“Si Rizal ay hindi lamang ang pinakatanyag na tao ng kanyang sariling bayan, kundi siya ang pinakadakilang taong nilikha ng lahing Malayo.”

Ang Perlas ng Silangan ay nakapaghubog ng isang mahalagang ginto sa dahon ng kanyang makabuluhang kasaysayan na nagsabog ng maliksing liwanag sa kahapon, nagniningas sa kasalukuyan, at patuloy na maglalagablab sa kinabukasan ng sambayanang Pilipino.

Si Jose Rizal ang gintong iniukit sa mukha ng isang perlas.

Sa maikling sandali ng kanyang pamumuhay ay habambuhay namang nakaukit sa puso ng bawat Pilipino ang buhay na kanyang inalay para sa pangarap na pagbanaag sa bukang-liwayway ng kanyang tinubuang lupa na sa mga panahong yaon ay binabalot ng madilim na ulap sa kamay ng mga mapaniil, mapang-api, at manlulupig.

Mula sa kanyang pagkabata ay namalas na ang ginintuang puso na inihandog niya sa kanyang pamilya at mga kababayan. Nasaksihan din sa kanyang pag-aaral ang pagtuklas at pag-angkin ng karunungan sa sining, panitikan, at agham. At sa bawat hakbang ng kanyang paa sa mga paglalakbay at pakikipagsapalaran sa malalayong lupain ay nag-iwan ng malinaw na mga bakas. Hanggang sa kanyang maginoong pagtindig sa gitna ng malawak na damuhan ay hinarap ang matamis na kamatayan dulot ng dalisay na pag-ibig sa Lupang Hinirang.

Sa pagkatao ni Rizal, masusumpungan ang totoong katauhan ng isang tunay na Pilipino. Ang pananaw sa buhay ay hinahabi mula sa bawat hibla ng mabuting dangal ng talino, baon ang busilak na damdamin dulot ng pagmamahal sa Diyos at sa kapwa. Kumikilos sa ngalan ng kanyang tungkulin at kapakinabangan bilang tao sa ilalim ng kanyang kakayahan, katapatan, at kaluwalhatian.

Si Rizal ang huwaran ng mga huwaran. Bayani ng mga bayani. Dakilang Pilipino. Ibinuhos ang kanyang dugo sa sariling lupa upang magbinhi ng pag-asang hitik sa gintong perlas habang dinidiligan ng kanyang luha’t pawis at sinisinagan ng mainit niyang pagkalinga. Lumago ang katotohanan; namulaklak ng katapangan; at hanggang sa nagbunga ng kalayaan.

Hiniwa ng talim ng kanyang panulat na hinasa ng paninindigan ang makapal na balat ng mga mapagkunwari at manlilinlang. Hinawi niya ang belo ng relihiyon, na ang kabanalan ay nilapastangan ng mga bundat, upang tuluyan nang makita at maisabuhay ang tunay na turo ni Kristo. Inilantad ang kabulukan ng pulitika at sosyo-ekonomiko ng kanyang lipunan. Ginulantang ang nahihimbing na diwa ng bayan upang gumising sa gitna ng mahabang bangungot. Inihain ang tanggulan laban sa di-makatarungang pagkilala sa mga katutubo. Ipinakita rin naman niya ang ating mga kapintasan at kamalian na nagpalala sa sakit ng bayan at saka nilapatan ng mabisang lunas.

Nanatiling bukas ang kanyang mga tainga upang marinig ang bawat pagtangis at paghagulgol ng kanyang mga kababayan habang nanatiling mulat ang mga mata sa kalupitan at kahirapang laganap noon sa lipunan. Subalit hindi siya nanatiling nakikinig at nagmamasid lamang bagkus ay tuminag siya’t buong lakas na kinalag ang tanikalang gumagapos sa puso at diwa ng bayan.

Nakatatak na nga sa kasaysayan ng Pilipinas ang pangalang Rizal na lalo pang pinatamis ng mga makabayan. Napadpad na ang kanyang abo sa mga kapatagan, kabundukan, at karagatan ng iba’t ibang lupain sa mundo. At naitayo na nga ang kanyang matatag na bantayog upang saluduhan nang buong tikas.

Subalit sa makabagong panahon ay nanaisin niyang bumangon mula sa pagkakahimlay upang patuloy na hanapin ang “pag-asa ng bayan”.

“Nasaan ang kabataan na maghahandog ng kanilang ginintuang panahon, kanilang pangarap, kanilang sigla para sa kapakanan ng kanilang katutubong lupain? Nasaan ang kabataan na buong pusong mag-aalay ng dugo para mahugasan ang labis-labis na kahihiyan, labis-labis na pagkakasala, labis-labis na kasuklam-suklam na gawain?”

Ikaw, kabataan, ang natatanging gintong perlas ng panahon katulad ng iyong Lolo Pepe. Halina at hinihintay kayo ng Inang Bayan upang magbinhi, lumago, mamulaklak, at magbunga!

(Disyembre 27-29 2004)

Herwin Cabasal

Join the Conversation

2 Comments

  1. EDUKASYON ANG SAGOT SAPAGKAT ANG MARAMING KABATAAN ANG HINDI EDUKADO KAYA NALULONG SA DRUGA AT DI KANAISNAIS NA MGA GAWAIN……..KUNG MAY EDUKASYON NA TURO RIN N RIZAL AY MARAHIL MAIINTINDIHAN NG KABATAAN ANG IBIG IPAHIWATIG NG ARTIKULONG ITO.PUSO NILA’Y MATITINAG NGUNIT HNDI NLA GUSTO ITONG BASAHIN KC DROGA ANG INAATUPAG IMBIS N MG-ARAL AT MALAMAN NA ANG KABATAAN ANG PAG-ASA AT LUNAS SA SAKIT SA LUMALAGANAP SA ATING BANSA AT MAGING SA ATING MUNDO

  2. EDUKASYON ANG SAGOT SAPAGKAT ANG MARAMING KABATAAN AY HINDI EDUKADO KAYA NALULONG SA DROGA AT DI KANAISNAIS NA MGA GAWAIN……..KUNG MAY EDUKASYON NA BINIGYANG DIIN RIN N RIZAL AY MARAHIL MAIINTINDIHAN NG KABATAAN ANG IBIG IPAHIWATIG NG ARTIKULONG ITO.PUSO NILA’Y MATITINAG SANA MALABO SA KADAHILNANG HNDI NLA GUSTO ITONG BASAHIN KC DROGA ANG INAATUPAG IMBIS N MG-ARAL AT MALAMAN NA ANG KABATAAN ANG PAG-ASA AT LUNAS SA SAKIT SA LUMALAGANAP SA ATING BANSA AT MAGING SA ATING MUNDO

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.