Talumpati ni Punong Mahistrado Reynato S. Puno

Hunyo 12, 1898. Sa araw na ito ating inaalala ang dakilang araw ng ating kalayaan. Taong 1898 nang magtagumpay ang mga Pilipino na mailunsad ang isang pambansang rebolusyon laban sa rehimeng kolonyal ng Espanya. Halos tatlong daang taong nagpunyagi ang mga Pilipino upang makamit ang matagal nang inaasam na kalayaan.

Isang daan at siyam na taon na ang nakakaraan mula nang ideklara ng rebolusyonaryong gobyerno ang kalayaan ng bansang Pilipinas. Sa pagkakataong yaon iwinagayway ang bughaw, pula at puti na watawat ng Pilipinas upang maging simbulo ng ating aspirasyon tungo sa pagiging isang tunay na bansa.[2] Doon din ay pinatugtog ang marcha nacional para isambulat sa sangkatauhan ang isang paninindigan — na ang bansang Pilipinas ay isang bansang malaya.

Ayon sa mga talaan na nasa pangangalaga ng ating National Historical Institute (NHI), noong ika-12 ng Hunyo 1898, nilagdaan ng ilang mga Pilipino at ng isang Amerikano, si Koronel L.M. Johnson, sa harap ng notaryong (na naging War Counsellor) si Ambrosio Rizanzares Bautista, ang dokumentong Declaration of Philippine Independence. Ang paglagda sa dokumentong ito ay ipinag-utos ni Hen. Emilio Aguinaldo sa tulong at proteksiyon ng bansang Estados Unidos. Ayon sa dokumentong ito, ang Pilipinas, sa pangunguna ng rebolusyonaryong gobyerno ni Hen. Aguinaldo, ay nagsasarili mula sa pagiging lupang-sakop ng gobyerno ng Espanya. Idineklara din sa dokumentong ito na ang Pilipinas at ang bawat mamamayan nito ay magtatamasa na ng tinatawag na “political and economic rights” na siyang nararapat sa isang bansang malaya.[3]

Nakasulat sa dokumentong ito (Declaration of Philippine Independence) ang mga naging dahilan ng rebolusyon.

Naririyan ang pagiging sawa na ng mga Pilipino sa pagiging alipin ng ibang bansa. Nandun din ang mga “arbitrary arrest” na ginawa ng mga guwardya sibil at ang mga pagpatay ng walang katarungan na maihahalintulad sa “extrajudicial killing” sa ating kapanahunan. Nandun din ang pangangamkam ng mga lupa at pag-aari ng mga makapangyarihan, na imbes magtaguyod ng nararapat nilang tungkulin ay naging ganid sa kapangyarihan at kayamanan. Naririyan din ang kawalan ng edukasyon ng mamamayan na lalong nakadagdag sa pagiging mahirap at api ng mga Pilipino. Naririyan din ang “deportation” o pagpapaalis ng mga illustrado o iyong mga nakapag-aral sa ibang bansa at nagtataguyod ng pagtuturo sa mga Pilipino ng mapagpalayang mga pananaw.

Kung may lugar na dapat kilalanin na puso ng himagsikan, ito ay ang Kalookan. Ang salitang “caloocan” ay nagmula sa lantay na Tagalog na lo-ok; kalook-lookan o kaloob-looban. Dito sa Lungsod ng Kalookan dapat mas maigting ang pag-alaala sa ating mga bayani. Sa isang maliit na tahanan sa gitna ng Kalookan, doon tumira ang bayaning si Andres Bonifacio. Bagamat ipinanganak si Bonifacio sa Tondo, Maynila, siya ay lumaki at naghanap-buhay dito sa Kalookan. Siya na tinaguriang Supremo ng Kataas-taasang Kagalanggalangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan ay dito sa lugar na ito nagpunla ng mga binhi ng rebolusyon noong Hulyo 7, 1892. Makasaysayang gunitain natin sa lugar ding ito ang kanilang mga ginawa. Mula sa mga maralita ng Kalookan, ay may sumigaw para sa kalayaan at naging Ama ng Rebolusyong Pilipino.

