Napakalakas ng Posisyon ng CBCP.

Ang pinakahuling pahayag ng Catholic Bishop’s Conference of the Philippines (CBCP) ay naghahatid ng mariing mensahe sa mga buwayang nakatira sa Malakanyang: Magpaliwanag kayo — or else!

Ang “Seeking the Truth, Restoring Integrity” ay mensahe sa mga pinakamamahal na nilalang ng Diyos. At kasama sa pinapaabutan ng naturang mensahe ang mga obispo mismong nakaupo sa CBCP at sa Permanent Council.

Himayin natin ang mga nakakabit na mensahe.

1. Nililinaw ng pahayag na ang mga Obispo ay hindi mga lider-politikal. Sila ay mga pastol na gumagabay ay nagbibigay proteksyon sa atin mula sa mga masasamang elemento ng lipunan, para sa kabutihan ng lahat.

2. Kinikilala ng pahayag na hindi lang ang kaayusang politikal ang batayan ng isang malusog na demokrasya. Kung babalikan natin ang “Reform Yourselves and Believe in the Gospel! (Mark 1:15)” na pastoral letter ng CBCP noong ika-27 ng Enero, makikita natin ang mariing panawagan ng simbahan para sa pagbabago: pagbabago ng ating mga sarili (pagkilala sa ating naging partisipasyon sa kasalukuyang kalagayan ng ating lipunan) patungo sa pagiging matatag na bahagi ng ating pamilya, pamayanan at lipunan. Patungo sa pagiging malinaw at malinis na konsensya ng lipunan.

3. Kinikilala ng pahayag na lugmok tayo ngayon sa krisis na hatid ng korapsyon, at kawalan ng moralidad ng kasalukuyang pamunuan ng pamahalaan. Kung babalikan ang “Reform…” makikita natin ang ilinatag na kalagayan ng mga obispo ayon na rin sa mga kaganapan sa pambansang antas at sa mga ulat na nakakalap nila mula sa mga komunidad.

4. Ayon sa ispiritu ng pagiging patas, nais ng CBCP na ungkatin ang buong katotohanan. Pansin sa mga katagang “the search for truth… must be determined and relentless…” ang mensahe na hindi pa natin nauungkat ang buong katotohanan. Nais ng CBCP na papagsalitain ang Malakanyang at mga alipores nito upang sila na mismo ang magbigay-linaw sa isipan ng taumbayan. Sa pamamagitan nito (pagsasalita ng Malakanyang), inaasahan ng CBCP na makakagawa ng malinaw at matibay na desisyon ang taumbayan pag natiris (o hindi natiris) ng mga magiging kasagutan ng Malakanyang ang ilang pagdadalawang-isip ng ilang sektor ng ating lipunan.

5. Pagbubuo ng mga “circles of discernment” sa mga pamayanan. Pag-uulit lang ito sa malinaw na panawagan ng CBCP sa atin at sa kanilang hanay na rin na “form groups of thinking and praying people — in our schools, seminaries, parishes, mandated organizations, lay movements, social action groups, most especially in basic ecclesial communities…” Nais ng CBCP na tumbukin natin ang batayang kakulangan sa ating mga buhay pampulitika at panlipunan: ang pagpapasailalim ng “common good” sa “private good”.

6. Communal action. Malinaw ang panawagan. Sama-samang pagkilos ng Kristyanong komunidad at ng pambansang komunidad. Ngayon, para matiyak na spiritually-guided ang magiging pagkilos, inuulit-ulit ng CBCP ang panawagan nila hinggil sa “circles of discernment”. Ito ang kanilang lenggwahe na ang katumbas ay ang pagbubuo ng mga sit-ins, study groups, educational campaigns on the national situation, at iba pang porma ng kampanya na magbibigay kasagutan sa ating mga katanungan at gagabay sa ating magiging desisyon hinggil sa kung anong porma ng pagkilos ang ating tatahakin at panghahawakan.

