Nang silang lima’y dukutin, sina Pinpin, Custodio at Sarmiento’y galing sa isang pakikipagpulong sa mga magsasaka at papuntang Maynila upang dumalo sana sa gaganaping pagkilos para sa Araw ng Paggawa; nagmamaneho para sa kanila si Ybanez, na sinamahan ng kapitbahay na si Masayes. Anupa’t dinukot nga sila, at ilang araw na pinaghahanap ng mga kamag-anak at kaibigan, at tatlng araw matapos ang pagdukot ay iniharap sila ng pulisya sa pabatirang-madla — bilang mga kasapi ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) na kasabwat ng mga rebeldeng sundalo sa isang planong “destabilisasyon” laban sa rehimeng Arroyo!
Dati-rati’y walang pinapayagang bumisita sa kanila tuwing Sabado, Linggo at pista opisyal maliban sa kanilang mga abugado, asawa’t anak, at kapatid. Ito, ayon sa mga mapagkakatiwalaang impormante sa Camp Vicente Lim, ay ayon sa kautusan ng hepe ng Base Police na si S/Insp. Patricio Baludong Corcha.
Ngunit nitong Abril 6, panatag kaming makapapasok sa may piitan at makakakuwentuhan nang mahaba ang mga kaibigang nakapiit — lalo na si Pinpin, na bago mabilanggo’y makailan naming nakatrabaho sa mga proyektong pansining at pampanitikan at kailanman naming madalaw ay sabik sa mga balita mula sa sirkulo ng mga artista’t manunulat. Ito’y sapagkat noong nakaraang Disyembre’y pinahintulutan na ang mga dalaw ng iba pang mga kamag-anak at ng mga kaibigan tuwing Sabado, Linggo at pista opisyal.
Anong laking gulat namin nang pumasok kami sa kampo at malamang hindi kami maaaring dumalaw sapagkat Linggo! Subalit matapos ang isang oras na pakikipagnegosasyon at, salamat sa isang kabataan pang opisyal (na kaipala’y hindi ko dapat banggitin ang pangalan upang huwag malagay sa alanganin ang kanyang trabaho), ay pinapasok din kami at nakakuwentuhan namin nang may isa’t kalahating oras ang mga kaibigang nakakulong.
Ang pagpapahintulot sa mga dalaw ng ihigit na malalayong kamag-anak at ng mga kibigan tuwing Sabado, Linggo at pista opisyal ay kabilang sa mga kahingiang inihapag nila noong dakong dulo ng 2007 sa isang pakikipagdiyalogo sa noo’y bagong-upong Panrehiyong Direktor ng PNP-Calabarzon na si C/Supt. Ricardo Padilla. Batay sa kuwento ng aming mga impormante sa Camp Vicente Lim, nang ihapag nila ang kahingiang ito ay ipinatawag ni Padilla si Baludong at pinatikim ito ng umaatikabong pagsabon.
Inilathala pa sa Philippine Daily Inquirer ang tungkol sa pagkakamit ng “Tagaytay 5” ng ilan sa mga hinihingi kay Padilla — kabilang na nga ang pagpapahintulot sa mga dalaw ng higit na malalayong kamag-anak at ng mga kaibigan tuwing Sabado, Linggo, at pista opisyal.
Ngunit batay sa nangyari nitong Abril 6, ibinalik na ang dating mga restriksiyon sa mga dalaw tuwing Sabado, Linggo at pista opisyal — sa kautusan daw ng hepe ng Base Police na si S/Insp. Patricio Baludong Corcha, na diumano’y paretiro na sa darating na Abril 28.