(Babala: Ito ay opinyon lamang ng may akda.  Paumanhin sa mga masasaktan, kung meron man.  Katatapos lang kasi ng may-akda na magbasa ng Little Drummer Girl.)

Nitong mga nakaraang araw, isinabit ko sa aking blog ang mga haka ko hinggil sa tunay na dahilan ng pagkaka-“kidnap” kay Ces at sa mga kasama niya (pinili ko si Ces bilang tag dahil siya ang pinaka-sikat sa kanilang apat)­.

Matapos kong mapanood ang interview ng GMA-7 kay Propesor Dinampo, isa sa mga na-“kidnap”, mas tumibay ang paniniwala ko na ang naganap na “kidnapan” sa Sulu ay isa sa mga pinakamalaking dramang ipinalabas sa entablado ng tunay na buhay, para isulong ang isang politikal na interes sa paparating na ARMM elections.

Sa interview, buong linaw niyang ikinwento ang pangyayari.  At bagamat si Sahiron ang kanilang pakay, wala siyang Sahirong nakita, maging noong mga panahong sila’y bihag na.  Kinumpirma din niya na si Biyaw nga ang kanilang giya, pati ang pagkalas ni Biyaw nang sila’y na-secure na ng mga armado.  Sabi ni Biyaw, ay mauuna na daw siya ayon sa utos ni Sahiron.

Ang ganitong eksena ay nauna nang nakumpirma batay na rin sa kwento ng drayber ng dyip na inarkila ng grupo ni Ces papunta sa lugar.

Samantala, kinumpirma na ng mismong PNP na sinungaling ang kanilang pinuno nang aminin nilang nagbayad nga ng ransom ang pamilya ni Ces at nandun pa ang isa nilang opisyal sa “intelligence.”   Nakakatawang si Razon din ang bumali sa una niyang sinabi.  Haha.  Nakakatawa.  Kayo na lang mag-isip ng tamang kataga na magsasalarawan sa kanya at sa kanyang ginawa.

Ano ngayon ang implikasyon ng mga kaganapang ito?

1. Hindi Abu Sayaff Group ang dumukot kina Ces.  Maging ang PNP ay hindi pa magawang pangalanan ng direkta ang ASG bilang siyang direktang may gawa ng krimen.  Bakit kaya?  Dahil ba sa  alam ng PNP kung sino ang may hawak noon kina Ces?

May mga obserbasyong lumabas na nagpapahiwatig na hindi ASG ang mga kidnapper.  Isa na rito ang obserbasyon na naninigarilyo ang ilan sa mga armadong dumukot kina Ces. Ayon sa mga tagaroon sa lugar, ang mga tunay na ASG daw ay hindi naninigarilyo.

Wala ring ilinalabas na statement ang ASG.  Normally, ang kanilang paraan ng pakikipagnegsasyon ay sa pamamagitan ng midya.  Ang objective kasi nila, makapagpropaganda, at makapaghatid ng banta sa kanilang mga kalaban, na sila’y malupit, dapat katakutan, at handang lumaban ng patayan.

Ang ganitong aura ay kataka-takang wala sa buong haba ng panahon ng negosasyon.  Bakit di lumabas si Sahiron?  Kung siya nga ang nagpadukot, dapat lumabas siya, siya ang nagclaim, siya ang nakipagnegosasyon, dahil lilitaw at lilitaw din ang kanyang pangalan.  Dahil mas malaking propaganda score/point ang makakabig niya kung siya mismo ang magsasalita.  Dahil mas magiging credible ang kanilang paghingi ng pera.  Dahil mas malaking pera ang mahihingi nila kung malalaman ng mga pinapaukulan nila na siya, si Raddulan Sahiron, pinuno ng mapanganib na ASG, ang may hawak kina Ces, at dapat na mapagbigyan ang kanyang hiling dahil siya, sampu ng kanyang ASG ay namumugot ng ulo pag hindi nakukuha ang kanilang gusto.  Yan ay kung siya nga at ang ASG ang dumukot kina Ces.

