Habang ang buong bansa’y dumadalaw sa namayapang mga mahal sa buhay noong Nobyembre 1, sa Subic, Zambales ay may nangyayari palang isang karumal-dumal na krimen. Isang dalagang may 22 taong gulang ang ginahasa ng anim na sundalong Amerikano.
Batay sa mga lumabas sa panimulang pagsisiyasat ng pulisya sa Subic, ang babae’y isang taga-Zamboanga na dumalaw sa isang kamag-anak sa bayang pinagyarihan ng krimen.
Habang sila’y nasa isang karaoke bar ay nakilala nila ang anim na sundalong Amerikano –sina Keith Silkwood, Daniel Smith, Albert Lara, Dominic Duplantis, Corey Burris at Chad Carpentier na pawing nakatalaga sa nasabing bayan nitong nakaraang ilang buwan para sa Balikatan–na pagkaraan ng ilang sandali’y isinakay siya sa isang inarkilang van. Matapos ang ilang oras, ayon sa salaysay ng isang saksi, ang babae’y nakitang itinapon sa gilid ng daan nang walang malay at walang suot kundi ang kanyang panty.
Kasalukuyang nasa pangangalaga ng Embahada ng Estados Unidos sa Maynila ang anim na salarin.
Nitong Nobyembre 5, may halos isang daang aktibista mula sa mga grupong GABRIELA at Gabriela Women’s Party (GWP) ang nagpiket sa harap ng Embahada upang humingi ng hustisya para sa biktima. Habang ginaganap ang kanilang programa’y isang opisyal ng Embahada (Amerikano?) ang buong kapal ng mukhang humarap sa kanila at nagsabing ang kanilang inihihingi ng katarunga’y hindi ginahasa sapagkat siya nama’y isang “bayarang babae.”
Datapwat mismong mga opisyal ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA), sa pangunguna ng dating heneral na si Jose Calimlim, ang nagkumpirma nang hindi puta ang dalaga. Ito’y matapos ang isang serye ng mga pakikipagpanayam sa biktima at sa mga kamag-anakan niyang nasa Subic.
At kung naging totoo mang isang puta ang inihihingi natin ngayon ng katarungan, malaki ang pangangailangang ang mga abugado at maging mga mag-aaral ng batas sa bansang ito ay magsipagsalita at ipaliwanag sa mayabang na opisyal na iyon ng Embahada kung ano ang ibig sabihin ng panggagahasa. Ito’y ang salang sapilitang pakikipagtalik sa isang ayaw makipagtalik. Batay sa depinisyong ito, maging ang isang puta ay maaaring magahasa, kung may sapilitang makikipagtalik sa kanya sa oras na siya’y hindi “nagtatrabaho.” Noong nakaraang dantaon, may ganitong kasong pinagpasyahan nang pabor sa nagsakdal ang Korte Suprema ng Estados Unidos.
Sa iniasal ng opisyal na ito ng Embahada, isang pangangarap nang gising habang bangag sa opyo ang umasang magagawaran ng karampatang parusa ang anim na GI Joe sa ating mga hukuman. Maaaring habang binabasa ninyo ito ay nakaapak na sa kanilang green, green grass of home ang anim na sundalo.
Sa gitna ng lahat nito, parang isang pipi ang ating Kagalang-galang na Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Ngunit di man siya nagsasalita’y madali nang mapaghulo ang kanyang sasabihin sakaling mapilitan siyang magbuka ng bibig hinggil sa usaping ito.
Tiyak na ipamamarali niya ang diumano’y pangangailangan ng mahigpit na ugnayang militar sa pagitan ng Estados Unidos at Pilipinas sa ngalan ng pagsugpo sa “terorismo.” Batay rito, di man niya sabihi’y sasabihin din niyang alang-alang sa pambansang seguridad ay dapat nating ipagkibit-balikat na lamang ang nangyaring pagyurak sa dangal ng isang dalagang maaaring naging kapatid natin o pinsan, o maaaring naging kasintahan kaya ng kung sinuman sa mga lalaki sa atin.
Natitiyak natin ito batay sa kanyang agresibong pagtutulak noon sa Visiting Forces Agreement (VFA), na nagbibigay sa mga sundalong Amerikano ng mga “karapatang” ekstrateritoryal at ekstrahudisyal sa ating bansa; at sa Mutual Logistics Support Agreement (MLSA), na nagbibigay naman sa kanila ng “karapatang” magpasok ng mga kagamitang militar kahit saan sa bansa nang hindi dumadaan sa mga regular na inspeksiyon. Tinawag pa nga niyang “hindi Pilipino” ang mga tumutol sa mga “kasunduang” ito — kabilang ang mga makabayang estadista’t intelektuwal na sina Wigberto Tañada, Roland Simbulan, at Amado Gat. Inciong.
Matagal na ang ugnayang militar sa pagitan ng Estados Unidos at Pilipinas, at noon pa ma’y sinasabi nang kailangang narito ang mga sundalong Amerikano upang may magtanggol sa atin laban sa mga kaaway ng ating “soberanya” at “demokrasya.”
Ngunit nasaan ang mga sundalong Amerikanong ito sa mga panahon ng pinakamatitindi nating pagsubok? Hindi ba’t nang salakayin ng Japanese Imperial Army ang Pilipinas ay pinangunahan ng ating kaibigang si Hen. Douglas MacArthur ang paglilikas sa kalakhan ng puwersang Amerikanong narito papuntang Australya, at sila’y bumalik na lamang nang nadakip na ng mga gerilyang Pilipino ang lahat ng mataas na opisyal militar ng Hapon sa bansa? Hindi ba’t nang ang ating pag-angkin sa Kalayaan Reef ng Spratlys ay manganib dahil sa mga maniobra ng Tsina noong dekada 1990 ay hindi naman tumulong ang Estados Unidos sa kabila ng pag-iral ng Mutual Defense Treaty (MDT)?
Ngayo’y nakikita nating ang mga pangunahing nakikinabang sa walang-kapararakang ugnayang militar na ito ay walang balak na iharap sa ating mga hukuman ang anim na humalay sa isang dalagang maaaring naging kapatid natin o pinsan, o maaaring naging kasintahan kaya ng kung sinuman sa mga lalaki sa atin. At ni isang hibik ng pagtutol ay wala tayong marinig mula kay Macapagal-Arroyong kayhilig na tawagin ang sariling “Ina ng Bayan.”
Huwag silang magtaka kung sa labas ng hukuman tayo titingin sa paghahanap ng katarungan sa kasalarinang ito.
anu ba 2!!!!!
malandi c nicole kya ngyari un,,
alng ksknan c daniel!!!!1