“O, pag-ibig— kapag pumasok sa puso ninuman,
hahamakin ang lahat masunod ka lamang…”
Ito ang bantog na linya sa obrang tula ni Francisco Baltazar, kilala rin bilang Francisco Balagtas, ang Florante at Laura.
Sa pagitan ng dalawang nag-iibigan, hindi ito maituturing na karaniwan kung walang pagpapakasakit. Dahil sa kapintasan ng isa ay mas naipakikikita ang wagas na pag-ibig. Hindi sa panahon lamang ng kaginhawahan dapat umiral ang pagmamahal kundi higit lalo na sa panahon ng kagipitan. Maaaring manaig pansamantala ang kahinaan at mabunton ang lahat sa sisihan ngunit sa paglubog ng araw, mananariwa sa isipan na kailangang magtulungan. Hindi kaya ng isa lamang na buhayin ang pag-ibig. Mahalagang makapitan ang isang bisig ng tunay na nagmamahal sa panahong tila nilalamon na ng kumunoy ang kaniyang kalagayan.
Nais kong tanawin ang ganda ng kalikasan na inilalaan ng bansang Pilipinas para sa akin. Dito ay nagiging payapa ako at ipinaaalaala niya sa akin na mabuti ang mga kamay ng Lumikha sa pamamagitan ng mga yamang-likas na hindi naibiyaya sa lahat ng bansa. Dito natuto akong mabuhay, kumilala at magmahal sa loob ng mahigit tatlumpung taon ng aking buhay. Isang bayan na nagmulat sa akin ng mabuting pakikitungo sa kapuwa, na bagama’t nasasabi kung sino ang maykaya at salat, pantay-pantay pa rin ang pagkilala sa iisang bansang tinatahanan. Isang kultura na mayaman sa paggalang sa mga magulang, at marunong rumespeto sa karapatan ng mga kabataan. Mga mamamayan na kahit nagtatalo bunga ng pagkakaiba sa mga paniniwala at adhikain ay likas namang nagkakaisa sa mga panahon ng krisis at pangangailangan. May takot sa Diyos,marunong magsisi sa kasalanan at humingi ng tawad sa mga pagkukulang. Mga taong masayahin sa gitna ng sapin-saping kahirapan at suliranin sa buhay. Likas na matulungin. Mapagmahal sa pamilya at masipag saan mang bahagi ng mundo mapunta.
Mahal ko ang Pilipinas, iniibig din niya ako. Sa panahon ng kagipitan, walang iwanan. Lumayo man ako nang may ilang distansya, ang puso ko ay nananatiling nasa iyo, mahal kong lupang tinubuan. Pangako, kung ako man ay pansamantalang lumisan, pagbalik ko ay laan ko sa iyo ang malaking karangalan! Hindi man ako sumikat sa aking pupuntahan, patatanyagin kita sa mga dayuhan upang malaman nila kung ano ang meron ang mga Pilipino na hindi nila maaangkin kailanman. Marami tayong binabata, marami tayong dapat ayusin. Hindi mo kaya kung iiwan kita at di ko rin kaya kung ako’y tatalikuran mo. Sabay tayo. Tunguhin natin ang maningning na bukas na mahigpit ang pagyapos sa isa’t isa. Sa pamamagitan ng pag-ibig ay kaya natin ito… at sa pagsikat ng bagong araw, ikaw ay mahahalintulad sa isang paraiso at ako ay magagalak na kasama mo.