Nagngingitngit na naman ako sa galit. Matagal-tagal na rin mula noong nagkaganito ako. Subalit may mga bagay na hindi ko mapapalampas. Hayaan mong magkwento ako.

Noong isang araw, naglalakad ako sa kahabaan ng Ortigas. Para sa mga hindi nakaaalam, ang Ortigas ay isa sa mga pangunahing tipunan ng mga bata-batang propesyunal o yuppies. Ngayong bahagi na ako ng mundong yaon, hindi ko maiwasang manibago.

Balik tayo sa kwento.

Habang naglalakad ako, may nakasabay akong isang grupong marahil ay patungo rin sa kanilang tanggapan. Malakas ang pagtatalastasan nila. Hindi ko naman sinasadyang makinig sa usapan nila. Pero talagang may kalakasan kaya nakinig ako. Naghihimutok ang isa dahil luma na ang kanyang cellphone at mahal masyado ang gusto niyang modelo. Natural lang na tumaas ang kilay ko. Sa dami ng suliranin ng lipunan natin, cellphone ang problema ng katabi ko. Hindi man lang siya nanakawan. Luma lang kasi, kaya halos maiyak na siya.

Pero hindi pa diyan nagtatapos at hindi yaon ang dahilan ng init ng ulo ko.

Matapos nilang mapag-usapan ang mga mamahaling cell phone (yung tipong pwede nang bumuhay sa isang maliit na pamilya nang ilang buwan), pinag-usapan nila ang krisis sa bansa natin. Kung gaano sila kasaya at hindi sila kasali dahil may mga magagandang trabaho sila. Pinag-usapan nila kung gaano kasarap mag-ubos ng pera sa Megamall at magpakalasing sa Embassy.

Ayon sa mga kasabay ko, mahirap ang mga mahihirap dahil hindi sila nagsisikap. Kung sana raw nagsisikap lahat ng Pilipino, walang maghihirap.

Sa sistema ng lipunan nating mala-kolonyal at mala-pyudal, walang pag-asang umasenso; kahit maging masipag ka pa. Patuloy tayong inaalipin ng imperyalistang Estados Unidos, patuloy na yinuyurakan ang ating mga karapatan ng isang pasista at diktador na estado. Sa ganitong siste, hindi kasalanan ng mahihirap ang kahirapan nila. Isang kundisyon ang kahirapang inilapat sa milyun-milyon nating mga kababayan.

Sa pagliko ko sa kahabaan ng Emerald, narinig ko silang nag-uusap pa rin. Wala raw silang pakialam sa krisis hangga’t hindi sila apektado.

Ito ang sagot ko sa kanila: ang pagiging walang pakialam — lalo na ang pagyayabang sa pagwawalang bahala sa paghihirap ng kapwa mo Pilipino — nagpapakita lang ng kahinaan ng iyong loob at higit sa lahat, ng kahinaan ng iyong utak. Sa English — sakaling hindi kayanin ng mga utak nila ang Filipino ko: Apathy is tantamount to stupidity.

Tish Martinez

Atenista. Kwentista. Makata. Manunulat. Aktibista.

Join the Conversation

5 Comments

  1. nakakatuwa’ ayuko namang umiyak… sayang at di nila alam na walang kabuluhan lahat nang anomang bagay dito sa ibabaw nang mundo, mayroon akong narinig, na ang mga bagay na nakikita mo ay pasisimulan nang kasalanan, hehehe at ang lahat nang di mo nakikita e walang hangganan, e anoman.. kase nga po nasa pagiging tao na natin ang mapagsamantala, mapagmataas at pagiging mayabang.. ehemm’ lumalalim yata, e hindi ba nakikita na natin yan sa loob palang nang pamilya natin, kung sino ang nakakapaglapag nang pagkain sa mesa at may pera sa bulsa e sya ang boss, hanggang sa sumiksik na sa isip mo na kailangan di ka papaapi, e yun ang totoo ang mundo mong ginagalawan ay isang sistemang ang naghahari ay ang malakas at ang mahina ang syang api.. hanggang sa mag talo talo na tayo… bumabaw namang bigla, di ba? noong una paman may mga batas na dapat sundin may mga utos na dapat gawin, nakalimutan nang lahat.. kase masyado na tayong nagpatali sa hightech, bakit di mo subukang wala lahat nang ito… opps sandali mag logout muna ako.. peace yo”

  2. Ngayon ko lamang natagpuan ang website na ito, ngunit ‘di mapigilang sumangayon sa iyong isinulat. Nakakapanggigil talaga ang takbo ng utak ng mga “sheeple” na nalilibang sa senseless nilang consumer lifestyle.