Ang papel na ginampanan naman ni Bidaw, kilala bilang ahente ng military sa lugar, ay kapansin-pansin at nagbibigay ng kabaliktarang kulay sa claim ng mga taga-gobyerno na ASG ang may hawak kina Ces.

Ang manner naman ng pakikipagnegosasyon — smooth, intelligent, cool — ay hindi estilo ng ASG.  Ang flow ng negosasyon, batay sa pagbasa ko sa mga pagkakasunud-sund ng hakbang ng mga kidnapper, ay anticipatory.  Anticipated nila ang susunod na hakbang ng kabilang linya.  Anticipated nila ang mararamdaman ng kabilang linya.  Anticipated nila ang init ng atensyong ilinalaan ng midya sa kasong ito.  At ang aktitud nila ay ang ingatan ang kanilang identity, liban sa malinaw na pagpapabaya nila sa midya na tawagin silang mga ASG.  Ang galing — hindi ito papuri — nga nila, dahil matagumpay nilang nagawang emisaryo si Encarnacion para direktang maipaabot sa pamilya ni Ces ang kalagayan ng kanilang grupo at ang mga kahilingan ng mga kidnapper.

Pinakahuling hibla ng patunay na hindi ASG ang dumukot kina Ces ay ang kawalan ng presensya ni Sahiron at ng sinumang lider na kinikilala sa hanay ng ASG.

2. Nilabag ng pamahalaan ang sarili nitong patakarang “No Ransom”.  Una nang nabalita na nagkaroon ng bayaran, pero pilit pa itong pinagtakpan ng mga elemento ng pamahalaang ito.  At ngayong kinakailangan nilang maging credible para paniwalaan sila sa claim nilang ang mga Isnaji ang mastermind sa pangingidnap kina Ces, basta na lang nilang ilalantad sa atin ang kanilang ebidensya: isang larawan na nagpapatunay na ang pamahalaang ito ay nakikipagsabwatan sa mga terorista sa pamamagitan ng pagbabayad ng ransom sa kanila?  (Pag lumabas yung sinasabi nilang “iba pang ebidensya,” baka magbago ang opinyon ko.)

Kawawa naman si Heneral Razon.  Lubusang sinira ng pamahalaang ito ang kanyang pangalan, Razon, reason.  Nagi itong alibi, palusot, pagsisinungaling.  Isipin nyo na lang, sinabi niya on national coverage, in his capacity as PNP chief na walang bayaran ng ransom na naganap para mapalaya ang grupo nina Ces, tapos on national coverage din, still in his capacity as PNP head, sasabihin niyang nagbayad nga ng ransom ang pamilya ni Ces, effectively telling everyone that he is a liar, Legarda is a liar, and everyone else who tells everybody that there is no ransom paid are liars.  At may ebidensya pa siyang ilinabas para patunayan na sinungaling nga sila!

Kawawa naman si General.  Malamang ay napakalaki ng utang na loob niya sa taong pinoprotektahan niya, kung di man siya takot dito, para lang gawin niya ang kahihiyang ito sa kanyang sarili.  (Biglang nagflashback sa isipan ko yung mga sinabi noon ni General Razon: na gas blast daw ang dahilan ng pagsabog sa Glorietta, na media person daw ang nagpatakas kay Faeldon, etc… Poong mahabagin!  Paano kung lahat ng iyon ay pawang kasinungalingan din? Wag naman sana!)

Dahil sa pangyayaring, ang pamahalaan mismo ang nag-encourage sa ilan nating kababayan na magtayo ng mga bagong kidnap for ransom groups dahil ipinakita nilang nagbabayad naman pala talaga ng ransom ang mga pamilya ng nakikidnap.

3. Naging bulag at iresponsable ang ilang elemento ng midya sa paghahatid ng balita.  Umasa ang mga ito sa spoon-fed info mula sa mga taga-gobyerno.

Unwittingly, naging bahagi ang midya sa isang grandiosong panloloko sa taumbayan.  At nanatili silang bahagi nito sa pamamagitan ng pagbabalita na ASG ang may hawak kina Ces sa kabila ng kawalan nila ng batayang impormasyon na magpapatotoo sa kanilang balita.

