Bawat tao ay may iba’t ibang pamamaraan ng pagpapahayag ng kanyang nararamdaman. Ito ay naayon sa kanyang edad, grupong kinabibilangan, antas ng pamumuhay at kaugalian. Hindi natin maaring paghambingin ang kanilang uri ng pagpapahayag at salitang ginagamit sapagkat ito ang kanilang alam na paraan o mas tamang sabihin ito ang kanilang paraan. Pero talakayin natin ang ilan sa mga ito.

“Type kita.” Salitang kanto na madalas nating maririnig sa mga kabataang nabibilang sa mga gang o sa mga taong umaastang “gangsta”. Isang expression na presko ang dating na iniaangkop sa image na nais nilang iparating. Informal at maaring sa pandinig ng iba ay di maganda ang pakahulugan pero para sa mga umiibig na nabibilang sa grupong ito, ang salitang ito ay sapat na para maiparating nila ang kanilang nararamdaman.

Ang “Crush kita” ay ang katagang kadalasang maririnig sa mga estudyante sa high school. Cute at inosente ang dating, nagpapahayag ito ng kanilang nararamdaman. Di man malinaw ang depinisyon nito, para sa mga kabataan, ito ay nangangahulugan na rin ng pagpapahayag ng pagtangi na medyo pakipot ang dating. Maaring di seryoso para sa ilan ang sa mga salitang ito pero para sa kanila ang crush ay kadalasang nanagangahulugan na rin ng pagmamahal.

“Mahal Kita.” Pang-masa ang dating. Nagpapahayag ng kaseryosohan at totoong nararamdaman. Maaring iilan na lang ang gumagamit nito, sa kadahilanang baduy ang dating para sa ilan. Pero walang maaring ipalit sa salitang ito sapagkat ito’y sariling atin.

“I love you.” Palasak na katagang maaring lahat ng edad ay alam. Isa na ito sa mga pangungusap sa English na karamihan ng tao sa buong mundo ay alam ang kahulugan. Itinuturing itong pangkalahatang lengwahe ng pagpapahiwatig ng pagmamahal at pagtangi. Ayon nga sa kasabihan “Love makes the world go round.”

Ngunit may isang pangungusap na maaring sabihin sa iyong minamahal lalo na kung ito ay may mataas na katungkulan at malawak ang saklaw ng kapangyarihan. Ito ay maaring itawag sa telepono sa gitna ng napakaraming tao na nanood ng isang sports competition. Ito rin ang angkop sabihin kapag ikaw ay nadadawit sa mga kontrobersyang humahabol sa iyo saang panig ka man ng mundo magtungo. Mas angkop itong sabihin lalo na kapag ang buong bansa ay nakikinig sa iyo: “Amor te quiero mucho.”

Rodel Mayores

Si Rodel Mayores ay blogger sa Tech Corner at RodelMayores.com.

Leave a comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.