Sa bawat paghakbang nang nag-aalangang mga paa,

Dala dala’y takot at pangambang nagpapayanig;
Isipan nama’y waring dinudurog ng mapang-gipit na alalahanin.

Mga mata’y natatakot nang tumingin sa paligid,
Sa pagkadulipas ng paningin sa madugong pangitain;
At ang salamin ng katotohanan animo’y malagim.

Matitipunong mga kamay laging ikinukumo,
Dahil sa galit na laging ipinupukol.
Dating malayang kamao ngayo’y may tanikala.
At itong pluma’y binusalan ng punglo.

Isang dipang pag-asa ay hindi mo na matanaw.
Sa gitna ng pusikit na dilim at mapanganib na panahon.
Kahintakutan ang idinidikta sa bawat taong lalaban,
Sa puwersa ng rehimeng at dinastiyang mga lider;
Anupa’t itutumba ang pipiyok sa naghaharing-uri.

Ang dating matapang at malayang tinig,
At ang alingawngaw ng paghahayag ng karapatan.
Sa EDSA man o Mendiola ngayon ay nasaan?
Dahilan ba sa takot kaya’t hindi maapuhap
Ang malakihang pagpupulong ngayong dagling tinitibag,
Upang ang lakas ng puwersa’y hindi na makapaglayag.

Ang pamamahayag ng tinta, radyo at telebisyon,
Unti-unti nang sinasakal ng berdugo’t maninila
Karapatan sa pakikibaka ibayong nagdurusa.
Sa piling ng mga pugante na gahaman sa kapangyarihan
Ito bang batas sunud-sunuran sa liderato?
At ang katarunga’y tinanggalan na ba ng piring?
Taong baya’y kimi sa batas militar na pangulo.

Rey Tamayo, Jr.

Si Rey Tamayo, Jr. ay isinilang sa maliit na bayan ng Jaro, Leyte. Siya'y naging editorial assistant ng diaryong Tambuli at Magandang Balita Newspaper na lingguhang lumalabas sa mga piling lugar sa Manila....

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.