipunang relasyon nito. ang natitira na lang ngayon ay ilang mga labi ng pyudalismo na nabubuhay sa loob ng sinapupunan ng naaagnas na kapitalismo.

    subalit maling ding iisipin na kung hindi na pyudalismo ay tatalikuran na ang lupa. maging ang abanteng mga industriyalisadong kapitalistang mga bansa ay nakasandl pa rin sa lupa sa isang banda. subalit modernong agrikultura na ito at hindi tulad sa Pilipinas na nanatiling atrasado.

    pero maari bang uunlad pa ang kapitalismo sa Pilipinas kahit wala na ang kontrol ng imperyalistang Amerika sa bansa? sa tingin ko ay hindi na. ang kapitalismo ngayon ay nasa permanenteng pagbulusok-pababa na. ang tanging solusyon sa problema sa lupa sa Pilipinas ay sosyalistang relasyon sa agrikultura at hindi kapitalistang relasyon.

  3. (dejavu) maling prayoridad, walang pagpapahalaga, kulang sa suporta mula sa gobyerno, at kawalan ng kaukulang batas na sana ay magpoprotekta sa mga magsasaka sa mga mapang abusong kapitalista at sana ay mangangalaga sa kanilang kapakanan. Maling prayoridad. Kung mapapansin sa panahon ngayon mas binibigyang importansya ang mga kurso sa kolehiyo na kung saan hinihinang ang kakayahan at hinuhbog ang mentalidad ng mga kabataan para maging isang manggagawa sa ibang bansa. Una sana nating asikasuhin kung anong meron ang bansang ito. Hubugin ang kaalaman ng tao na pagyamanin ang mga natural resources na likas dito…. Cont.

  4. Sa aking pananaw masosolusyunan ang gayong suliranin ng ating lipunan, sa pamamaraang. Una, simulan sa silid-aralan, imulat ang mga kabataan sa kahalagahan ng kabukiran, kung papaano ito mapagyayaman at mapagyayabong ang taglay na kasarinlan, Pangalawa, alisin ang “Globalisasyon” sa ating lipunan, na pumapatay sa maliliit na magsasaka sa kanayunan, dahil sa pagdagsa ng mga produktong agrikultura galing sa ibang bansa. Bakit hindi muling isara ang ating bansa sa mga banyagang mapag-linlang, na nangangako ng kaginhawaan, yun palay tayo’y napagsasamantalahan lamang. At ang pang huli, Alisin ang mga TAKSIL na LIDER ng Ating Lipunan, na nagpapahirap sa ating Inang Bayan…

  5. brod tama ka sa obserbasyon mo, maraming dahilan kaya hindi umuunlad ang agrikultura nang ating bansa, unang-una diyan ang mga HINDOT na politiko na walang alam gawin kundi ang magpasarap sa kanilang de air con na opisina at pagdating ang eleksiyon makikita mong kunwaring nakikigapas at nakikipagtanim sa bukid,SIYET mga mapagkunwari. BROD sa ating maliit na gawa maari tayong makatulong nang bahagya sa ating mga kaibigang magsasaka. kahit tayo ay simpleng teknisyan maaari natin silang turuan para mapaunlad ang kanilang pagsasaka. WAG NA NATING IASA SA MGA WALANG SILBING PULITIKO ANG ATING MGA HINAING, DAHIL HINDI NILA TAYO PAPANSININ, MALIBAN KUNG KIKITA SILA. gawin natin ang kaya nating gawin.

  6. Dapat tuunan ng pansin ng pamahalaan at ng lahat ng mga mamamayan na ang yaman ng ating bansa na siyang dapat tutunan ng karampatang halaga ay ang karagatan, lupain sakahan, natural na kagandahan ng mga kapuluan, at mga talino sa paggawa at sining ng lahi.

  7. ..hmm
    ..saan
    ..kya
    ..matatagpuan
    ..ang
    ..hinahanap
    ..kong
    ..lupang
    ..taniman

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.