Ang isang maligayang pamilya ay larawan ng isang magandang pamayanan. Si Tatay, si Nanay, ang mga anak… mayroong nag-uumapaw na pagmamahalan, pag-uunawaan, paggalang, malasakit sa isa’t isa at pagkatakot sa ating Poong Maykapal. At kung araw ng Linggo, sama-samang makikitang nagtutungo sa simbahan nang sa gayon ay makapagpasalamat sa biyayang kanilang natanggap. Hawak na rin nila ang pagkakataon upang makahingi ng gabay sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Dahil dito, masasalamin na tunay ngang ang Diyos ang siyang sentro ng kanilang pamilya.

Ang mga magulang ay may banal na tungkuling palakihin ang kanilang mga anak sa pagmamahal at kabutihan, maglaan para sa kanilang pisikal at espirituwal na mga pangangailangan, turuan silang magmahal at maglingkod sa isa’t isa, sundin ang mga kautusan ng Diyos at maging masunurin sa batas saanman sila naninirahan. Ang ganitong pamiya, isang maligayang pamilya ay
kanlungan ng kaligtasan at kapanatagan… ang liwanag ng buhay.

Buo ang loob ng anak na kung siya ay may sakit, tiyak na aalagan siya ng kaniyang mga magulang–si Nanay o ‘di kaya nama’y si Tatay. Nariyan sila upang magbantay hanggang maging maginhawa ang pakiramdam ng bata. Babantayan mula sa pagtulog at hanggang sa muling pagdilat ng mga mata. Sa ganitong mga pagkakataon na ang bata ay mayroong hinaharap na suliranin, nariyan sila upang tumulong nang buong puso at magbigay ng payo na siyang magiging sandigan ng anak tungo sa magandang bukas na kaniyang kakaharapin.

Ngunit hindi lahat ng pamilya ay namumuhay nang payapa at may pagmamahalan. Marahil mayroong mga araw na matatagpuan sa lansangan ang isang bata, kasama ang mga kabarkada, lasing, nagpapausok ng yosi, sumisinghot ng rugby at lulong sa ipinagbabawal na gamot. Katulad ng ibang mga anak, lagi silang kasama sa gulo na nagiging sanhi pa kung minsan ng kanilang pagkakabilanggo. Mayroon ding namang bata pa lamang ay nagsisipag-asawa na nang sa gayon ay makatakas sa impyernong kanilang kinasadlakan.

Hindi mo ba naitatanong kung bakit? Nasaan ang kanilang mga magulang, mga magulang na dapat sana ay gumagabay sa kanila? Si Tatay, gegewang-gewang na naglalakad sa kalsada, lasing na naman. Hayun! Nanggaling na naman sa klub na kanyang kinukuhanan ng panandaliang kaligayahan. Si Nanay, maghapo’t magdamag sa saklaan, ni hindi na nga tumatayo sa kinauupuan niyang bangko. Sa tingin mo, anong payo kaya ang maibibigay ng mga magulang na ganito? Anong liwanag ang maipapamalas ng mga taong tumatahak sa landas ng kadiliman?

Resposibilidad ng mga magulang ang kanilang mga anak. Dapat silang magsilbing mabuting ehemplo sa binuo nilang pamilya. Marapat lamang na hubugin nila ang kanilang anak sa kagandahang asal at kaliwanagan. Sa mundo ng kaguluhan at kawalang katiyakan, mas mahalaga na gawing sentro ng ating buhay at unahin ang Diyos sapagkat ang pamilya ay nasa sentro ng plano ng ating Ama sa Langit.

Ang isang matatag na pamilya ay nababalot ng pag-ibig. Pag-ibig na pinagkukuhanan natin ng ating lakas–lakas sa pagharap sa hamon ng buhay; lakas na pantapat sa lahat ng uri ng pagsubok; at ang pinakamahalaga: lakas na nagpapatibay sa ating pananampalataya at paniniwala sa Diyos.

Dito gumagalaw ang simbahan sa buhay ng isang pamilya. Ang simbahan ang nagpakilala kay Kristo sa atin, sa bawat isa. Ito ang nagpapahayag ng Kanyang salita upang maging gabay natin sa araw-araw. Kung ang isang pamilya ay kumikilala kay Kristo, sumasampalataya at lumalakad sa buhay kasama ni Kristo, paano pa sila maliligaw? Taglay na nila ang tunay na liwanag. Si Kristo… ang tunay na Liwanag ng Buhay.

Si Christian, 15, ay punong patnugot ng pahayagan sa kanilang paaralan.

Join the Conversation

7 Comments

  1. hi.. talumpati po ba ito? pwede ko ba gamitin? naghahanap kasi ako ng talumpati tungkol sa pamilya.. maraming salamat po! buti nalang meron nito..

  2. pwede po bang maibigay sa email add ko ito? pls gagamitin ko lang sa pag aaral…. tenks

  3. Hai po .. Pahiram munta nitong Talumpati.. Project po kasi namin.. salamat

  4. maaari ko po bang hiramin ang inyong ginawang talumpati? sapagkat kailangan ko po,talumpati po kc ang ginawang pre-finals namin sa filipino,maraming salamat po.

Leave a comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.