Sa kabila ng ipinataw na executive clemency ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa dating presidente Joseph “Erap” Estrada, nananatili pa rin daw lider ng oposisyon si Estrada.

Ito ang tiniyak kamakailan ni Makati mayor at United Opposition (UNO) President Jejomar Binay matapos ang mga naglabasang espekulasyon na makikipag-alyansa na ang dating pangulo sa administrasyon makaraang makatanggap siya ng pardon sa administrasyong Arroyo.

Samantala napagdesisyunan naman ng Opposition bloc sa Senado na manahimik muna sa nasabing isyu at huwag na lamang palakihin ang mga naglalabasang intriga mula sa ibaâ€t ibang sektor ng lipunan. Nagkasundo ang Solid 8 sa Mataas na Kapulungan ng Kongreso na sina Senate minority floor leader Aquilino “Nene” Pimentel, Panfilo “ Ping” Lacson, Manuel Roxas III, Rodolfo Biazon, Benigno “Noynoy” Aquino III, Antonio Trillanes IV, Loren Legarda, at Jamby Madrigal na bigyan ng sapat na panahon ang dating pangulo mula sa halos anim na taong pagkakapiit.

Ngunit sa kabila ng natamong kalayaan ni Erap, plano pa rin ng UNO na magsampa ng panibagong impeachment complaint laban kay Pangulong Arroyo. Nakapaloob sa nasabing reklamo ang pagkakasangkot ng pangulo sa maanomalyang kontrata sa NBN-ZTE deal ng bansang Tsina. May malaking tsansang maiakyat sa Senado ang complaint dahil may mabigat na ebidensyang magpapatunay na sangkot nga ang kasalukuyang administrasyon sa katiwalian. Obligado ang mga taga-oposisyon na suportahan ang nasabing impeachment case lalo na kung pumayag si Laguna Rep. Edgar San Luis na amyendahan ang inendorsong niyang reklamo ni Atty. Roel Pulido.

Dumistansya naman si Senate President Pro-tempore Jinggoy Estrada sa hakbang ng oposisyon sa paghahain nito ng ikalawang impeachment complaint laban sa kasalukuyang pangulo dahil na rin marahil sa ipinagkaloob na pardon sa kaniyang ama. Aniya, sa kamay ng mga kongresista nakasalalay ang reklamo laban kay Arroyo. Nanindigan din ang pamilya Estrada na mananatiling oposisyon ang dating pangulo at mariing itinanggi na nakipagkasundo na si Erap kay Pangulong Arroyo dahil sa ipinagkaloob na pardon.

Kaugnay nito, ang isa sa pinakaaabangang maaaring mangyari ay kung susuportahan ng mga kaalyado ni House Speaker Jose De Venecia ang ikinakasang impeachment complaint sa Lower House.

Matatandaang nagkalamat ang ugnayang politikal sa pagitan ni De Venecia at ni pangulong Arroyo matapos sabihin ni Jose “Joey” De Venecia III, anak ni Speaker De Venecia, na malaki ang naging papel ng presidente at ang esposo nitong si First Gentleman Mike Arroyo sa maanomalyang kontrata ng ZTE Broadband.

Sumang-ayon naman ni Sen. Alan Peter Cayetano, chairman ng Senate Blue Ribbon committee, na sangkot ang Pangulong Arroyo sa kontrobersyal na National Broadband network (NBN) deal dahil na rin sa inisyal na imbestigasyon ng kaniyang komite sa mga testimonya nina journalist Jarius Bondoc at ng batang De Venecia.

Sa panig naman ng minorya sa Kamara, wala umano silang kapasidad na maiakyat sa Senado ang nasabing reklamo dahil na rin sa hindi sapat ang kanilang bilang ayon na rin kay House minority leader Ronaldo Zamora. Kayaâ€t nakasalalay sa grupo ni De Venecia ang kapalaran ng impeachment complaint na inaasahang ihahain ng United Opposition.

Ang ikakasang impeachement complaint laban kay Pangulong Arroyo ay sinusuportahan din ng mga progresibong grupo mula sa ibaâ€t ibang sektor ng lipunan gaya ng Bagong Alyansang Makabayan, Black & White movement, mga militanteng kasapi ng Kamara .

Ngunit may nakaamba namang panganib umano sa liderato ni De Venecia: nais ng mga alipores ni Arroyo na patalsikin bilang Speaker si JDV. Ayon na rin sa mga naglalabasang balita, ginagapang na ng Palasyo ang ilang mga kongresista na pangunahin na ang mga kasapi ng Kabalikat ng Malayang Pilipino. Ngunit tiyak namang may ginagawa ring hakbang ang mga loyalista ni JDV upang labanan ang nasabing pagpapatalsik sa House Speaker.

Nagsisimula pa lang ang bangayan, kayaâ€t kailangan nating magmasid at bantayan ang ating soberanya.

Rey Tamayo, Jr.

Si Rey Tamayo, Jr. ay isinilang sa maliit na bayan ng Jaro, Leyte. Siya'y naging editorial assistant ng diaryong Tambuli at Magandang Balita Newspaper na lingguhang lumalabas sa mga piling lugar sa Manila....

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.