7. People power with a difference. Nais ng CBCP na maulit ang tagumpay ng EDSA 1. Pero nais nilang ibasura ang latak na nabitbit nito (ang mga power players na sumasakay sa mga lehitimong isyu ng bayan, at mga trapong mabilis pa sa kidlat kung magpalit ng maskara). Kaya nga ang unang hakbang ay ang maingat nilang pangunguna sa magiging desisyon ng taumbayan. Nais nilang magmula sa grassroots ang pagkilos. Kaya nga nananawagan sila sa kanilang mga sarili na magtayo sila ng malulusog at politically-matured na mga BEC sa kanilang mga diyosesis at arkdiyosesis. At malinaw na nagbigay sila ng instruksyon sa mga concerned CBCP commissions hinggil dito. Sa pangmatagalang pananaw, nais ng CBCP na dumating ang panahon na hindi na aasa sa kanila ang mga tao para magdesisyon. Bagkus ay kikilos ito ng isa ayon sa kanilang kolektibong pananaw, nang may isang boses, isang pninindigan at isang matatag na pamunuang mahigpit na nakaugnay sa grassroots.

Ngayon, sa ganyang batayan, binuo nila at ipinanawagan ang mga sumusunod na punto:

1. Kondenahin ang nagpapatuloy na kultura ng korapsyon mula sa pinakailalim hanggang pinakatuktok ng ating panlipunan at pampulitikang istruktura. Nais ng CBCP na isabay nating birahin ang lahat ng porma ng pangungurakot na nagaganap sa loob ng iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan sa buong bansa. Tinukoy nilang ang korapsyon kasi ay isang porma ng pagprioritize ng private good kaysa sa common good, na mariing tinututulan ng panlipunang doktrina ng Simbahan.

2. Huling tsansa sa pamunuan ni Gloria:

A. Pangunahan ang pagbaka sa korapsyon.

B. Baklasin ang E.O. 464 na nagsisilbing tabing sa mga mata at takip sa mga tenga, ang daluyan ng katotohanan sa ating katawan.

C. Payagan ni Gloria ang kanyang mga alipores na magsalita hinggil sa usapin ng NBN-ZTE deal.

3. Apela sa mga sangay ng gobyerno na may kapangyarihang maglunsad at mangasiwa ng mga imbestigasyon, ayon sa interes ng taumbayan at hindi sa kanilang pansarili at pampulitikang interes.

4. Panawagan sa midya na maging positibong balon ng impormasyon sa paghahanap natin sa katotohanan at katarungan, at pagbaka sa korapsyon.

Ang mga mensaheng yaon ay mabigat. Sa totoo lang, isang buong People Power na ang ipinanawagan ng CBCP sa “Seeking…” Ang mga ilinatag na panawagan, particular ang ikalawa hanggang ika-apat, ay may invisible na karugtong na or else. Kapag hindi nagawa ng kasalukuyang pamahalaan ang panawagang iyan, merong or else. Saan lumalabas ang or else?

Sa kawalan ng panawagan laban sa “Resign Gloria” clamor ng taumbayan.

Ibig sabihin, ini-engganyo tayo ng CBCP na ipagpatuloy, palakasin at palawakin ang kampanya kontra-Gloria. At habang ginagawa natin ito, binibigyan natin ng tsansa ang pamunuan ni Gloria na ayusin ang sarili nitong problema.

Ganun lang yun kasimple.

Kaya tara na!

Magbasa tayo at isabuhay natin ang Compendium of the Social Doctrine of the Church!

Itayo at palaguin ang mga matatatag at mulat na Basic Ecclesial Communities!

Isulong natin ang Common Good!

Bakahin ang lahat ng porma ng korapsyon!

Resign Gloria! Now Na!

Join the Conversation

5 Comments

  1. ikaw ata kaibigan ang nagsabi ng last warning hindi naman ang cbcp..dinadamay mo ang matinong simbahan sa iyong ideya na maaring hindi pa lubos na alam ang buong katotohan..let us stop being bias ang too judgemental…warning: ” huwag tayong pumuna (palagi at sobra) sa ibang tao na ang sarili nga natin hindi natin mapilit na mabago “.

  2. Hi John!

    Ako nga ang nagsabi. Ayan nga at nakasulat naman ang pangalan ko. Kung babasahin mo ang buong artikulo, mauunawaan mo na ang laman nito ay pawang analisis ko. Hindi ko sinabing sinabi ito ng lantaran ng CBCP. Ganunpaman, pinapanindigan ko ang kongklusyon ko rito dahil mas alam ko ang usaping nasa likod nito, partikular na ang thrust ng simbahan sa “renewed church”, kumpara sa iyo.

