Isa ako sa mga taong madalas mapuyat dahil sa panonood ng telebisyon. Hindi dahil sa nahihilig ako sa mga teleserye o telebabad, kundi palagian ko lang sinusubaybayan ang mga palabas na sa hatinggabi ko lang maaring mapanood. Ito ay ang mga dokumentaryo — mga palabas na karaniwang isinasahimpapawid tuwing hatinggabi at madaling araw. Mga programang malalimang tumatalakay sa iba’t ibang usapin sa ating lipunan.

Umagaw ng aking pansin ang dokumentaryo ng I-Witness na pinamagatang “Katutubo By Night”. Ito ay dokumentaryong tumatalakay sa kapalaran ng ilang kababaihang Lumad na napilitang lisanin ang kabundukan at talikuran ang nakagisnang kultura upang makipagsapalaran sa mga syudad na kaladasang humahantong sa prostitusyon.

National Comission of Indigenous People

…the term indigenous peoples has been made synonymous to oppression, exploitation, discrimination and poverty. They, whose ancestors were once the proud rulers of this land, are now the scum of the earth, the so-called poorest of the poor in the Philippines.

Lumad ang tawag sa mga katutubong naninirahan sa bahagi ng Mindanao. Kinabibilangan ito ng mga kilalang tribo gaya ng B’laan, Manobo, Subanen, Higaonon, Kalagan, Kamayo, Mamanwa, Mandaya, Mansaka, Sangil, Subanon, Tagabawa, Tasaday, T’boli at iba pa. Hindi na binanggit sa programa kung saang tribo kabilang ang mga nabanggit na kababaihang ang ilan ay pawang mga menor de edad. Para kasi sa mga Lumad, higit pa sa anumang uri ng ginto o kayaman ang kanilang dangal. Kaya ang usapin ng prostitusyon para sa kanila ay isang usaping napakasensitibo.

May mga batas na nangangalaga at kumikilala sa karapatan ng mga katutubo. Isa na rito ang Republic Act 8371 o mas kilala sa tawag na Indigenous Peoples Right Act of 1997: “An Act To Recognize, Protect And Promote The Rights Of Indigenous Cultural Communities/ Indigenous Peoples, Creating A National Commission On Indigenous Peoples, Establishing Implementing Mechanisms, Appropriating Funds Therefore, And For Other Purposes”. Nakasaad sa batas na ito ang karapatan ng bawat katutubo at ang tungkulin ng gobyerno para sa kanila.

Kung ating babasaihin, malinaw na dapat ay kilalanin ng ating pamahalaan ang kanilang karapatan, igalang ang kanilang paniniwala, kilalanin ang kanilang sinaunang paraan ng pamamahala sa sarili, pangalagaan ang kanilang kabuhayan at lupain laban sa anumang uri pangangamkam, tulungang mapaunlad ang kanilang kultura at bigyan ng wastong kaalaman ukol sa kanilang karapatan. Ngunit gaya ng marami sa ating batas, nanatiling sa papel lang ang karamihan.

Tulad na lang ng batas laban sa child labor at prostitusyon, isa ang Pilipinas sa nanguna sa pagpapasa ng maituturing na “hallmark” na batas sa Asya, pero sa kabila ng pangununa natin na pagpapatupad ng mga batas na ‘to, nanatili pa rin tayong pugad ng prostitusyon. Karamihan sa ating mga kabataan ay patuloy pa rin sa nagbabanat ng buto sa kabila ng kanilang mga murang gulang. At nanatili pa rin tayong numero uno sa paglabag sa pantaong karapatan.

Hanggang kailan magtitiis ang mga kababayan nating katutubo sa mga pang-aabuso ng ilan nating kababayan? Hanggang kailan sila maghihintay na ang mga batas na mangangalaga sa kanilang karapatan ay maipatupad na nang lubusan? Hanggang kailan tayo magbubulag-bulagan sa diskriminasyong kanilang sinasapit sa kamay ng ilan nating mga kababayan? Alalahanin sana natin na sila, gaya natin, ay Pilipino rin: Ang lahing unang dinatnan ng mga dayuhan dito sa ating bayan at ang lahing ating pinagmulan.

***

Narito ang ilang bahagi ng Dokumentaryong Katutubo by Night:


For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV

Rodel Mayores

Si Rodel Mayores ay blogger sa Tech Corner at RodelMayores.com.

Join the Conversation

2 Comments

  1. napakaganda ng iyong pagkakalathala at nakakapukaw ng kamalayan upang muling alalahanin ang ating nakaraan at salaminin ang kalagayan ng ating mga katutubong pinagmulan..marahil hindi na talaga sinsero ang ating Gobyerno upang ipagtanggol ang dangal at karapatan ng ating mga katutubo na tinitingnan Low class citizen. nakakalungkot isipin na ganito na tayo…salamat sa lathalang ito at inadopt ko ito..thanks

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.