Sa lipunang pinapangarap natin, ang ibinoboto nating mga politiko, sa kanilang pagluklok sa kapangyarihan, ay magiging mga lingkod-bayan.

‘Di nga ba’t sa pamamagitan ng ating Saligang Batas ay nagtatag ang mga Pilipino ng isang pamahalaang kakatawan sa ating mga mithiin at mga lunggatiin, magtataguyod ng kabutihan ng bawat isa, at mangangalaga at magpapaunlad ng ating kamanahan?

Inaasahan nating ang pamahalaang ito ay titiyak para sa ating sarili at sa mga kaanak-anakan natin “ng mga biyaya ng kalayaan at demokrasya sa ilalim ng pananaig ng batas at ng pamamahalang puspos ng katotohanan, katarungan, kalayaan, pag-ibig, pagkakapantay-pantay at kapayapaan.”

Hanggang asa na lang yata tayo.

Nasa panahon tayo ngayon ng mga pinunong inuuna ang sariling alwan. Priyoridad nila ang kanilang ikabubuti at mga kagustuhan.

May presidenteng nasaktan ang kalooban at nagpasara — sa pamamagitan ng kaniyang mga alipores sa mababang kapulungan — ng isang kompanya sa media.

“Ang iyong franchise mag-end next year. If you expect ma-renew ‘yan, I’m sorry. I will see to it that you’re out,” sabi ng pangulo sa bantang kalauna’y nagkatotoo.

Mayroon ding mga congressman na nagkasundo umanong maghahati sa termino pero nauwi sa pag-aagawan sa puwesto ng Speaker of the House of Representatives dahil gusto nilang nasa poder pagsapit ng kani-kaniyang kaarawan.

“Sabi nya, ‘birthday ko rin eh!’ Sabi ko, ‘50th birthday ko. Sentimental ako.’ Sabi niya, ‘Ang babaw mo naman.’ ‘Ang babaw ko talaga!” ang kuwento ng isa sa kanila.

Paglilingkod? Asa pa you! It’s-all-about-me leadership na ang uso.

Pinananabikan ba natin ang pananaig ng batas at hinihintay ang pag-iral ng pamamahalang puspos ng katotohanan, katarungan, kalayaan, pag-ibig, pagkakapantay-pantay at kapayapaan?

Not under their watch.

Katotohanan? Fake news pa more.

Katarungan, kalayaan, pag-ibig, at pagkakapantay-pantay?

Ang mababalitaan mo ay isang inang bilanggong politikal na nasa burol ng kaniyang sanggol na anak. Ang bata ay pinagkaitan ng pagkakataong maranasan ang kalinga ng isang ina. At ina ay pinagdaramutan ng oras na makapiling ang kaniyang yumaong supling sa huling pagkakataon.

Samantala, maiisip mo ang mga makakapangyarihang politikong maginhawang nakalalabas sa bilangguan, o yaong hinatulang guilty pero ‘di ikinukulong.

Ito na ba ang ipinangako nilang pagbabago?

Tinig.com

Isang e-zine para sa mga kabataang Pilipino ang Tinig.com. Naglalathala ito ng mga personal na sanaysay, tula, dula, maikling kuwento, balita at lathalain, komentaryo tungkol sa pambansang usapin, at iba...

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.