Rodel Mayores

Ang katatapos na halalan ay isa sa pinakamalalaking reporma sa ating sistemang elektoral. Hudyat ito ng pagtalikod natin sa manu-manong uri ng pagboto at usad-pagong na bilangan. Umukit din sa kasaysayan ang Pilipinas bilang kauna-unahang bansa sa Timog Silangang Asya na nagsagawa ng automated elections.

Sa binagong sistema, ultimong pagboto natin ng mga kandidato ay naiba, at ganun din rin ang paraan ng pagbibilang sa mga ito. Ngunit sa daming nabago sa sistema ng halalan, tila may katanungan pa ring di masasagot sa kasalukuyan: Tunay nga bang may nagbago?

Ang aalis na lider ng ating bansa at ang papalit sa kanya ay parehong anak ng mga nagdaang pangulo. Ang ilang kilalang lugar sa bansa gaya ng Makati, Davao, Cebu, Isabela, Bataan at iba pang lugar ay di nalalayo sa kasalukuyang kapalaran ng Malakanyang na tila ba ang panunungkulan sa gobyerno ay isang uri ng kayamanang naipapasa sa mga anak at sa kaapu-apuhan. Ang tanong tuloy ng ilan ay kung wala na bang ibang maaring pumalit sa kanila.

Nananatiling talamak ang bilihan ng boto sa ilang lugar sa ating bansa. Tila walang pakialam ang ilang tauhan ng mga pulitiko kahit pa napapanood sila ng sambayanang Pilipino sa telebisyon habang pasimpleng isinasagawa ang bilihan at abutan ng pera sa ilang botanteng ipinagpapalit ang kinabukasan ng kanilang bayan sa ilang daang piso.

Sa kabila ng pinaiiral na gun ban ng Comelec, nakita pa rin natin sa telebisyon ang aktuwal na kuha ng isang mamamahayag sa isang parte ng Mindanao kung saan nakunan ang tauhan ng isang pulitiko na may bitbit na matataas na kalibre ng baril at pilit na ginugulo ang isinasagawang eleksyon. Idagdag mo na rin ang gulo at tensyong idinulot ng mga pumalpak na program ng counting machines at ang problema sa signal sa pagta-transmit ng mga resulta ng botohan.

Sa pangkalahatan, masasabing tagumpay at mapayapa ang nakaraang halalan. Pawang mga isolated cases daw, ayon sa kinauukulan, ang ilang insidente ng karahasan na nasaksihan sa telebisyon. Ngunit sa bandang huli, hindi natin masasabing maaasahan tayong pagbabago lalo na kung ang mga nanalong kandidato ay mga lumang personalidad na matagal nang namamayagpag sa kapangyarihan — mga lumang pulitiko sa bagong sistema ng halalan.

Kung tayo’y naghahangad ng totoong pagbabago sa sistema ng ating pamahalaan, simulan nating baguhin ang pamantayan sa ating pagpili ng mga kandidato. Simulan nating bomoto nang matalino, nang naayon sa plataporma ng kandidato at hindi nang dahil sa kasikatan niya, hindi rin dahil sa tunog ng apelyido, at lalong hindi dahil anak siya ng isang matagumpay na politiko.Rodel

Si Rodel Mayores ay blogger sa Tech Corner at RodelMayores.com.

Leave a comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.