Sana naman, sa panahong nagdududa sila sa mga info na natatanggap nila e, naghanap na lang sana sila ng iba pang source o kaya e, nanahimik na lang sana sila.

Mula sa mga implikasyong ito, hindi ko maiwasang  kantiin ang panig ng politika at iugnay ito sa pagkakadukot sa grupo ni Ces, at sa pinakahuling pangyayari, kung saan idinidiin na ng mga taga-pamahalaan si Mayor Alvarez Isnaji bilang siya umanong mastermind ng pangingidnap sa grupo nina Ces.

(Hindi ko na ilalahad ang opinyon ko sa kriminal na aspeto ng akusasyon ng pamahalaan kay Alkalde Isnaji dahil korte na ang bahalang kumanti dito, pero nais kong pasadahan ang politikal na aspeto nito na may kaugnayan sa isang napakalaking aktibidad na nakatakdang maganap sa likod ng kidnapang ito: ang lokal na halalan sa Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM).)

Ang Mindanaw ang pinakamayamang rekurso ngayon ng likas na yaman, dahil ito na lang ang may mga nalalabi pang lugar na hindi pa nagagahasa ng mga kurakot na opisyal ng pamahalaan at ng mga negosyanteng kakutsaba nito, kasama ang mga dayuhang mangangapital lalo na yaong mga galling sa Estados Unidos.

Ang pakikipag-usap ng pamahalaan sa mga Moro para abutin ang isang “kapayapaan” sa Mindanaw, ang presensya ng sangkaterbang sundalo sa isla ng Mindanaw, ang presensya ng mga dayuhang armadong Kano rito–lahat ng ito ay malinaw na nagtuturo na ang Mindanaw ang nalalabing ‘Eden’ ng Pilipinas.

At ang ARMM elections ay isang avenue para legal na makuha ang kontrol sa naturang pook.

Isa sa mga napapabalitang tatakbong gobernador sa halalang ito si G. Isnaji.  At bilang isang dating kabahagi ng Moro National Liberation Front (MNLF), at datin kaalyado ni Nur Misuari, si G. Isnaji ay masasabing may komand at may malaking potensyal na manalo sa halalang paparating, lalo pa’t nasa kainitan ngayon ang isyu hinggil sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng MNLF.

Kaya’t tulad ng ibang mga nagdududa, di ko rin maiwasang magtaka sa timing, at sa tunay na motibo ng “sudden twist of events” sa “pangingidnap” kina Ces.

Sa isa kong litanya sa blog , nabanggit ko ang posibilidad ng pagkakaroon ng isang grand drama, designed to set-up Mayor Isnaji, and temporarily hold him at bay, effectively pushing him out of the gobernatorial race (Kahit pa matuloy ang kandidatura niya, tiyak namang papahirapan siya ng administrasyon sa pangangampanya dahil nga sa kasong ito na kinakaharap niya), and snatch the ARMM leadership away for another three good years.

Ang grand drama ay malamang na nag-umpisa sa planning stage pa lang ni Propesor Dinampo.  Dahil involve na mula sa simula si Bidaw, malamang ay na-feed na ni Bidaw ang mga kakutsaba niya at this point para mapagplanuhan na nila ang gagawin.  Baka nga ang nakakausap ni Propesor Dinampo noon over the phone is not the real Sahiron.  Maybe it’s one of the kidnappers posing as Sahiron, kasi kung si Sahiron nga ang kausap ni Dinampo from the very start e, dapat kahit utot ni Sahiron maaamoy nila dun sa lugar.  Dapat e nakapagplano din sana ang ASG ng kahit isang statement for the media na magiging behikulo din nila ng kanilang propaganda.

At nang ideklara ng Anti-Terrorism Council ng gobyerno na hindi aplikable sa kasong ito ang Human Security Act (HSA) — sa kabila ng pagpapakalat ng ilang mga elemento ng pamahalaan na ASG ang dumukot kila Ces (Ang ASG po ay deklarado ng pamahalaan bilang isang teroristang grupo, at popular sa bansa bilang isang teroristang grupo), opisyal nang naging bahagi ng drama ang pamahalaan.  Ang aksyong ito ng pamahalaan ang mitsa ng aking mga pagdududa.  Ito ang dahilan kung bakit naging isang malaking katanungan sa akin ang nature ng kidnapping at ang mga susunod na takbo ng mga pangyayari.

