Intro:
Tirik ang araw. Ang sementadong daan ay umuusok. Uhaw. Tila isang disyertong sabik sa pagmamahal ng tubig. Ngunit hindi tubig ang nais ng sementadong daan, kundi “dugo”. Dugo ng isang nagliliyab na puso.

Chorus:
Halos magtalik na ang aming mga pawis ng aking kakapit-bisig. Mainit noong araw na ‘yon, ngunit mas mainit ang mithiin ng mga nagtipon-tipon na aktibista’t estudyante sa panulukang iyon ng Mendiola. Isa lang ang sigaw nila.

“Edukasyon, Edukasyon. Karapatan ng Mamamayan!”

Nasa kompo ako no’n. Oo, kompo ang tawag nila kapag nasa unahan ka ng isang mob (pinaikling mobilization), rally o kaya giyera, at transiyon at batuta ng mga matatabang buwaya/pulis ang kaharap mo. Hindi ako aktibista o anupaman, pero kung bakit ako nasa kompo nung araw na yon, sumisigaw at nagtitiis sa matinding sikat ng galit na araw, ay hindi ko masyadong alam. Basta ang alam ko lang ay kailangan kong lumaban, dahil kung hindi, malamang ay hindi na ako makapag-aaral.

Verse I:
Estudyante ako nga isang pang-masang unibersidad dito sa Maynila. Maliit kumpara sa mga pribado at “exclusive schools” ang binabayaran kong matrikula.

Isipin mo. 20,000 pesos o mahigit pa laban sa 300-600 pesos na tuition fee. Sa’n ka pa?

Kung mahirap ka katulad ko at walang tatay na Congressman o politiko, sa tingin ko’y babagsak ka rin at mamahalin ang pang-masang unibersidad na pinapasukan ko.

Sintang Paaralan ang tawag ko sa pinakamamahal kong unibersidad. Sa 12 pesos per unit na matrikula dito, tiyak na marami ang magtataas ng kilay, may magdududa at magtatanong.

“Dose? Ano’ng makukuha mo d’yan?”

Kung tutuusin barya lang ang Doseng ito para sa mga konyo’t mayayaman. Pero sa tulad kong estudyante ng Sintang Paaralan, kayamanan na ang Doseng nilalait ng ilan.

Payak lang ang postura ng pinakamamahal kong unibersidad. Masang masa ang kabuuan nito, mula loob hanggang labas. Pagpasok mo pa lang ay bubungad na sa’yo ang maruming riles ng tren kasama na ang mga barung-barong na pumapaligid dito. Sa likod naman ay matatanaw mo ang Ilog Pasig (magtiis ka na lang sa amoy dahil katapat din nito ang isang malaking oil depot). Simbolo na ng ating lipunan ang aking Sintang Paaralan kung kaya’t ang pag-aaral ko dito, kahit luma na ito at kulang-kulang ang pasilidad, ay maituturing kong sulit. May bonus ka pa dahil ang buong kwarto mo ay ang mismong lipunan at hindi ang pangkaraniwang kwarto na may apat na sulok.

Noong nakaraang araw ay may pumutok na nakatatakot na balita.

“Oy! Alam n’yo mga klasmeyts, tataas na daw y’ung tuition fee natin next sem.” sabi ng isang kaklase kong puno ng kolorete ang mukha.

“Talaga? Totoo ba ‘yan? Magkano ba itataas?” tanong naman ng isang kaklase kong hindi mo alam kung nangungutya o nagtatanong lang ba.

“Magiging 75 pesos per unit na daw tayo!”

Nagitla ako.

Malaking problema kapag ang 12 pesos per unit na binabayaran kong matrikula ay tumaas ng 75 pesos. Naisip ko na baka hindi na ‘ko umabot ng fourth year at kung mamalasin ay hindi na makapagpatuloy. Hindi kasi kaya ng nakakapagod kong part-time job na sustentuhan ang pag-aaral ko. Bukod kasi sa pagiging estudyante, isa rin ako sa libu-libong working student. Service Crew ako (o alipin) sa isang kilalang fast food chain na pulang tutubi ang mascot. Ang ilang libong kinikita ko dito ay kulang pa sa upa ng tinitirhan naming bahay sa Tondo. Kulang rin sa pambaon ko, sa pambaon ng tatlo ko pang kapatid, pagkain, at pambayad ng tubig at kuryente.

Ako na ang tumayo bilang haligi ng lunos kong pamilya. Grade 6 pa lamang ako ng mamatay si Tatay. Pinatay siya habang pauwi galing trabaho. Tatlong beses sinaksak sa likod ng hindi pa nakilalang salarin. Isa kasing lider-manggagawa si Tatay, matapang at may paninindigan. Lider rin siya ng kanilang unyon sa pinagtatrabahuang pabrika. Ang pagkamatay ni Tatay ang nagturo sa akin na ang isang prinsipyo’y napakahalaga ngunit may kakabit na kamatayan.

