“Ngayon, sa araw na ito — dito magwawakas ang pamumunong manhid sa mga daing ng taumbayan. Hindi si Noynoy ang gumawa ng paraan, kayo ang dahilan kung bakit ngayon, magtatapos na ang pagtitiis ng sambayanan. Ito naman ang umpisa ng kalbaryo ko, ngunit kung marami tayong magpapasan ng krus ay kakayanin natin ito, gaano man kabigat.
“Sa tulong ng wastong pamamahala sa mga darating na taon, maiibsan din ang marami nating problema. Ang tadhana ng Pilipino ay babalik sa tamang kalagayan, na sa bawat taon pabawas nang pabawas ang problema ng Pinoy na nagsusumikap at may kasiguruhan sila na magiging tuluy-tuloy na ang pagbuti ng kanilang sitwasyon.
“Kami ay narito para magsilbi at hindi para maghari. Ang mandato ninyo sa amin ay pagbabago — isang malinaw na utos para ayusin ang gobyerno at lipunan mula sa pamahalaang iilan lamang ang nakikinabang tungo sa isang pamahalaang kabutihan ng mamamayan ang pinangangalagaan.”
Ito ang tinuran ni Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III matapos ang kanyang panunumpa noong Hunyo 30 bilang ika-15 pangulo ng Pilipinas.
Para sa milyun-milyong mamamayang ilang taong pinabayaan ng nagdaang rehimen, kung hindi man tuwirang dinahas o kaya’y pinagtawanan habang hindi malaman kung saang kamay ng Diyos kukunin ang susunod na kakanin, marahil ay walang kasingganda ang mga salitang ito mula sa bagong pangulo. Mula sa ilalim ay wari silang inilalagay sa pedestal ng isang pinunong hindi raw maghahari-harian kundi maglilingkod nang buong puso at sa abot ng kakayahan, gaano man ito kaliit.
Ngunit kung tunay na nagsusulong ng pagbabago ang gobyerno ni Aquino, kailangan niyang lumampas sa tipo ng mga pahayag na kagaya ng pinakawalan niya sa kanyang pampasinayang talumpati. Isang pagkakataon upang gawin ito ang kanyang paghahayag ng kauna-unahan niyang State of the Nation Address (SONA) sa darating na Hulyo 26.
“Iniwan ng rehimeng Arroyo ang Pilipinas na nakalubog sa isang walang-kapantay na krisis sa pulitika at ekonomiya,” wika nga ni Renato Reyes Jr. ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa isang pahayag kahapon. “Gula-gulanit ang ating soberanya, pinaranas ng ilan sa pinakamatitinding paraan ng pang-aapi ang malawak na hanay ng sambayanan, bagsak na bagsak ang ekonomiya, walang pakundangan ang paglabag sa karapatang pantao, matindi na ang pinsalang tinamo ng kalikasan, at ang bayan ay hinahati ng tumitinding hidwaan.”
“Inaasahan naming tatalakayin ng Pangulong Aquino ang mga usaping ito sa kanyang unang SONA,” sinabi pa ni Reyes.
Kung tunay na nagsusulong ng pagbabago ang administrasyon ni Aquino, walang dahilan upang hindi niya tugunan ang hamong ito.