Ang pagpunit ng cedula at ang pagsigaw sa Pugadlawin (na dating sakop ng Kalookan) ni Gat. Andres Bonifacio ang siyang pinakamakulay na imahe ng rebolusyon. Mula sa pagiging isang simpleng magsosombrero at peyon, nagmula ang pinuno ng grupong nagtataguyod ng kalayaan. Matapos ang ginawang pagpunit ng cedula ng mga katipunero ay ang mga sunod-sunod na pag-aalsa sa walong probinsiya ng Pampanga, Bulacan, Maynila, Cavite, Batangas, Laguna, Morong (ngayon ay Rizal), at Nueva Ecija. At humangga ito sa lubos na pakikidigma ng mga Pilipino laban sa gobyernong Kastila.

Hanggang sa maitatag ang rebolusyonaryong gobyerno na siyang nagdeklara ng ating kalayaan noong Hunyo 12, 1898.

Naririto tayo ngayon sa puntod ng paggunita sa kadakilaan ni Supremo Andres Bonifacio. Marapat lamang na alalahanin natin ang mga ginawa ni Supremo Bonifacio, maging ng lahat ng mga Katipunero at iba pang mga bayani natin, sa kanilang pagbubuwis ng buhay alang-alang sa kalayaan ng Pilipino. Nang sagupain nila ang mga dayuhang mananakop, sila ay walang katiyakan na mananalo. Wala silang kakilalang maimpluwensiya. Wala silang kapangyarihan sa lipunan. Wala silang sapat na kakayahang militar. Wala rin silang dalang yaman kundi ang pag-asa na sa kinabukasan sila ay lalaya — at kung hindi man sila, ang kanilang mga anak ay lalaya.

Sa lugar na pinagdanakan ng kanilang dugo ay naroroon ang mga tirahan ngayon ng mga taong itinuturing natin na malaya. Malaya dahil hindi na nasasakop ng ibang bansa.

Ngunit kamustahin naman natin ang kalagayan ng mga taong naturingan na malaya.

Totoo na nakamit natin ang isang uri ng kalayaan: ang tinatawag na “political independence” o kalayaang nauukol sa pamamalakad ng gobyerno. Hindi na tayo nasasakop ng liping banyaga. Ngunit tanungin natin, ano ang kalagayan ng Filipino ngayon? Mayroon na ba siyang dangal na matatawag? Totoo bang taas noo na siya kahit kanino? Sapagkat ang ipinaglaban ng mga bayani ay hindi abstraktong ideya, marapat lamang tayong mamuhay nang may dangal. May sapat na kabuhayan, may pinagkukunan ng maihahanda sa hapag-kainan, may edukasyon para sa mga kabataan, at may paghahanda para sa pagtanda ng mga tao sa lipunan.

Kung ito ang diwa ng rebolusyong 1898 ang makamit ang dangal ng bawat isang Filipino sa pamamagitan ng paghahangad ng kalayaan; kung gayon ay hindi pa tapos ang laban.

Hanggang salat pa rin ang Filipino sa kakulangan ng edukasyon, hindi pa tayo malaya. Hindi maaaring maging malaya ang isang taong hindi nakakaunawa ng kaniyang karapatan at responsibilidad sa lipunan. Hangga’t may nagdarahop at nililisan ang ating bayan dahilan sa kawalan pag-asa sa kinabukasan, ay hindi pa rin tayo lubos na malaya. Hanggang may naglalahad ng kamay sa lansangan at napipilitan gumawa ng krimen upang mabuhay, hindi tayo malaya. Hanggang may nalalapastangan na sagradong boto ng kahit isa lamang mamamayan, hindi pa rin tayo malaya. Hanggang may Pilipino na hindi maitaas ang kaniyang noo sa kaniyang pagiging Pilipino, hindi tayo malaya. Ang kalayaan ay kaakibat ng dangal. Ang isang taong malaya ay isang taong may dangal — buo at kumpleto ang kaniyang pagkatao. Hindi siya alipin ninoman at hindi nadidiktahan maliban na lamang ng sarili niyang kunsensiya.

