Karugtong na ng buhay ang Internet. Halos lahat na ay nasa Internet. Makakabili ka nga ng kaluluwa hanggang longganisa sa Internet. Ang live na awayan sa pulitika at buhay ay makikita rin, libre!
Kamakailan lamang, habang umiinit ang labanan sa eleksyon umiinit din ang mapupulang labanan sa media at sa internet. Ang mga karakter ay si Gloria Arroyo at kanyang mga alipores laban sa mga pulahan. Kahit pa bumabandera at pangiti-ngiti na may kasamang mga bata si Arroyo sa mainstream media, hindi rin pahuhuli ang mga pulahan.
Isang halimbawa dito si Satur Ocampo, ng Bayan Muna. Napapaligiran na ng kalaban pero lumabas pa rin sa YouTube website (http://www.youtube.com/bayanmunadotnet) upang
kundinahin si Gloria Arroyo sa panggigipit sa kanya at mga kaalyadong organisasyon katulad ng Gabriela, Anakpawis, Kabataan, at Suara Bangsamoro.
Tinapat pa ang pagpapalabas ng YouTube video ni Ocampo sa internet nang magkaroon ng imbestigasyon sa US Congress ng mga extra-judicial killings ng mga mamamahayag at mga aktibista. Sobra na sa 18,000 ang bumisita sa YouTube site na ito ng Bayan Muna at Ocampo. Para nga itong hotcake sa YouTube site. Nakikikarera sa bilang ng site visit sa YouTube video ni Hilary Clinton.
Nabunyag din sa mga pahayagan na hinuhukay din pala ng militar ang website ng mga underground organization at binibigyan ng kumentaryo.
Kalimitan ay negatibong kumentaryo. Isa dito ang website ni Joma Sison (www.josemariasison.org). Nakita dito ng militar na nakikipagsayaw si Joma, founding chairman ng Communist Party of the Philippines (CPP), kay Ara Mina—na kita ang bahagi ng cleavage. “Nagpapakasarap si Joma sa Europa,” sabi ng militar. “Hindi ako ang host, inimbitahan lang ako ng mga Pilipino para makipag-Christmas party sa kanila,” sabi naman ni Joma. Muntik pang magpasalamat si Joma sa kaaway dahil sa biglang pagtaas ng mga bisita sa website niya.
Habang naka-red alert naman ang mga pulis at bawal ang bakasyon dahil sa ika-38 anibersaryo ng New People’s Army (NPA), pagod naman ang mga namundok sa kaka-upload ng kanilang video sa YouTube. Hindi lang sila nakikipagbarilan, gumagawa rin sila ng mga maikling dokumentaryong pelikula at MTV. Ang ilang mga naupload ay may mga pamagat na PANAGHOY (http://www.youtube.com/watch?v=oI4sSRhCWvQ), PAGBATI (http://www.youtube.com/watch?v=Bw-qG4FWZe8), BIGWAS
(http://www.youtube.com/watch?v=wdxXwKqcKEk).
Sa Bigwas, may mga pahayag ang tagapagsalita ng Bicol na si Greg Bañares. Sorry na lang sa military intelligence, hindi nagpakita ng mukha si Greg. Hindi katulad ng ilang regional spokesperson ng underground movement na nasa Bigwas, kitang-kitang ang mga pagmumukha.
Makikita na nang live, sa tunay na buhay ang mga sagutan ng nag-uumpugang bato sa lipunan dahil na rin sa Internet. Lamang sa pampulitikang labanang ito si Gloria at kanyang mga heneral dahil madali silang makapasok sa mainstream media. Kahit ganoon, gagawa at gagawa ng paraan ang katunggali upang marinig naman ang kanilang panig na hindi nase-censor.
Tayo namang sambayanang nasanay sa bahay ni Big Brother at bus na may hostage-taker, mag-enjoy na lang muna tayo sa kanilang mga away na para lang nanonood ng libreng sine. Kaiba News and Features