MATAPOS kong iluto ang tatlo’t kalahating pirasong galunggong (mackerel scud) na linahukan ko ng tinatadtad na kamatis at itlog, at matapos kong iinit ang natirang sinabawang gulay na sari-sari (talong, okra, kalabasa, sitaw at kakaririt o kakaunting ampalaya), hinarap ko na ang personal computer (PC) ko para isulat ang blog na ito.

Galunggong: ang tinagurian noong pambansang isda sa panahon ni dating pangulong Corazon C. Aquino dahil ito lamang ang kayang bilhin ng maralita, bukod pa sa dilis at ibang lamang-dagat. Ngunit ngayon, hindi na rin ito mabili ng mga maralita dahil umaabot na ng P100 – 120 kada kilo ang isdang ito.

Bagaman mayroong naunang sanaysay na dapat sanang tapusin hinggil sa mangyayaring kapistahan ng mga timang sa Lunes, Mayo 10 — naisip kong makisawsaw na rin sa isyung masasabi nating pambayan, kahit pa pagtaasan tayo ng kilay ng ilang kakilala at katungayaw sa mundo ng panitikan at maging ng pagbabalita.

***

MATAGAL-TAGAL na rin akong hindi nagsusulat ng hinggil sa magulo at makulay na mundo ng showbiz. Batu-bato sa langit, ang tamaan ay huwag magalit.

Ang huling pagsusulat ko hinggil sa showbiz ay nang bigyan ako ng katotong Julianito “Boy” Villegas Villasanta, na nakagiliwan na nating tawaging Mama Boy, ay noong panahong mayroon pang pang-Maynilang edisyon ng Punto!, isang arawang tabloid sa Filipino na inililimbag noon ng Johannan Publishing.

Masaklap na masarap ang naging karanasan ko sa publikasyon/peryodikong iyon. Matapos na mabasa at mabayaran ang ilang isinulat na pitak ( ilan sa mga isinulat natin, makikita sa lumang blog na ito na Direct to the Point), ay tinakbuhan na kami ng publisador matapos na maunsiyami ang kaniyang ambisyong pampulitika.

Kasama ng kaniyang pagkabigo, ang pagkabigo rin naming masingil ang disin sana’y libu-libo rin namang piso na bayad sa aming pinag-isipan at pinagpagurang mga pitak.

Gayunman, nang makahuntahan natin ang manunulat, makata at patnugot din na si William Rodriguez II, naibalita niya sa aming nabayaran daw kami ng pulitiko ngunit hindi naman sumayad sa aming mga palad ni isang sentimo ng perang ibinigay sa katiwalang naiwan dito sa Maynila.

Karma-karma lang ‘yan. Bahala na sa kaniya ang Ama nating nasa Langit! Santisima Trinidad, oo! Hesus, Maria y Hosep!

***

NITONG nakaraang araw, nagbubusa ang game show host at aktor na si Willie Revillame. Ang rason: ang maaanghang na pasaring sa kaniya ng dzMM entertainment commentator at The Buzz co-host na si Jobert Sucaldito.

***

HINDI nating maiwasang mabanggit na bago naging tanyag na brodkaster, unang tumampok ang pangalan ni Jobert dahil sa kontrbersiyal na video ni Jojo Veloso na nagpapakita na “nilalaro” niya ang ari ng isang modelong lalaki na kalaunan, malalaman ng publiko na si Hans Montenegro.

Ang iskandalong ito ang nagbigay-daan kay Jobert para tuluyang makapasok, wika nga, sa mundo ng showbiz at kilalanin bilang isa sa pinakamahuhusay na showbiz scribe sa bansa.

***

KUNG tutuusin, talagang kilalang “mahadera” si Jobert. Marami na rin siyang kinabangga sa pananatili niya sa showbiz, maging ang kaniyang co-host at sinasabing “reyna ng lahat ng midya,” na si Kris Aquino. Katulong pa niya sa “pang-aaway” sa bunso ng mga Aquino ang dating taga-ABS-CBN din na si Cristy Fermin.

Kung titingnan nga naman, mayroo nang marka si Jobert sa pagiging “benggador” sa industriya ng showbiz. Nito ngang huling mga araw, muling naging kontrobersiyal ang pangalan ni Jobert.

