Kuya, ano ba yung blunder?

“Anong blunder? Saan mo ba narinig yan?”

“Sabi kasi ng teacher ko sa History, blunder daw yung kaso nung Presidente kaya nakulong.”

“Plunder. Plunder yon, hindi blunder.”

“E, ano nga yung plunder? Ba’t sya nakulong? Tsaka bakit EDSA 2? Di ba isa lang naman yung EDSA?”

Sampung taon. Isang dekada na pala ang nakalipas mula nang ipinanganak si bunso. Sa edad niyang sampu, napakaraming tanong sa isip niya na aaminin kong kahit ako ay hirap na sagutin kahit na mahigit dalawampung taon na akong nabubuhay sa mundo.

Paano ko ba ipaliliwanag sa kanya kung bakit kailangang umalis nang bansa si Nanay at si Tatay para mag-caregiver sa ibang bansa gayung pareho naman silang mga college graduates? Paano ko siya aaluin sa mga panahong naghahanap siya ng kalinga ng magulang?

Maituturo ko ba sa kanya na hindi tamang uminom, manigarilyo, magsugal at mag-drugs, gayong lantad namang ipinakikita sa TV na ginagawa ito ng mga sikat na artista sa teleserye at maging sa totoong buhay?

Kailan ko sisimulang ituro sa kanya ang tungkol sa sekswalidad? Na hindi pa kaya ng kanyang utak na harapin ang mga malalaswang babasahin at panoorin? Ako ba ang magsasabi sa kanya at magpapaliwanag kung bakit may mga taong may ikatlong kasarian?

Masasagot ko ba ang mga tanong niya kung bakit maraming nagra-rally sa kalye? Kung bakit mahaba ang pila sa bilihan ng bigas? Kung bakit laging ginagawa-tinutuklap-ginagawa ang kalsada sa tapat ng bahay? Kung ano ang ibig sabihin ng kotong? Kung bakit maraming alagad ng batas na nadadawit sa mga kontrobersyal na krimen at kung bakit laging nagagalit ang mga tao at pilit pinatatalsik ang Presidente ng bansa?

Isang dekada ng kanyang buhay pa lamang ngunit kayrami na niyang nakikitang mga pangyayari sa Pilipinas. Sa panahon kung saan kaydaling makakuha ng iba’t ibang impormasyon gamit ang telebisyon, cellphone, at Internet, hindi ko alam kung mapalad nga kaya silang mga kabilang sa X & Y Generation.

“Kuya, ano bang ibig sabihin ng corrupt? Kasi sabi sa balita, isa raw ang Pilipinas sa pinaka-corrupt na bansa sa buong mundo. Sikat pala ang Pilipinas, ha, Kuya?”

“Bunso… corrupt ang tawag kapag ang mga leader ay maraming kamaliang ginagawa sa kanilang mga trabaho. Sa madaling salita, hindi sila tapat sa kanilang mga tungkulin.”

“Ayoko nang maging Pilipino, Kuya. Nakakahiya pala tayo.”

“Hindi, bunso. Huwag mong ikahiya ang pagiging Pilipino. Mahalin mo ang Pilipinas dahil ito ang bayan mo. Pilipinas ang kumukupkop sa ‘yo mula nang ipinanganak ka sa mundo.”

Alam kong bata ka pa at maaaring hindi mo pa maiintindihan ang sasabihin ko. Pero ang mga nakikita mong kamalian ay huwag mong gawing dahilan para itakwil ang Pilipinas.

Magbabago pa ang Pilipinas. Kung hindi man ngayon, sa hinaharap; kaya’t kayong mga kabataan ay kailangang gabayan at turuan ng tamang pagmamahal sa bansa. Dahil ang pagmamahal mo sa bansa ang magbibigay-daan para sikapin mong baguhin ang mga kamaliang nakikita mo sa paligid.

Marami pang dekadang darating sa iyong buhay. Marami ka pang matututunan at marami ka pang masasaksihang pangyayari sa kapaligiran… ngunit bunso, mahalin mo ang Pilipinas.”

Hector Olympus

Ipinanganak ang pangalan ko dahil sa hangaring makapagbahagi ng aking kaisipan tungkol sa aking pagka-Pilipino.

Join the Conversation

7 Comments

  1. salamat sa matapat na komento.

    this article was actually an entry to a short story contest na nag require ng masyadong mababang # of words kaya hindi ko nai expound ang istorya.

    anyway, salamat sa komento. noted po iyan.

  2. ang ganda! ang galing mo kuya! at saka totoo lahat ng sinabi mo!

    sana nanalo ka!:D

  3. PARA SA AKIN….totoo ngang musmos pa ang bata upang malaman ang totoong nangyayari sa kanyang paligid…ngunit habang maaga pa…kailangan imulat ang kanyang mata sa tunay na kulay ng mundong ginagalawan niya dahil baka dumating ang panahon na siya na mismo ang gumagawa ng ganito na hindi nalalaman na mali ito…

    gayun pa man maganda pa rin ang iyong lathalain…

  4. napakaganda ng istorya.. Sana ay maibahagi mo din ito sa mga kabataang napupunta sa maling landas.. yeah,tama nga yong habang maaga pa ay napapangaralan na natin ang mga kabatatan dahil walang makapagsasabi na maaaring sa pagdating ng panahon ay matutunan at malalaman din nila ito.

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.