Ito na marahil ang isa sa pinakamasakit na salitang ating maririnig subalit may mga pagkakataong kailangang harapin at tanggapin.
Hangga’t maaari ayaw natin marinig ang katagang ito lalo na kung magmumula sa ating mga minamahal.
Ang kahulugan kasi nito’y paglisan. At walang katiyakan kung kayo’y magkikita pang muli.
Subalit sa lahat ng uri ng pamamaalam, hindi maiiwasan ang paglisan ng bawat taon sa ating buhay. Walang kalendaryo sa mundo ang nananatili.
Kaya naman sa pagpasok ng bagong taon, tayong lahat ay magpapaalam na sa 2010. At katulad ng pagdaan ng maraming mga taon sa ating mga buhay, babaunin na lamang natin ang kanyang magagandang alaala lalo na ang mga bagay na ating natutunan sa mga karanasang iyon.
“Goodbye 2010, Hello 2011!”
Sa pagsalubong ng bagong taon, bilangin muna natin ang mga biyayang natanggap para sa ating mga sarili, sa ating mga pamilya, relasyon, kalusugan, at trabaho nitong nakalipas na labindalawang buwan. Magpasalamat sa Diyos na naging sandigan sa buong taong iyon.
“Count your blessings!”
At kung may mga bagay man sa nakaraang taon na dapat magpaalam na sa atin ay ang mga masasamang ugaling taglay. Hayaan na natin itong lumisan sa ating mga sarili. At sa bagong taon, subukang yakapin ang mas mabuting pagkatao.
Dalangin ko ngayong bagong taon, bukod sa mabuting kalusugan ng aking pamilya at asensadong hanapbuhay, nawa’y patuloy Niyang imulat ang kaisipan at diwa ng mga kabataan sa bansang ito upang makita ang katotohanan sa kanyang paligid. At anuman ang kanyang makita, tanggapin ito at matutunang magtanim ng kahit kaunting pagbabago sa pamamagitan ng pagbibinhi ng mabuting pangarap para sa ikauunlad ng sarili at sariling bayan.
Huwag tayong mapagod sa pagbibilang ng mga biyaya ng Diyos sa atin dahil tiyak ko, mas siksik, mas liglig, at mas umaapaw pa ang dadalhin ng bagong taon sa ating buhay kung dadagdagan din natin ng “mas” masipag na pagkayod at “mas” determinadong pag-abot ng mga pangarap.
Maligayang bagong taon mga ka-Tinig!
manigong bagong taon, Herwin! Tama ka, hindi tayo dapat mapagod sa pagbibilang ng mga biyaya ng Diyos sa atin :)
Maraming Salamat :-D