“Anak, ang prinsipyo’y hindi nabibili. Ang prinsipyo’y inaalagaan at iniingatan.”

Si Nanay naman ay pasingit-singit na lamang sa paglalabada matapos ang malawakang tanggalan sa pabrika ng sapatos. Isa siya sa hindi pinalad na manatili.

Kung matutuloy ang pagtaas ng matrikula sa aking Sintang Paaralan, tiyak na delubyo ang dulot nito sa hikaos kong pamilya.

Verse II:
Bukod sa murang tuition fee, kilala rin ang Sintang Paaralan ko bilang lunduyan umano ng aktibismo. Sa pagmamasid, masasabi kong totoo ito dahil masikhay ang aktibismo dito. Pero kahit maraming samahan at organisasyon ang nagkakalat dito, wala akong sinalihan (kahit gusto ko) dahil mas matimbang ang tawag ng pamilya ko. Kailangan kong mag-aral at kumayod dahil ako lang ang inaasahan ng Nanay at mga kapatid kong pawang nasa elementarya pa lamang.

Bagama’t hindi ako naging aktibista, pusong aktibista naman ako (namana ko ‘ata kay Tatay). Mula sa paglaban sa pagtaas ng sahod ng mga manggagawa, libreng lupa para sa mga magsasaka hanggang sa usapin sa edukasyon, privatization, komersyalisasyon at ang TFI, lahat ng ipinaglalaban nila’y kaisa ako. Kapag may mga pagkakataon na pwede akong makasama sa isang rally, hindi ko na pinalalagpas dahil masarap ang lumaban at ipagtanggol ang karapatan ng bawat isa.

“Sumama na kayo! Walk-out tayo!” malakas na sigaw ng mga aktibistang may programa sa ground ng Sintang Paaralan.

“Mga kapwa ko mag-aaral. Ang usapin na ito na pagtataas ng ating matrikula mula 12 pesos hanggang 75 pesos per unit ay hindi lamang laban ng mga aktibista. Laban nating lahat ‘to. Ang sama-sama nating pagmamartsa patungong Malakanyang ang siyang tanging makapaghihinto sa pansariling interes ng ating ganid na pamahalaan.” sigaw ng paos at may mahabang buhok na aktibista.

“Tama!” sagot ko ng pabulong.

Hindi lamang laban ng mga hardcore naming aktibista ang usapin ng TFI. Laban rin ito ng buong unibersidad at laban na rin marahil ng sambanayan.

May klase ako nang magtawag ng walk-out ang mga aktibista. Di ko na pinasukan ang mga susunod ko pang mga klase nu’ng araw na ‘yon dahil mas nanaig ang pagnanasa kong sumama, lumaban at magtanggol.

Intro:
Tirik ang araw. Ang sementadong daan ay umuusok. Uhaw. Tila isang disyertong sabik sa pagmamahal ng tubig. Ngunit hindi tubig ang nais ng sementadong daan, kundi “dugo”. Dugo ng isang nagliliyab na puso.

Chorus:
Mahirap ang gampanin ng isang nasa kompo. Alam ko dahil makailang beses na rin akong naging kompo (kahit di ako aktibista). Marami na akong nasamahang rally magmula first year pa ako.

Mas gusto kong maging kompo pag nasa mob o rally (salamat sa mga aktibistang pinapayagan akong isama sa kompo kahit hindi ako aktibista totally). Mas masarap kasi ang pakiramdam kapag nasa harapan ka, katapat ang mga pulis. Kahit panay palo, bukol at pasa ang madatnan mo, masarap, dahil mas nakadaragdag ang mga ito sa paghubog ng pananaw ko sa buhay at lipunan.

Ilang oras na rin kaming nakatayo sa ilalim ng tirik ng araw. Natapos na rin ang programa ng mga aktibista. Maswerte nga’t naabot namin ang Mendiola, mas maririnig ng “nakaupong nunal” ang mga sigaw at hinagpis namin.

Hindi kasi kinaya ng mga pulis ang pwersa ng libu-libong kabataang nagkakaisa sa iisang layunin. Edukasyon para sa lahat.

Bawat isa’y may nagliliyab na puso at isa ako sa mga nag-aapoy na lumaban, hindi lang para sa aking Sintang Paaralan, para na rin kina Nanay at Tatay. Siguro’y masaya si Tatay na nakikita niya ang kaniyang panganay na anak bilang isang taong may prinsipyo’t dignidad tulad niya.

Adlib:
Narinig ko ang usapan ng dalawang pulis sa harap ko.

“Sarge, tumatagal na ‘tong mga b’wisit na ‘to dito a! Kailangang kalusin na ‘tong mga ‘to Sarge!” sabi ng pulis na may matabang tiyan.

“‘Wag kang mag-alala. Tuloy ang beerhouse natin mam’ya. Hinihintay lang ang hudyat sa “taas”. Pag dumating ‘yon, alam na’ng gagawin!” nakangising sagot ng kalbong pulis.