NGAYON, malaking isda na naman sa ABS-CBN ang nakabangga ng prangkang eskribador sa showbiz: ang host na si Willie Revillame.

***

Bago po tayo magpalawig ng ating pagtalakay, mangyaring panoorin po muna natin ang YouTube video na nasa ibaba:

[youtube=http://www.youtube.com/watch?v=7IkMeFTpOz0]

Sa video, makikita at maririnig ninyo ang pagmamayabang ni Willie hinggil sa laki ng kita ng kaniyang show, at sinasabing paglilingkod-bayan niya diumano sa mga kababayan nating kapus-palad at yaong mga tinaguriang nasa laylayan ng lipunan.

Marami talagang humahanga sa diumano’y kagandahang loob at pagkamaawain ng puso ni G. Revillame. Basahin ang ulat na ito mula sa Manila Bulletin, na muling inilathala ng Yahoo! News, ukol sa pagtatanggol ng dalawa sa pinakamasugid na tagasubaybay ni G. Revillame sa kaniyang matagal nang kontrobersiyal na show.

***

MULA’T mula pa, pinalilitaw na ni G. Revillame na ang kaniyang show ang tanging pinakapag-asa ng mga taong naghihirap na makaangat sa buhay. Hindi natin ito pabubulaanan dahil mayroon na tayong ilang kababayan na nabigyang pagkakataon na manalo ng libu-libo, kung hindi man, milyong piso dahil sa kaniyang show.

Ngunit gaano katotoo ito?

Noong taong 2006 — unang anibersaryo ng programa ni Willie — sinabi ng National Statistical Coordination Board (NSCB), ahensiya ng gobyernong nagsusuri sa batayang mga estadistikang panlipunan at pangkabuhayan sa bansa na may tatlong nangungunang sektor na lublob na lublob sa lusak ng kahirapan: mga bata at kabataan (14.4 milyon); kababaihan (12.2 milyon); at maralitang taga-lungsod (6.9 milyon). Mangyari pong pakitingnan ang graph sa ibaba:

Ang talahanayang ito ay mula sa ulat Ms. LinaV. Castro, OIC-Asst. Secretary General National Statistical Coordination Board (2009).

Limang (5) taon, matapos ang unang bunsod sa ere ng Wowowee!, sinabi ng Social Weather Stations na 43 porsiyento ng pamilyang Pilipino (katumbas ng 8.1 milyong pamilya) ang nakararanas ng kahirapan o karalitaan samantalang 21.2 porsiyento naman – o katumbas ng 4.0 milyong pamilya ang dumanas ng involuntary hunger.

Gayundin naman, sinasabi rin ng ILO na 30 porsiyento pa rin ng 92 milyong populasyong Pilipino ang nananatili sa kumunoy ng kahirapan.

***

BAGO tayong muling magpalawig, gusto nating linawin na HINDI natin ipinagtatanggol si Jobert Sucaldito. Kailanman, hindi kami nagkakilala at kahit noong araw na nagsusulat tayo ng pitak na pang-showbiz, hindi kami nagkasalagway o nagkita ni G. Sucaldito.

Sa katunayan, noong una, mayroon din tayong naramdamang pagkainis at pagkagalit pa nga sa ilang banat ni Jobert. Mahadera kasi siyang talaga. Walang preno ang bunganga. Pero ngayon, sa isyung ito sa pagitan nina Willie at Jobert, masasabi nating may punto si Jobert hinggil sa kanyang pambabatikos sa ilang asal ni G. Willie Revillame at ng kaniyang ipinagmamalaking show. Totoo naman kasing kabati-batikos ang ginawa niyang pagtatampok doon sa mga estudyanteng kung tagurian ay “Row 4 Students,” o mga estudyanteng lumalagapak ang grado sa eskuwela.

Pakinggan natin ang tugon ni G. Sucaldito sa banat sa kaniya ng kontrobersiyal na game show host:

[youtube=http://www.youtube.com/watch?v=IzFWk0Xg2kc]

***

KUNG susuriin sa kasaysayan ng Wowowee!, makikitang napakarami nang sablay ang nagawa ni Willie, nga lamang ay hindi masibak-sibak ng ABS-CBN dahil, gaya nga nang nabanggit ni Willie sa unang video, limpak-limpak na salapi ang iniaakyat ng kaniyang show sa kabang-yaman ng ABS-CBN. (Show na kalaunan, ipinaangkin ni G. Revillame sa sambayanang Pilipino.)

