Sampung taon na ngayong araw na ito mula nang mapatalsik natin si Joseph “Erap” Estrada sa Malakanyang. Napakaraming tao ang nagtipun-tipon at nanawagan ng kanyang pagbibitiw dahil sa laganap na katiwalian sa kanyang gobyerno. Pagkababa ni Erap, iniluklok natin nang puno pag-asa, ngunit may pagbabanta, bilang bagong pangulo si Gloria Macapagal-Arroyo. Marami sa atin ang sa una’y naglambitin sa mga pangakong nilubid ni Gloria sa buhangin.

Ngunit di naglao’y natanggal ang maskara ng hunyangong umako sa tagumpay ng mga mamamayan sa People Power 2. Matapos yurakan ang kasarinlan ng Pilipinas, ninakawan naman niya ng boto ang mga mamamayan nito. Kalaunan, kaban ng bayan naman ang pinagpasasaan. Sa panahon ng kanyang Enchanted Kingdom, isa-isang nabulid sa dilim ang mga nagsusulong pagbabago at humuhukay sa katotohan. Sa kabila ng mga ito, nakuha niya ang katapatan ng mga opisyal ng militar at ilang lider ng Simbahan. Sa gitna ng malawak na pagsalunga sa kanyang pamamahala, nanatiling mahigpit ang kanyang pangungunyapit sa kapangyarihan.

Ang naglalakad daw nang matulin, kung matinik ay malalim. Natinik ba tayo sa pagmamadali natin? Mayroon dapat ba tayong pagsisihan sa pagpapatalsik natin kay Estrada?

Sa tingin ko, wala tayong dapat pagsisihan. Tumalikod sa interes ng masang kanyang ipinangakong pagsisilbihan — at kumita pa mula sa kanilang barya-baryang taya sa jueteng — ang noo’y nakaupong pangulo. Hindi mali at hindi dapat pagsisihan ang pagpapaalis sa kanya.

Sabi nga ng makabayang makata’t manunulat na si Alexander Martin Remollino, “tama ang pagpapatalsik kay Estrada dahil nagbukas ito ng posibilidad ng pagbabago.” Ang mali, aniya, ay ang “lubhang pagbubuhos ng pag-asa kay Arroyo.”

Sa kabila nito, kinikilala kong sa paghahangad natin ng katotohanan at katarungan, tinahak natin ang mabilis na daan. Bagama’t tama at makatarungan ang ating layunin, sa kasamaang palad ay lalong humaba at humirap ang biyahe natin patungo sa malinis na pamahalaan.

Siyam na taon ang kinailangang lumipas bago tayo makabalik sa kalagayan natin noong 2001 — mas malala nga lamang. Lumalim ang kumunoy ng katiwaliang pinaghilahan sa atin ng nakinabang sa pag-aalsa. Pero sa pagsapit ng halalang 2010, nabigyan tayo ng bagong pagkakataon.

Naniniwala ako — at maaaring hindi sumang-ayon ang ilang kaibigan at kapwa ko “beterano” ng EDSA 2 — na isang anyo ng People Power ang naganap noong nakalipas na eleksyon. Gaya ng sa EDSA 2, naging mahalagang imahe rito si dating Pangulong Corazon Aquino. Kung sa EDSA 2 ay isa siya sa mga nanawagan ng people power, ang pagpanaw naman niya ang nagtulak sa mga tao na manawagan ng pagtakbo sa pagkapangulo ng kanyang anak, ang ngayo’y Pangulong Noynoy Aquino.

Ang mga pangako ni Noynoy ay gaya rin ng mga pangako ng EDSA 2: Paglaban sa kahirapan, pagsugpo sa katiwalian, at pagiging mabuting halimbawa. Kahit may mga kapalpakan at di-popular na desisyon, maganda ang simula ng kanyang pamamahala at mukhang tapat sa kanyang layunin ang bagong pangulo.

Natrapik tayo sa EDSA 2, at siyam na taon ang hinintay natin para muling makasulong. Pagtulung-tulungan nating linisin at alisin ang mga lubak at tinik sa daang matuwid tungo sa pagbabago. At manatili tayong mapagmatyag upang di ulit maantala ang ating paglalakbay.

Si Ederic ay founding editor ng Tinig.com. Nagtapos siya ng peryodismo sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman, isa siyang manggagawa sa technology, media, and telecommunication industry. Mababasa rin ang...

Leave a comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.