Nag-iba ang pakiramdam ko nung sandaling marinig ko ang usapan ng dalawang pulis.

“Mga kasama, tutal at nandito na tayo sa makasaysayang Mendiola. Bakit hindi tayo sama-samang sumugod at pasukin ang palasyo ng tutang rehimen!” patudyong hamon ng isang lider-aktibista.

Alam ko na lalagpas na sa limitasyon ang hamon na iyon ng lider-aktibista. Bawal na. Ngunit ano ba ang limitasyon, ang bawal? Sagad na sa buto ang pagpapabaya ng “nakaupong nunal” sa edukasyon. Sa kabataan. Sa mga mamamayan. Lumala ang kahirapan. Gutom. Krimen. Resulta ng ganid nilang pamumuno. Ngayon, ano ang sinasabi nilang limitasyon, ang bawal? Sila ang nagtatakda ng limitasyon ngunit tayo ang magtatakda ng kasaysayan. Kung ang pagsugod sa Palasyo ang magiging sagot sa bulok na sistema. Bakit hindi?

“Ano mga kasama? Isang hakbang paharap, sabay-sabay!” sigaw pa niya.

Masidhi na ang damdamin ng lahat. Iisa ang iniisip. Humakbang. Lumaban.

Humakbang kami sa kompo.

Nagsihanda ang mga pulis. Transiyon at batuta laban sa nagliliyab na puso ng mga aktibista’t estyudante.

“Isang hakbang pa mga kasama! Isa, dalawa….tatlo! Hakbang mga kasama!” utos uli ng lider-estyudante.

Bago pa man kami humakbang ay sinalubong na kami ng malademonyong palo ng mga pulis. Kapit-bisig kaming mga nasa kompo, tila mga bangkay na manhid sa anumang sakit. Bawat palo ng mga pulis ay katumbas ng sampung hakbang ng aming hanay.

Maya-maya pa’y lumuwang ang hanay ng mga unipormadong pulis.

Trak ng bumbero.

Binomba ng tubig ang hanay ng mga kabataan, ngunit matatag ang kompo. Hindi nagpatinag. Giyera kung giyera ‘ika nga.

Huminto ang pagbomba ng tubig, ngunit hindi nito napatay ang nag-aapoy na puso ng mga aktibista’t estyudante. Nanatiling nakatindig ang kompo. Basang-basa ngunit nag-aalab.

Sandaling katahimikan…

Isang nagngangalit na sigaw ang pumutol sa sandaling kapayapaan.

“Mga kasama, mga kapwa ko estudyante. ‘Yan ang pasismo ng gob…..”

“Bang, bang, bang…..Bang, bang!”

Mga putok ng baril.

Nagpulasan na ang lahat. Sa kanan, sa kaliwa. Palayo sa mga pulis. Palayo sa Mendiola. May tumakbo patungong Legarda, patungong Quiapo, Morayta. May ilang dumapa. Mayroong nagtago sa mga katabing eskwelahan, sa poste, sa kainan. Lahat ay nagulat at nagtaka.

Ang isang simpleng rally ng mga kabataan ay nauwi sa isang giyera, literal na giyera, ngunit pulis lang ang may sandata. Ang pulis at baril ay iisa. Marahas. Pasista.

Nagulat ako sa mga nangyari. Mga sigaw. Putok ng baril. Biglaan lahat. Ang mga bala’y waring isang palaso, pana, may puntirya. May hinahanap. May papatayin. May mamamatay.

Intro:
Tirik ang araw. Ang sementadong daan ay umuusok. Uhaw. Tila isang disyertong sabik sa pagmamahal ng tubig. Ngunit hindi tubig ang nais ng sementadong daan, kundi “dugo”. Dugo ng isang nagliliyab na puso.

Refrain:
Sumakit ang aking ulo. Humapdi. Para akong namanhid. May dumadaloy sa aking ulo. Hinawakan ko. Dugo (paano na sila Nanay?). Nangatog ang tuhod. Bumulagta ako sa sementadong daan. Duguan. Sandali pa’y unti-unti ng lumalabo ang aking paningin. Unti-unting dumidilim hanggang sa tuluyan nang lamunin ang liwanag

“Mga kasama, tulungan niyo ‘ko! Bilisan niyo…. Dalin’ natin siya sa ospital!” sigaw ng isang babae.

Nagsusumamo.

Umiiyak.

Coda:
Napatid ang uhaw ng sementadong daan. Ang kanina’y tila isang disyertong sabik sa tubig ay nagalak. Tumatawa. Humahalakhak. Ang pagmamahal na kanyang hinahanap ay dumating muli. Pula. Dugo. Dugo ng nagliliyab na puso.

magmasid...kumilos...lumaya! -----We do not have to visit a madhouse to find disordered minds; our planet is the mental institution of the universe.----- Johann Wolfgang von Goethe quote

Join the Conversation

7 Comments

Leave a comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.