  3. .. Tama – mali ngang mamanhid sa iyak ng lipunan dahil hindi ka tinamaan ng rayuma nito. Pangit naman kung ikaw na hindi kuno nakararamdam ng sakit ang maging ala-albularyo o Dr. KwakKwak sa pagreseta ng Flanax. Para mas madali, mahirap magkumento kung hindi mo alam kung anong meron o wala. Kung walang pagdanas, hindi ka kailanman magiging karapat-dapat na magsalita.

    .. Baka sabihin niyo, hindi ako karapat-dapat sa mga pinagsasasabi ko. Ayos lang. Tama nang muntik na kong makipag-away sa isang call center agent nang halos sipain niya iyong batang pulubing nanghihingi ng pambili ng kanin. PNI… ika nga ni BobOng. Pwede naman niyang sabihin – “Sorry. I don’t have extra money e. Sa 15 pa yung suweldo. Kembot lang itong porma ko!”

    .. Kaya nga kahit pagtinginan ako ng mga tao sa iHooked. Kiyeme lang. Holding hands pa nga kami sa pagpasok saka pagbili niya ng hapunan. PNI babae ulit iyon. 12 pesos lang hindi pa maipaubaya. Sabi ko dun sa bata… “Ikaw naman kasi, wag lalapit sa mga mukhang puro kolorete.” Sa isip ko, kung pwede lang idagdag — kung gaano tinadtad ng tigidig ang mukha niyan kaya ganyan kakapal iyong concealer… ganoon din kung makasulasok ang pagkatao niyan. Hindi nakatanim ang pundasyon. Kumbaga sa mangga, hindi hinyaang mahinog ng kusa sa agkakatanim. Binuro na lang. Sa kasamaang palad, pilit pa!

    .. Hindi ko rin talaga basta nakikita ang Pilipinas bilang lipunang napangungunahan ng Kanong siste. Bagkus, nakamulatan ko ito at ang karamihan ng mga Juan dela Cruz bilang maruming pulitiko aka PULPOL. Hindi lang sa gobyerno, umiiral ang pulitikang walang kuwenta. Kahit saan, tulad na lang nung ipokritang hindi marunong lumingon sa kapos. Pero wag ka, pag short na short na iyan. ” Dude, pautang naman… wala na talaga akong malapitan e.” Haha!

    .. Minsan kahit saan, umiiral ang sagradong Itim na Pulitika. Sa mga bata pa lang, sige utusan mong bilhan ka ng suka… pag tinatamad, anong sasabihin sa iyo? ” Ang siste e…” In short, lagay muna bago sumunod. Parang mga kawani at kawani-kawanian lang ng LTO, bago ka makakuha ng lisensya… “ang lagay e…”

    .. Haay. Kung lalahatin natin, siguro itong reply ko, mga sampung taon bago matapos. Tama na siguro ito, para naman iyong mga tatamaan e makakilos agad. Para hindi naman sayang… kasi minsan ang hirap magsalita pag walang nakikiig. Mahirap magsulat pag walang pupuna.

    .. Higit sa lahat, mahirap umunlad kapag karamihan e wala nang pakialam.

  4. But, realistically speaking, you cannot expect everyone to think as you do. Certainly in a free state (this is of course rather vague, but let us assume by ‘free’ we mean being able to do what one wants as long as it does not transgress other people’s rights) one has the right to be stupid. These people may know their usual duties as citizens, i.e. vote, follow traffic rules, not steal, etc. but cannot be bothered about other issues despite what you may say about ideal citizenship. After all, looking at this country’s civic education, it is partly not their fault.
    And I do not mean to imply anything by writing in English. I am Pinoy but English is my first language and (this you may find unfortunate) has always been the language of my education. Please do not abhor me. You must know that unfortunately the human brain finds it difficult to learn a language late in life unless one is a linguistic genius. I can understand Filipino, of course, but my mind works slowly. I considered answering in Filipino, but I may not put it correctly and you may abhor me all the more.

Leave a comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.