Sa loob ng isang buwan dalawang malaking pagsabog ang naganap sa Metro Manila. Sumabog ang isang bahagi ng Glorietta 2 noong 19 Octobre 2007 at sumabog naman ang isang bahagi ng Batasang pambansa nitong 13 November 2007.

Ano ang halaga nito sa ating buhay at pulitika? Sino ba ang nakikinabang sa mga pagsabog na ito? Baka naman makita ang sagot sa timing ng pangyayari. Mukhang nata-timing ang mga ito kasabay sa ilang mahahalagang pampulitikang kaganapan sa ating bayan.

Iyong pagsabog sa Glorietta ay nangyari nang lumulubog sa kumunoy ng batikos ang mga nasa trono dahil sa maanumalyang transaksyon ng National Broadband Network deal sa ZTE ng China. Nadagdagan pa ang paglubog nito sa isyung suhulan sa loob mismo ng Malakanyang. At nang umiinit na ang mga akusasyon ay naganap ang pagsabog sa Glorietta.

Sa mga unang oras pagkatapos ng pagsabog, medyo lumalabas ang angulong kagagawan ito ng terorista. Subalit, nang hindi ito kinakagat ng “public opinion” parang napalitan ang dahilan. Ang pangalawang pinalalabas na dahilan ng mga awtoridad, at ito na ang opisyal nilang kuwento, ay aksidente ang nangyari sa Glorietta. Terrorista, aksidente, o kailangan lang ng reyna ng dibersyon para maalis ang init sa kanyang puwitan, ano nga ba ang dahilan? Bago pa man malaman ng mamamayan ang sagot may sumabog na naman.

Sa ngayon hindi pa makalimutan ang isyu ng suhulan dahil mukhang hindi matanggap ng mamamayan ang kuwento ng Malakanyang at kanyang alipores tungkol dito. Alalahanin din na ito ang gabi bago pumunta si Fr. Ed Panlilio, Gobernador ng Pangasinan, sa Senado upang magbigay ng kanyang sariling kuwento sa isyu ng suhulan. At sa kamara, mukahang hirap ding ibenta sa mamamayan ang kuwento ng zarzuela sa impeachment issue.

Katulad sa timing ng pagsabog sa Glorietta, nangyari ang pagsabog sa Kamara nang tuloy-tuloy pang lumulubog sa kumunoy ng batikos ang mga elitistang nasa trono.

Ang pangalawang pagsabog ay hindi na sa shopping mall ngunit sa Kamara, isang haligi ng gobyerno. Dito, mabilis na inakusahan ni Speaker Jose De Venecia ang mga terorista, anarkista, ekstremista.

Terorista nga ba? O baka humahantong na sa sukdulan ang pampulitikang krisis sa ating bayan. Baka manipestasyon lang ito na matinding pagkakahati ng mga pampulitikang puwersa sa ating bayan para pasabugin ng isang paksyon ang isang mahalagang haligi ng pamahalaan.

Kung manipestasyon ito ng tumitinding krisis, kailangan ng bawat isa na maghanap ng mapapanigan. Dapat nilang pag-aralan at intindihin ang mga nangyayari sa kapaligiran. Kailangan ng bawat isa na maghanda. Ang hindi makapaghanda at makakapanig ay baka maipit sa gitna ng mga naguumpugang mga pampulitikang puwersa. (Kaiba News and Features)

Para sa inyong comments, pasok lang po sa: http://pilipinoka.blogspot.com.

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.