Tatlong araw na ang nakakalipas pero naroon pa rin ang bakas ng indelible ink sa aking kanang hintuturo. Dahil kaya sa hindi ako naghihilod tuwing naliligo o talagang OA lang ang pagkakapaligo ng tinta sa aking daliri? Natapos na ang unang semi-automated election sa Pilipinas pero may mga bagay akong hindi nagustuhan.
Marami akong inayawan pero kung susumahin ay isa lang ang pwedeng iturong salarin — ang mga botante. Huwag nang pag-usapan ang basehan sa pagpili ng mga kandidato dahil matagal nang usapin ‘yan at nakakasawa na. Isa sa mga inayawan ko ay ang mga salitang “Ganito pala ang botohan. Ang hirap. Hindi na nga ako boboto sa susunod.” Marami ang umuwi na lang at hindi bumoto dahil sa haba ng pila -– mapa-bata o mapa-matanda.
Hindi dapat gawing biro ang mga salitang ‘yan. Sa bansang katulad ng Pilipinas, sa bansa na kung saan ay walang kandidatong natatalo, sa bansang nabibili ang karapatang bumoto, sa bansang magpaagaw ka lang ng t-shirt at kendi sa kampanya ay maituturing ka nang magaling na kandidato; pati ba naman ang tungkulin sa pagboto ay tatalikuran pa natin? Sabi nga noong nakaraang eleksyon, ang pagboto ay hindi isang simpleng karapatan; isa itong sagradong tungkulin na dapat gampanan. Ipagpapalit ba natin ang karapatan at sagradong tungkuling ito huwag lamang makipagsiksikan sa pila? Huwag lamang madampian ang braso ng kapwa Pilipinong nanlilimahid sa pawis? Huwag lamang umalingasaw dahil sa nakulob na pawis at init ng katawan? Ipagpapalit ba natin ang anim na taon ng Pilipinas at maging kinabukasan nito para lamang maiwasan ang mahabang pila? Huwag nang pag-usapan ang mga kahinaan at problema sa sistema ng bagong eleksyon. Isantabi na ang kawalang-disiplina nating lahat. Kalimutan na ang magulong pila na hindi maayus-ayos ng mga poll watcher at iba pang bantay ng eleksyon. Nasa atin ang problema. Sayang naman ang pagpupursige ng ilang botante na pinilit makaboto at pumila nang mahigit anim na oras. Sayang.
Ngunit may isa pa akong napansin. Kaakibat ng paggamit ng PCOS machines at compact flash cards ay ang sintomas ng makabagong sakit ng eleksyon. Walang pinili ang sintomas ng isang malalang sakit — ang sakit ng pagtanggi sa pagbabago kapalit ng pansariling kaginhawaan. Maliban sa pagiging huli sa pagtesting ng mga makina at iba pang kapalpakan, sang-ayon ako sa Comelec na kung hindi gagawin ngayon ang automated election ay hindi na natin ito magagawa kahit kailan.
Marami ang nagreklamo sa kabagalan ng mismong pagboto. Sinasabi na mas mabuti pa ang manu-mano, at ang ilan sa mga first-time voters ay nagsabing sana ay ginamit na lang uli ang dating sistema ng botohan.
Bakit pa kailangang gamitin ang bulok na sistema? Para abutin ng isang buwan bago makapagdeklara ng bagong pinuno? Para hindi na manibago ang mga mandaraya? Para manatili tayong nakalugmok sa sistema at teknolohiyang matagal nang nilimot ng panahon?
Totoong hindi maiiwasan ang mga kapalpakan lalo na at unang beses pa lang ng automated election. Pero ang piliing manatili sa lumang sistema ay isang malaking katangahan. Wala akong makitang balidong rason para bumalik sa manu-manong botohan. Ang nakikita ko lang na dahilan kung bakit gusto nating maging atrasado ay ang namumukud-tanging reklamo natin — ang sobrang katagalan bago makapasok sa presinto at makaboto.
Nahirapan man tayo sa pila ay higit na matimbang ang kapalit nito. Nabawasan ang panganib sa ating mga guro. Mas mabilis at maayos ang bilangan. Higit na malinis ang mga numerong ipinapakita sa atin. Mas kapani-paniwala ang mga resulta. Kaya hindi ko maintindihan kung bakit mas gusto pa ng ilan na manatili sa bulok na proseso kahit na ang dulot ng pagbabago ay pangmatagalang ginhawa.
Nagdulot man ng bagong pag-asa ang makabagong botohan, nagdulot din ito ng mga makabagong sakit –- mga sakit na kung hindi malulunasan ay matutulad din sa mga lumang kanser na matagal nang lumamon sa ating lahat.
paunang pagsubok pa lang naman sa automated elections.
sa susunod, dapat mas maging maayos na dahil ika nga eh, tapos na ang “perstaym” ng 2010.
malaking pasakit talaga yung matagal na pagpila at mabagal na proseso ng pagboto kaya sana ito ang bigyang pansin ng comelec sa mga susunod na pagkakataon.
On election there are many process to do when you are to registered on the office of the Cagayan City.