    Kung ikaw ay Katoliko (i will assume na Katoliko ka nga), maiintindihan mo dapat kung ano ang tunay na tinutukoy ni Abp Lagdameo sa panawagan niya na pagbubuo ng “circles of discernment”. Pero kung hindi mo maintindihan eh, wag kang mag-alala, tiyak na nagkulang lang ang inyong pari sa inyong parokya dahil hindi ipinaliwanag sa inyo ang tungkol sa Basic Ecclessial Community (BEC) o ang pinakamaliit na simbahang nakabase sa komunidad. Ngayon, kung hindi mo ito alam, malamang ay hindi mo rin alam ang nilalaman ng Social Doctrine of the Church.

    Ngayon kung hindi mo rin talaga ito alam, aba eh malamang na hindi mo matanggap pag sinabi kong talamak na rin ang korapsyon sa simbahan. :) Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit ikinakampanya na ng mga matitinong personalidad ng simbahan ang BEC at SDC. Sa pamamagitan kasi nito, makakatulong nila ang laity (o baka pati ito di mo alam) sa paglinis sa simbahan at pagtanggal sa tunguhin ng ilang personalidad ng simbahan na maging elitista, maging korap at maging purong liturhikal na pastor ng komunidad ng mga Kristyano.

    Ngayon, irerekomenda ko rin sa iyong basahin ang Acts and Decrees ng PCP2 para magkaroon ka ng kahit katiting na ideya.

    Ikaw dyan ang putak ng putak nang hindi alam ang sinasabi.

  3. ang alam ko.. puro lang sila satsat’ ang dami nang nangyareng milagro na kagagawan nang US AROYO at nasan sila? na roroon nag iipon nang barya, di sila naiiba sa mga pulitikong kulang sa pansin, di pa man sila nagsasalita, noon pa dinidilig na nang dugo nang masang aktibista ang lansangan maipaabot lang sa karamihan ang mga hinaing nito.. puro kayo satsat”

  4. hmm..

    tulad ng iba pang bagay at buhay, sakop din naman ang simbahan ng batas ng kontradiksyon. lagi nang may nagbabanggaang pwersa sa loob ng isang buhay,

    at kung babasahing mabuti ang kalagayan ng simbahan, matabang lupa din naman ito para sa pagpapataas ng antas ng kamulatang pampulitika ng mamamayan at kasabay ang paghulma ng wastong moralidad nito. Di nga ba’t si arroyo ay isa ring katoliko? o e di pwedeng umpisahan sa pagbatikos sa sinumang pari o obispo na nagbibigay pa ng misa para sa kanya. Ituturo lang sa obispo na tinapak-tapakan na ni arroyo ang ten commandments eh, ano pa ba ang wastogn maisasagot nila?

    pinagpupugayan ng mga progresibo sa simbahan ang mga bayaning masang nag-alay ng buhay. sila, ay katulad ni kristo na hindi nag-alangang magpapako sa mismong krus na pinapasan nila mula pa nung sila’y isilang sa mundong ito.

    pero sana’y maintindihan din ninyo na hindi nagpapaiwan ang mga proresibo sa simbahan.

    nakakalungkot nga lang na tulad sa kongreso, numbers game din ang kairalan sa loob ng hanay ng mga obispo, at talamak na rin ang korapsyon sa simbahan.

    at kung dugo lang ang pag-uusapan, marami na ring taong-simbahan ang nagdilig ng sarili nilang dugo para sa kanilang paninindigan, at para sa bayan.

    ilantad ang mga nagkukunwaring pari at obispo. ilantad ang mga kurakot na pari at obispo. at isabay ang mga pangalan nila kay arroyo. yan ang misa sa dapat nating pagtuunan ng pansin ngayon.

  5. ilantad ang mga nagkukunwaring pari at obispo. ilantad ang mga kurakot na pari at obispo. at isabay ang mga pangalan nila kay arroyo. yan ang isa sa dapat nating pagtuunan ng pansin ngayon.

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.