Kung wari’y nag-iisa ka pagtataguyod ng inaakala mong tama, dapat ka bang sumuko? O dapat ka bang mas magpursigi sa pagsusulong ng iyong minimithi?

Sa gitna ng trapik noong isang gabi, nagkakuwentuhan kami ng driver ng sinakyan kong taxi. Napag-usapan namin kung ano kaya ang solusyon upang lumuwag ang EDSA at mga kalsada sa Kamaynilaan. Isa sa mga panukalang naisip niya ay ang pagbabawal sa pagpaparada ng mga sasakyan sa mga kalsada, na sinang-ayunan ko naman.

Nabanggit ko naman na kung isasaalang-alang ng bawat isa ang kapakanan ng iba pang nasa kalsada, siguro’y mababawasan din ang problema sa trapiko. Kung iisipin, halimbawa, ng mga tsuper ng bus na kailangan ding makakuha ng pasahero ang iba pang driver, iiwasan nilang bumalandra sa kalsada at di tatambay ng higit sa itinakdang sandali ng pagsasakay at pagbababa. Kung disiplinado ang bawat isa kahit walang nakakakita, baka sakaling lumuwag ang EDSA.

Pero ani Manong, walang gagawa ng ganoon. Imposible aniyang sumunod ang iba. Gawin mo man ang tama, mag-iisa ka lang. Tanging ang mahigpit pagpapatupad ng batas at pagdidisiplina lang daw ang tamang solusyon sa mga problemang ito.

May punto rin siya. May katigasan nga ang ulo nating mga Pinoy. Sa The Fort Bus nga, asar na asar ako sa mga taong ayaw umusog sa loob kahit nakikita nilang nagsisiksikan na ang mga tao sa may pintuan ng bus at mahaba pa ang pila sa labas.

Napapaisip tuloy ako: di ba talaga maaaring magmula ang pagbabago sa ating sarili? Kailangan pa ba nating hintaying pangunahan tayo ng mga maykapangyarihan bago gawin ang nararapat nating gawin?

Mas praktikal bang if you can’t beat them, join them na lang? Susuko na lang ba tayo at makikisabay sa agos? Sa pagpapatuloy ng biyahe namin sa taxi, inulit-ulit pa ni Manong ang kanyang mga punto, na para bang kahangalang simulan ang disiplina sa sarili.

Di na ako umimik. Sumuko na ako. Tumahimik na lang ako hanggang sa makarating kami sa bahay. Pero di iyon nangangahulugang nabago niya ang paniniwala ko.

Ederic Penaflor Eder

Si Ederic, 40, ay founding editor ng Tinig.com. Ipinanganak sa Batangas at lumaki sa Marinduque, nagtapos siya ng peryodismo sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman noong 1999. Mababasa rin ang kanyang mga...

Leave a comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.