At ngayong papalapit na ang SONA, hindi ko rin maiwasang iugnay ito sa ihinahandang sobrang lupeeeeet na speech ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.  Ah, tiyak na nasa front row ng gallery sina Ces at iba pa.  Hmmm… baka nga maging senatoriable pa si Ces, o ha?

Napakakumplikado ng sitwasyon ngayon.  Kahit nga sina Ces at Propesor Dinampo eh, kapag naririnig ko ang mga paliwanag nila sa midya ngayon eh, di ko na rin maiwasang mag-isip kung at this point ba eh, na-hire na rin sila para maging mga aktor ng pinakabagong teleserye ng taon.

Hay!

Tanging dalangin ko lang ay sana’y mali ako.  Nakakalungkot at nakakatakot kasi kung bandang huli’y masasabi kong tama pala talaga ako.

Hay sige… tulog na ako, nawawalan na ako ng mga punto at namimigat na ang mga mata ko.  Sa wakas ay dumating na rin ang antok na kanina ko pa hinihintay..  Buti na lang at may pangyayaring ganito, at least hindi ako naboryong sa pagpapa-antok sa sarili ko. (6:56am)

Join the Conversation

9 Comments

  1. ang daming KADUDA-DUDA nga sa pagdukot at “pag-rescue” kina ces drilon, et al. sng-ayon ako sa mga sinabi mo.

  2. pakilagyan po ng “1.” ang unahan ng “Hindi Abu Sayyaf Group ang…”

    pakilagyan ng “2.” ang unahan ng “Nilabag ng pamahalaan ang sarili nitong…”

    pakilagyan ng “3.” ang unahan ng “Naging bulag at iresponsable ang ilang…”

    Maraming salamat!

  3. Dear Alex:

    I commend you on your well considered reflections on the hoolah-paloolah “kidnapping” spectacle.

    Yours,
    G.J.

  4. Sa panayam kay Ces Drillon, ang discription niya sa mga kumidnap sa kanila ay mga bandido lang na walang political ideology, ginagawang hanabuhay lang ang pangingidnap (kidnap for ransom.) Maari ding may mga matataas na tao na sinasandalan sa lugar ng mga bandidong ito. Salamat.

  5. bahagi sila uring pinagsasamantalahan. kaya’t ang nangyari sa kanila ces ay nakakabahala na sa kasalukuyang administrasyon ni gloria ay walang magawa. mas lalo pang lumalala…….. manunulat ng bayan ay dapat lumaban.

  6. Silip sa likod ng “Kidnap” ng ABS-CBN

    Inabangan ko ang “Kidnap” presentation ng ABS-CBN kagabi, at umasa ako na may masisilip tayong mga bagong impormasyon sa naturang dokumentaryo na maghahatid sa pagkakalutas ng “kaso” at “pagkakahuli” sa mga “kidnaper” ng grupo nina Ces Drilon, Angelo Valderama at Jimmy Encarnacion.

    Matatandaang ang grupo nila ay “nakidnap” bago pa man bumisita si “Frank”. Ang pangyayari ay hinarap ng buong industriya ng midya ng buong ingat, dahil na rin sa concern sa buhay ng tatlo, at hindi pa dahil sa politikang naglalaro sa likod ng naturang pangyayari. After all, hindi ganun kalaya ang pamamahayag sa bansang ito, to the point na, ang mga media personality ay nagkakasya sa pagtingin sa mga “pangyayari” bilang simpleng “pangyayari”, disregarding the fact, na may mga dahilan kung bakit nangyari ang naturang “pangyayari”, at may mga nagpapakilos para mangyari ang mga naturang “pangyayari.”

    Anyway.

    Disappointed ako sa napanood ko.

