“Sumainyo ang kapayapaan.”

Nasaan na ang kapayapaang ito? Tao, pagmasdan mo ang mundong iyong ginagalawan. Hindi ba nagdurugo ang iyong puso? O sadyang manhid na at nagmistulang isang bato? Tanawin mo ang buong paligid. Kahit isang saglit huwag mong ipipikit ang iyong mga mata. Hayaan mong bumuhos ang luha at manlumo sa nakikita.

Sa isang tahimik na pamumuhay ay biglang nagulantang sa mga kahindik-hindik na kaganapan. Kumakabog ang dibdib. Nabibingi sa ingay ng karahasan. Ang buhay ay binibigyan na lamang ng kaunting pagpapahalaga at ang moralidad na kaugnay nito. Anay na sumisira sa kapayapaan ng lipunan ang kriminalidad sanhi ng makamundong pagnanasa, kahirapan at kasakiman. Ngayon, may ligtas pa bang lugar?

Mabilis na umuusbong sa bayan at kabuuan ng daigdig ang maitim na binhi ng terorismo. Kapatid sa kapatid. Lahi laban sa ibang lahi. Karahasan laban sa karahasan? Isang kasinungalingan! Ang digmaang dulot ng matinding alitan ng tao sa kapwa niya tao ay siyang tunay na kumikitil sa diwa ng kapayapaan. Inihahasik ng kasakiman ang lagim sa sandaigdigan. Kaawa-awa ang mga walang muwang at batang biktima ng kaguluhan. Nababahiran na ng dumi ang kanilang malinis na pananaw sa buhay. Kasamang lumalabo ang kanilang mga pangarap sa kinabukasan sapagkat tuluyan nang tinatahak ng kadiliman. Kahabag-habag ang bawat pamayanan at mga bansang binubuwag ng paghihikahos hatid ng digmaan. Bukod sa pagkawasak ng mga ari-arian tulad ng mga bahay at gusali, patuloy pa rin ang pagbagsak ng ekonomiya na nagiging sanhi ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin tulad ng langis, bigas, at mga pangunahing pangangailangan na nagdudulot naman ng malawakang kagutuman, pagkakasakit, at kamatayan. Idagdag pa ang pagkalumot ng turismo sa maraming mga bansa. Aminin nating nagdurusa ang lahat ng bansa dahil sa pagdanak ng dugo. Sapagkat ang dugo kailanman ay hindi mahuhugasan ang kapwa niya dugo.

Dumaan na ang una at ikalawang digmaang pandaigdig. Itinitik na sa dahon ng kasaysayan ang naging sanhi at bunga nito. Hindi pa ba tayo natututo? Sa digmaan, walang panalo. Lahat ay talo!

Ang digmaang iyan ay gawa lamang ng mga kayabangan at kahambugan. Walang mabuting idinudulot. Mahilig magmalaki sa Maykapal. Sarili lamang ang iniisip. Huwag tayong magtaka kung gumising tayo isang araw na pulos bangkay at abo na lamang ang masisilayan sa daigdig. Hindi ba’t iniisip pa lamang natin ay nakapaninindig-balahibo na?

Sa kalangitan ay may liwanag pang sisinag. Sa bawat gabi ay may kasunod na umaga. Sa bawat kadiliman ay may kandilang masisindihan upang masilayan ang pag-asa. Ang pag-asa ay nasa pag-ibig. Ang pag-ibig ay kapayapaan. Kung ang bawat nilalang ay mabubuhay sa mundo ng pag-ibig, ang daigdig na ito’y magiging pugad ng kapayapaan. Walang puwang ang alitan. Walang panahong magtagisan ng lakas. Sa halip ay naghahari ang pagkakaunawaan, pagkakaisa, at pagmamahalan.

Diyos lamang ang makapagbibigay ng kapayapaan sa pamamagitan ng pag-ibig ng tao sa kapwa niya tao. Manalangin tayo. Buksan ang ating puso. Isipin natin ang kinabukasan. Magtanim ng pag-ibig at aani ng kapayapaan.

“Mapalad ang mga mapagpayapa ‘pagkat tatawagin silang mga anak ng Diyos.” (Mateo 5:9)

(Oktubre 20, 2001 at Nobyembre 28, 2004)

Herwin Cabasal

Join the Conversation

1 Comment

Leave a comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.