Nakababahala ang malawakang kaguluhan na nagaganap ngayon sa ilang lalawigan sa rehiyon ng Mindanao sa pagitan ng puwersa ng gobyerno (Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police) at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa kabi-kabilang opensiba ng dalawang panig. Ang lalong higit na apektado ay ang mga residente lalo na ang mga bata na walang kamuwang-muwang sa nasabing giyera.

Sabi ng ilang mga residente sa Mindanao, kailangan din nilang mag-armas upang proteksyunan ang kanilang mga sarili at ang kanilang pamilya sa posibleng pananalakay ng mga rebeldeng MILF. Kung sabagay, hindi na bago kung marinig natin na nag-aarmas ang mga residente doon dahil sa hindi pa lubos na nakakamtan ang matagal na niting inaasam na kapayapaan.

Paano nga naman makakamit ang kapayapaan sa Mindanao kung ang gobyerno mismo natin ay hindi nagkakaisa? Napakaraming suliranin ang dapat sanang pagtuunan ng pansin ng pamahalaan tulad ng problema sa ekonomiya, edukasyon, krimenalidad. Pamumulitika ang inuuna ng ilang mga pulitiko.
Ang isa sa mga solusyon diumano ay ang Memorandum of Agreement on Ancestral Domain (MOA-AD) kung saan ibibigay sa MILF ang ilang barangay tulad ng Rogongon, Panoroganan, Mainit, Dulag, Lanipao, Kalilangan, Hindang, at Diigkilaan bilang bahagi ng Bangsamoro Juridical Entity.

Ngunit ipinatigil ng Korte Suprema ang nakatakdang sanang lagdaan sa pagitan ng Government of Republic of the Philippines (GRP) sa pangunguna nina Government peace panel chief Rodolfo Garcia at Presidential Adviser on the Peace Process Hermogenes Esperon Jr. at ng separatistang MILF sa MOA-AD sa Malaysia noong August 5, 2008 dahil sa walang kongkreto at hindi malinaw sa publiko ang nilalaman ng nasabing kasunduan.

Ang resulta, naghuramentado ang mga rebeldeng MILF dahil sa naunsyaming kasunduan. Nanalakay sa ilang lalawigan at gumawa ng karahasan gaya ng pagpatay sa mga sibilyan, panununog ng mga ari-arian at panghohostage sa mga residente na pinamunuan nina Kumander Bravo at Kumander Umbra Kato.

Pinangangambahan ngayon ng lokal na pamahalaan sa North Cotabato, Lanao del Norte, Sarangani at iba pang lugar sa Central Mindanao ang muling pag-aarmas ng mga sibilyan upang proteksyunan ang kanilang sarili.

Kamakailan, umalingawngaw ang muling paggising ng Christian vigilante group na tinatawag ngayong Reform Ilaga Movement na minsan nang kinatakutan dahil sa kanilang kakaibang istilo sa pagpatay sa mga kaaway.

Magugunitang unang binuo ang grupong ‘Ilaga’ noong dekada’ 70 nina mayor Nicolas Dequiña, Wenceslao dela Cerna ng Alamada, Pacifico dela Cerna ng Libungan, Conrado Lemana ng Tulunan, Esteban Doruelo ng Pigcawayan, Jose Escribano ng Tacurong sa lalawigan ng Cotabato — at si dating Philippine Constabulary Captain Manuel Tronco upang labanan ang armadong grupo ng Mindanao Independence Movement (MIM) na inorganisa ni Cotabato Empire Province Governor Datu Udtog Matalam.

Kinatatakutan din ang muling pagbuhay sa grupong ‘Barakuda’, ang mortal na kalaban ng mga ‘Ilaga’ noong kainitan ng gulo sa Mindanao noong 1970s. Anila, kung sa paggising ng isang grupo ay tiyak na awtomatikong gigising din ang katunggali nito. Bukod dito, mayroon pang isinusulong na panukala ngayon na buhayin na rin ang Civi¬lian Armed Forces for Geographical Unit o (CAFGU) kung saan lehitimo ang pag-aarmas ng mga sibilyan ngunit walang pormal na pagsasanay.

Ang tanong ng publiko, hindi na ba kayang bigyan ng sapat na seguridad at proteksyon ng pamahalaan ang mga sibilyan kaya’t nag-aarmas na ang mga sila?

Kung mangyayari ang ganitong senaryo, tiyak na lalong gugulo ang ilang lugar sa Mindanao at hindi malayong magkaroon ng civil war sa rehiyon dahil lamang sa kapabayaan ng ilang opisyal ng gobyerno at sa lintik na kasunduan na hindi isinaalang alang ang kapakanan ng sambayanan na ewan natin kung ano ang motibo ng mga nasa likod ng GRP-MOA-AD.

Ito pa ang nakapagtataka, hindi daw alam ni pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang nasabing kasunduan na pinangunahan ni Presidential Adviser on the Peace Process Hermogenes Esperon Jr., kaya iniwan sa ere ni Arroyo si Esperon. Ang resulta, tuluyan nang binuwag ng pamahalaan ang lupon ng mga naunang negosyador sa nasabing peace talks at muling magbubuo ng bagong peace panel upang muling bumalik sa peace negotiating table.

Ngunit nananatili ang kaguluhan sa ilang bahagi ng Mindanao. Marami na ang namatay, marami na ang nagbuwis ng buhay at nakaamba pa rin ang panganib ng giyera.

Hindi giyera ang kailangan ng taumbayan kundi ang pangmatagalang kapayapaan.

Rey Tamayo, Jr.

Si Rey Tamayo, Jr. , ay isinilang sa bayan ng Jaro, Leyte noong 1981. Siya'y naging editorial assistant ng diaryong Tambuli at Magandang Balita newspaper na lingguhang lumalabas sa mga piling lugar sa...

Join the Conversation

2 Comments

  1. Talagang nakababahala hindi ang pag-aarmas ng masa kundi ang layunin ng kanilang pag-aarmas. Sa layuning laban lang sa MILF lalong lalala ang gulo at maging pambala lang sila ng kanyon ng GRP na isa ring mapagsamantalang estado. May katuturan ang pag-aarmas ng masa kung ito ay MULAT na ang kaaway nito ay kapwa ang MILF at GRP. Walang dapat kampihan sa 2 armadong kampo na nagpapatayan ngayon sa Mindanao. Mali at oportunismo ang panawagan ng CPP-NPA at iba pang grupo ng Kaliwa na suportahan ang MILF. Ang kailangang gawin ay magkaisa ang mamamayang Moro at Kristyano laban sa LAHAT ng paksyon ng burgesyang Moro at Pilipino.

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.