Hindi na bago ito dahil sa mundo ng kapitalismo, lahat ay ikokompromiso sa ngalan ng tubo at salapi. Ke se hodang marami ang masagasaan. Batu-bato sa langit, ang tamaan ay huwag magagalit. Kahit pa kung tamaan ng batong ipinukol ay magkabukul-bukol!

Naririto po ang ilan sa mga sablay ni Willie na marahil ay hindi napansin (o hindi pinansin?) ng dambuhalang network:

1. Ang reaksiyon sa paglalagay ng video ng libing ni dating Pang. Corazon Cojuangco Aquino sa kaniyang show.

[youtube=http://www.youtube.com/watch?v=bxhnMQZEAgs]

2. Ang pambabastos ni Willie sa isang babaing audience ng Wowowee.

[youtube=http://www.youtube.com/watch?v=fcCkBy_lysI]

3. At iba pang kabulastugan.

[youtube=http://www.youtube.com/watch?v=pwKvFT5WABM]

[youtube=http://www.youtube.com/watch?v=5dWen5ZA62k]

(Salamat po kay Even Demata para sa mga video sa itaas. – NSB)

***

SA puntong ito, giliw kong mga mambabasa, tahasan ko nang sasabihin na maraming kababayan na natin ang nalinlang ng sinasabing “kabutihan” ng loob at pagkamahabagin ng puso ni G. Revillame.

Sa totoo lamang po, at marami naman sigurong kakatig sa atin, malakas ang loob ni G. Revillame na magkaridad dahil ang ipinamimigay niyang pera ay hindi naman talagang kaniya. Ang salaping ipinamumudmod ni G. Revillame, bilang tulong o papremyo sa mga nagsisisali sa kaniyang show ay hindi sa suweldo o sa libreto-de-bangko niya nagmula: kundi galing mismo sa bulsa ng ating mga kababayang balikbayan at nasa abroad at maging doon sa mga sponsor na kumikita rin sa lakas ng Wowowee!

Hindi naman natin itatangging ang Wowowee! ang isa sa pinakamalakas na afternoon variety show ngayon sa Pilipinas; pero hindi nangangahulugan ito na binibigyan na ng show ng isang malinis at walang bahid na pagkatao si G. Revillame.

***

MARAMING magsasabing napakatalas naman at napakatalim ng bibig ng inyong lingkod. Masyadong mayabang magsalita gayong hindi naman kilala sa larangan ng showbiz bagaman nagtangkang sumulang ng ilang mga komentaryo sa ilang mga peryodikong tumiklop na ngayon.

Pero hindi natin ito babawiin. Pagkaminsan, dapat masugatan at magdugo ang mga damdamin para magising sa katotohanan ang mga nangangarap nang gising at nagpapahele sa isang katerbang ilusyon gaya ni G. Revillame.

Sa totoo nga, mga kababayan, inuugoy/ipinaghehele rin ni G. Revillame ang kaniyang mga tagasubaybay sa ilusyong siya ang tagapagligtas ng mga mamamayan sa karalitaan, paghihikahos at pagkabusabos. HINDI siya ang manunubos ng maralitang tagalungsod, ng mga magbubukid at mangingisda sa kanayunan, at mga inaalilang OFWs sa ibang bansa. Ilusyon lamang niya ang lahat ng ito. Ang masaklap, pati tayo ay naniniwala na rin sa ilusyon at delusyong hatid ni Willie at ng kaniyang show na Wowowee!

***

UPANG patunayan natin ang ating mga sinasabi, pagnilayan natin ang ilang mga puntong nasusulat sa ibaba:

UNANG-UNA, hindi kailanman nagamot ni G. Revillame – sa limang taong pamamayagpag ng kanyang show – ang problema ng karalitaan sa bansa. Nananatiling milyun-milyon pa rin ang nakalublob sa kahirapan na patuloy pang inilulublob ng mga naghahari-harian sa lipunan sa kumunoy ng kahirapan. Pinatunayan na ito ng naunang mga estadistika o numerong ating inihatag sa unang bahagi ng sanaysay-komentaryong ito.