Ito ang damdaming nagbunsod sa ating mga bayani upang makipaglaban para sa kalayaan. Ang paghahangad ng dangal bilang isang tao. Ito ang nagtulak sa mga bayani natin, sikat man o hindi, upang iwaksi ang sarili at gumawa para sa bayan. Ang paghahangad din ng dangal ang dahilan bakit sila nakipaglaban hanggang kamatayan. Nandoon ang karangalan na sa pagpapantay ng iyong paa sa hukay ay maaalaala ng iyong mga kasambahay, hindi man ng sambayanan, na sa iyong buhay ay nakatayo ka ng tuwid at wala kang ginawang pagluhod sa kabuktutan.

Ang pinakamataas na uri ng dangal ay yaong nagmumula sa pagiging isang matuwid na kaanib sa ating bayan. May dangal ang taong masipag na naghahandog ng bahagi ng kanilang kabuhayan para sa ating buwis. May dangal ang taong nagtitiis sumunod sa ating mga batas upang mapanatili ang kaayusan at katahimikan. May dangal ang taong naglilingkod nang tapat, kahit tahimik, sa ating gobyerno para sa ating lipunan. May dangal ang bawat Pilipino na sa kanilang paggawa sa araw-araw ay iniisip nila ang pagtulong sa kapwa at hindi ang kung paano makapanlalamang.

Sundin natin ang payo ni Apolinario Mabini, na nagsabing, “pagsakitan mo ang kaginhawahan ng iyong bayan ng higit sa iyong sarili at pagpilitan mong siya’y pagharian ng kabaitan, ng katuwiran at ng kasipagan: sapagka’t kung maginhawa siya’y pilit ding giginhawa ikaw at iyong kasambahay at kamaganakan.”[4]

Nararapat na ating alalahanin ang kabayanihan ng mga naunang nakipaglaban para sa ating kalayaan. Ngunit higit natin ngayong pahalagahan ang ating landas na patutunguhan. Hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa sa karamihan ng kamalian at kabulukan na maaaring nanalaytay sa ating sistema. Kung ang kalayaan ay ating nakamit — bakit hindi ang kabaitan at kasarapan ng isang lipunang mapag-aruga?

Mayroon pa nga bang magtataguyod sa Pilipino kung hindi kapwa Pilipino? Aling bayan ba ang dapat na mag-aruga sa isang Pilipino kung hindi ang Pilipinas? Huwag na nating hayaan na maulit ang kamatayang sinapit ni Supremo Andres Bonifacio sa kamay ng sarili niyang kababayan. Si Bonifacio ay pinatay sa Bundok Nagpatong noong Mayo 10, 1897 ni Major Lazaro Makapagal sa pag-uutos ni Hen. Mariano Noriel — mga Pilipino rin. Huwag na nating hayaan na sa paghahangad ng sariling pakinabang ay ipagkanulo natin ang ating sariling bayan.

Ang puntong kailangan natin maituldok sa araw na ito ay ang matanto natin sa pamamagitan ng pag-aalaala natin kung naging sino tayo bilang Filipino, upang maituro natin kung sino tayo magiging sa kinabukasan. Namatay si Bonifacio na gaya ng sinapit ni Elias sa nobela ni Jose Rizal na Noli Me Tangere. Hindi niya nakita ang kalayaan ng bansang Pilipinas. Bagaman hindi nila nakita ang kalayaang ating tinamo, naroroon pa rin ang kanilang pag-asa na ang bayang ito ay magiging maginhawa at matiwasay pagdating ng panahon.

Ang ating kalayaan sa kasalukuyan ay mga pananaw at mga pangarap ng ating mga ninuno. Ang ating kasalukuyan ay hindi na nakita ng mga dakilang yumao. Maaaring ang ating kinabukasan ay iiwan din natin para na lamang sa ating mga anak at mga kaapo-apuhan. Ngunit ang bayan nating ito na pinag-alayan ng maraming buhay at kabuhayan–ito ay mananatili. Bagamat napakahalaga na magpakasipag tayo para sa ating ikagiginhawa sa kasalukuyan, isipin natin na may nakipaglaban noon para sa atin upang makamit natin ang ngayon. Utang na loob natin sa mga nagsipag noon, na tayo’y magpakasipag hindi lamang para sa ngayon kung di para sa bukas ng ating bayan.