    Ang “Kidnap” ay isang tele-dramang tinubog sa dokumentaryong mala-Eye Witness Account. Bagamat kauna-unawa naman ito dahil ang naging pangunahing layunin ng “Kidnap” ay maipakita ang ordeal ng tatlo sa pinaka-delikadong oras ng kanilang personal na buhay (hindi buhay-media). Ang layuning ito ay umiikot sa batas ng “esklusibistang” praktika sa daigdig ng komersyal na midya sa Pilipinas. Ang “esklusibistang” praktikang ito ang siya ring nagtulak sa grupo nina Ces sa kapahamakan.

    Nasabi kong tele-drama ito, dahil na rin sa pag-employ nila ng “re-enactment” (in fairness to the ABS-CBN Current Affairs Team, di naman ito masama, actually, ginagawa din ito ng ibang mga dokumentarista sa ibang bansa at maging dito sa lokal) nang walang sustenidong paglalagay ng mga paunawa na ito’y re-enactment lamang (ito lang ang masama, kasi masasabing isang porma ito ng pag-mislead sa mga viewers), dun sa mga video clips na kinuha sa performances ng mga actor na gumanap bilang sina Ces at ang mga “kidnaper” nila. Tapos sa bandang hulihan ng palabas, ay ipi-play nila ang ilang clips na may nakalagay na paunawang “Actual Video Footages”. Sa mga susunod na eksena ay makikitang nagpapaliwanag si Bb. Maria Ressa na ang mga shots na yaon ay malikhaing kuha ni Jimmy Encarnacion. Sa katapusan ay makikita ang mga pangalan ng gumanap na kidnaper (bagamat “kidnappers” lang ang nakasulat at walang “as” sa unahan nito.

    Fine. Pagpupugay kay Jimmy. Now that’s one brave media worker. At dapat lang talaga siyang parangalan at papurihan. Siya lang sa tatlo ang talagang naging media personality sa gitna ng mga pangyayaring iyon. Ang dalawa (Ces at Angelo) ay naging purong bihag lamang.

    Pero nabawasan ang legitimacy ng mga video clips dahil sa pagkakahalo nito sa mga “re-enacted scene” na walang paunawa na ito’y mga re-enacted scene lamang. Nakadagdag sa pagkabawas ng legitimacy ng video footages ang pagpapablur nito sa mukha ng isang taong nakunan ni Jimmy (umano) sa isang eksena (yung nakaupong nilalang). Now that’s not Jimmy’s fault. Alam nating lahat na wala siyang kapangyarihang mag-censor sa loob ng naturang network.

    Mas tumingkad ang pagiging teledrama ng “Kidnap” nang kapansin-pansing “mawala” sa eksena si Propesor Dinampo. Apat silang bihag, pero bakit ang tatlo lang ang sinentruhan ng dokumentaryo? Now this point runs against a popular claim that our media is objective. And this point shatters the very title of the documentary: kidnap.

    Ang napili nilang titulo ay ang popular na tawag sa ginawa sa kanila ng mga kidnaper. Pero wala silang naisingit na sariling pananaw o analisasyon man lamang sa kanilang mga captors (maliban sa claim ni Ressa sa isang bahagi ng palabas na matalino daw ang mga kumidnap sa kanila, which is being equated by others bilang isang porma ng pahayag na nagsasabing hindi ASG ang mga kumidnap sa grupo nina Ces). Mas angkop pa nga sigurong gamitin ang “hostage” pero, with that, kailangan pa rin nilang isama sa daloy ng kwento si PropesorDinampo.

    Which brings me to the documentary’s objective. Sabi nila, “this is a documentary about recklessness and violence, about spirits that will not be broken by the barrel of a gun, about brotherhood, about family, about choices, about fear, and about just what it means to have courage.” Walang objective. Pure drama. Or maybe, baka nalilimitahan sila ng reyalidad na nasa korte na ang usapin kung kaya limitado na rin ang maihhayag pa nila sa publiko.

    Yet Still, they should have a specific objective.

    At dito maaaring pumasok ang usapin ng komersyalisasyon ng midya. Bakit ka magsaslita kung mwala ka namang ibang sasabihin? Bakit?

    Dahil may Advertiser. Dahil may labanan sa ratings. Period.

    (2:24pm).

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.