PANGALAWA, ang show ni G. Revillame – pasintabi sa dambuhalang TV station – ay isang drogang naghahatid ng ilusyon sa mga mamamayang gustong makaahon sa kahirapan. Eskapismo ang pangunahing hatid ng show at hindi lantay na tulong sa mga mamamayan para malaman niya ang ugat ng sariling pagdaralita at pagdurusa.

Katunayan, dahil sa espiritu ng eskapismo at ilusyong hatid ng show, isang trahedya ang naganap noong 2006 sa ULTRA, sa unang anibersaryo ng Wowowee! Sino ba ang makalilimot sa mukha nang mahigit 70 kataong namatay dahil lamang sa pinaglaway ni Willie sa milyun-milyon diumanong papremyo ng kaniyang show?

KITANG-KITA ng inyong lingkod, bakas sa mukha ng mga namatay ang hirap at sakit ng kanilang pagkamatay. Nakakaawa sila. Mga bangkay na nakahilera sa ospital na pag-aari rin ng mga Lopez sa Pasig – ang Medical City – na may ilang nakataas ang kamay na para bang gustong itulak ang nalalapit nilang kamatayan… subalit hindi sila nagtagumpay.

Isa po ang inyong lingkod at nag-cover pa matapos ang trahedya sa ULTRA. (Tingnan ang ulat na ito. Sayang nga lamang at hindi na naipreserba ng Pinoy Weekly ang ulat nito ukol sa Wowowee tragedy).

***

BILANG panghuli, gusto nating unawain din naman si G. Revillame. Mayroon tayong isang kasabihang Tagalog na gusto nating ialay sa kaniya: “Ang langaw na nakatuntong sa kalabaw, mas mataas pa sa kalabaw.” Sa palagay ko, gayon ang pakiramdam ni G. Revillame. Tunay nga naman, kahit ang inyong lingkod na mabigyan ng kaunting lakas, kaunting impluwensiya, at kaunting kayamanan – maaring ganoon din ang maging pakiramdam.

Pero, gusto rin nating paalalahanan, hindi lamang si G. Revillame kundi maging iyong nagmamatayog sa kanilang sarili: “Kung anong tayog ng iyong paglipad, siya ring lagapak sa iyong pagbagsak.”

Kaya nga, kaiingat tayo sa labis na paghanga at pagtingin ng mataas sa sarili at baka sa bandang huli, mahulog tayo sa pusali.

***

Isang berso po, handog ko sa ating lahat.

Babala sa Langaw sa Ibabaw ng Kalabaw

Uy, uy, uy! Kaiingat ka
Huwag mong isipin
Na ang kawangis mo’y

makapal na pader,

isang toreng matibay

na hindi kailanman babagsak.

Huwag mong kalilimutan

ang kasabihang:

“Anumang tayog ng lipad

Siya ring lagapak

Kapag sa lupa’y bumagsak!”

Baka sa taas ng lipad mo

Marinig mo ang sariling lagabag!

Ay, ay, ay! Huwag kang ganiyan

Huwag mong isiping

Mananatili kang nakalutang.

Pakatandaan maging ang barkong

Malaki at matatag

Bumibigay din sa salpok

ng tubig alat.

Uy, uy, uy! Matuto kang gumalang

Magpakumbaba at sa lupa’y

panatilihing nakaapak

ang talampakan.

Baka tisurin ka ng Panginoon

At mukha’y masubsob

at lamunin ang putik na iyong pinagmulan.

Nota Bene: Itong blog entry na ito ay pinalawig na entry sa aking Meme sa Yahoo!. Salamat din sa ilang kaibigan na nagbigay ng inspirasyon para maisulat ito, partikular kay Mama Paul H. Roquia.

Dating patnugot ng pahinang pang-overseas Filipino worker (OFW) at internasyonal ng Pinoy Weekly si Noel Sales Barcelona. Naging public information officer din siya ng pambansang sentro ng mga kawani...

Leave a comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.