At sa tanging dokumentong natitira sa panulat ni Supremo Andres Bonifacio, ang kaniyang tulang pinamagatang Pag-Ibig sa Tinubuang Lupa, doon ay kaniyang isinulat:

“Pagpupuring lubos ang palaging hangad/ sa bayan ng taong may dangal na ingat/ Umawit, tumula, kumatha’t sumulat/ kalakhan din niya’y isinisiwalat.”[5]

Ating ipakita sa mundo — na sa dakong Silangan, doon may isang magiting na bayan — isang Bayang Magiliw, tunay na perlas sapagkat malinis at kaakit-akit. Isang hindi matatawarang bayan na ang mga naninirahan ay mga taong dakila — mga taong may dangal. Mga taong tunay na malaya.

Kaawaan tayong lahat ng Poong-Maykapal at nawa ay pagpalain pa Niya ang Pilipinas!

Salamat po.

[1] Talumpati sa pagdiriwang ng 109 Kalayaan ng Pilipinas, sa Andres Bonifacio National Monument, Lungsod ng Kalookan City, Hunyo 12, 2007.

[2] “Declaration of Philippine Independence, 12 June 1898 [isinalin mula sa Espanyol]” galing sa Laws of the First Philippine Republic. Manila: National Historical Institute, 1972. Pahina 203-6.

[3] Id.

[4] Apolinario Mabini, Panukala sa Pagkakana ng Republika ng Pilipinas 1-7 (1898).

[5] Andres Bonifacio, Pag-Ibig sa Tinubuang Lupa, nasa pag-iingat ng National Museum.

Tinig.com

Isang e-zine para sa mga kabataang Pilipino ang Tinig.com. Naglalathala ito ng mga personal na sanaysay, tula, dula, maikling kuwento, balita at lathalain, komentaryo tungkol sa pambansang usapin, at iba...

Join the Conversation

25 Comments

  1. Eii…

    La’ akong makitang informasyon d2…

    Sayang lng’ ung perang ginamit nu’ pra i-publish i2ng website…

    NO SENSE…

    Eh, halos storya lng 2 eh…

    Anung gagawin ko dun?!…

    HAY NUKU!!!

  2. ayos…

    nabuhayan ang aking pag-iisip sa sakripisyong hatid ng ating mga bayani

    makamit lamang ang minimithing kalayaan…

  3. sa pag-kilatis ng isang website—kailangan may pinipili kang mga audience…..ibig sabihin ung mga TANGA na nag sasabing walang kwenta itong site na ito ay walang “simple WEB ETHICKET!”

  4. wow..nagpakahirap yung writer na mag sulat

    at nagpakahirap yung web designer mag gawa (ng site)

    tapos sakit pa magsalita

    hayuf

  5. napakaganda ng mga nilalagay nyo sa website nyo at marami pang nakukuhang impormasyon d2 nga ako nakakuha ng lathalain. TNX

  6. hehe.. tnx po tlga sa pgpost nyong mga talumpati.. hekheh.. it really helps.. more power nd godbless.. sna 2loy 2loy na ito pra may mpagkukunan kmi..

  7. kabigha-bighani hehe salamat po :) dumugo ang aking ilong pre hindi kinaya ng utak ko ang tagalog hehe tenchu :)

  8. nakakainis naman toh wala naman dito yung mga karangalan niya.sayang lang time ko dito………..ka inis………..!!!!!!!!!!!!!

  9. hindi useless yang mga nksulat dyan sa taas

    pg kinaylangan nyu, babalik rin kau sa site na toh

    buti nga may ngttyaga pang gmwa ng mga gnyan ee. .
    (LoL hehehe!)

  10. peste..
    magpasalamat nlng keo pwede..?
    ngrereklamo p keo..
    my ngsbi bng basahin nyo yan,.?

    ang gling nga at meron nito..
    malaking benefit toh sa mga estudyante..

    kng d nyu ma-appreciate..
    gumawa kau ng sarili nyo!

  11. kakainis naman ito wla ito sa inahanap ko kaka buisit sayang lang oras ko dito

  12. ala naman ung hinahanap ko dito kainis!!!!!!!!!!!!!!!!!!god bless nalang poh sa ngsulat!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!! :) :o

  13. in other words yang may sinasabing hindi maganda dito sa website na 2 hindi nla pinahahalagahan ang pagkakakuha ng kalayaan ng mga pilipino sa mga nagtatangkang sumakop sa bansang pilipinas

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.