PALIPAT-LIPAT AKO NG istasyon sa radyo dahil sa sunud-sunod na narinig kong kagaguhang kanta. Naiisip ko nang hindi yata ako makapagpapahinga sa kalilipat ng istasyon, ngunit isang lumang kanta ang tumawag sa aking pansin at nagpahinto sa aking pagpihit:

…Magandang bulaklak
Ang s’yang katulad mo
Ngunit paglapit ko’y walang bango

Balatkayo pala ang pag-ibig mo
Na natubog lang sa ginto
O kaysakit naman
Nasayang lang ang pag-ibig ko…

Aywan kung bakit ang kantang ito ang napagdiskitahan kong pakinggan gayong masayang okasyon ang pupuntahan ko mamaya.

Matapos ang kanta’y naramdaman kong sinusuyo ako ng antok. Tiningnan ko ang aking relo: may isang oras pa bago ang aking lakad. Pinatay ko ang radyo at ako’y humiga sa sopa upang umidlip.

Ang idlip ko’y talagang idlip lamang pala. Hindi pa ako nakakakalahating-oras nang gisingin ako ng timbre.

Nang buksan ko ang tarangkahan at makita ko ang mukha ni Ernest, alam ko na ang magiging tugtugin ng usapan. Magiging si Kuya Eddie ako. Ibubuhos niya sa akin ang lahat ng kanyang sama ng loob sa nangyari sa kanila ng asawa niyang si Dely, na kaopisina ko.

“Natutulog ka yata, naistorbo ba kita?”

“Hindi naman.”

Ngunit nang mga sandaling iyon ay gusto kong itanong sa Diyos kung bakit ibinigay niya sa akin ang papel ng isang Kuya Eddie ng lahat yata ng sawi sa pag-ibig sa mundong ito ng kawalang-pag-ibig. Nawalan na nga ako ng ganang pumasok sa relasyon dahil sa dalas kong mapagbuhusan ng mga kasaysayan ng mapait na karanasan sa pag-ibig, at ngayon ay heto nga si Ernest.

Balitang-balita sa aming opisina ang nangyari kina Ernest at Dely, dahil hindi naman nawawalan si Dely ng okasyon upang isambulat sa buong mundo ang tungkol sa kanyang personal na buhay kahit na wala namang nagtatanong. Sa aming ilan nang team-building seminar at maging sa mga pulong ng aming departamento, palagi siyang nakahahanap ng butas upang mauwi ang usapan sa kanyang buhay, at kapag nagsimula na ito’y mahaba pa ang kanyang kuwento kaysa sa talakayan tungkol sa team-building at iba pang usaping pang-opisina.

Wala pang limang buwan silang kasal ay heto na’t gustong ipawalang-bisa ni Dely ang kanyang kasal kay Ernest, na ikalawa na niyang asawa. Magulo naman ang kanyang kuwento kaya hindi rin namin mawari ang buong kuwento mula sa kanya. Nariyang tinatabangan na raw siya, nariyang mayabang daw si Ernest at palagi siyang pinupulaan, nariyang hindi raw malinis sa bahay at iba pa – samu’t saring puna kay Ernest na hindi niya mapapagtahi-tahi upang makita sana ang buong larawan ng kadahilanan ng kanyang kagustuhang makipaghiwalay.

“Madalas kasi, hindi s’ya nagsasalita, ‘tapos, pag nagsalita s’ya, buhos naman.”

“Oo nga, e.”

“Pa’no ba’ng pagkakak’wento n’ya?”

“Naku, paakyatin mo na lang ako sa tuktok ng Everest kesa ipak’wento sa ‘kin ‘yan. Pa’no ko maikuk’wento, e s’ya mismo, hindi maik’wento ‘yan nang maayos?”

HINDI KAMI GAANONG nakapagkita ni Ernest mula niyon, ngunit palagi niyang pinadadalhan ng mga mensahe ang aking cellphone, mga mensaheng replay lamang ng mga nasabi niya nang hapong gisingin ako ng kanyang timbre mula sa pagkakaidlip. Si Dely ay paulit-ulit din sa kanyang istoryang walang istoryang hindi naman ipinakukuwento sa kanya.

Naputol lamang iyon nang ako’y ipadala ng kumpanya sa New Zealand para sa isang kumperensiyang tumagal nang dalawang linggo. Iniwan ko sa Pilipinas ang aking cellphone at salamat na lamang at hindi alam ni Ernest ang aking e-mail address. Ang mga e-mail naman sa akin mula sa opisina ay pulos na tungkol sa usaping pang-opisina.

Matapos ang kumperensiya’y nagtagal ako sa New Zealand nang isang linggo pa: wala akong ginawa kundi libutin ang iba’t iba niyang lugar, lalo na ang kanyang kanayunan, sa kagustuhang kahit sa maikling panahon ay mapadaluyan ng sariwang hangin ang utak ko. Mahirap din ang maging isang Kuya Eddie nang hindi mo naman ninanais; at, sa kabilang banda, ang araw-araw na makarinig ng kuwentong hindi naman kuwento at hindi mo naman ipinakukuwento.

Pagbalik ko sa Pilipinas ay kuwentong pagbabalikan din ang narinig ko. Nakipagbalikan si Dely sa una niyang asawa, ang magaling na si Dick na kaya niya hiniwalayan ay sapagkat maraming kaaway sa lugar nila at pati silang mag-ina ay nadadamay at ayaw kumuha ng maayos na trabaho at madalas pang pinipilit siyang iwan ang kanyang trabaho upang maging maybahay nang buong panahon at malimit pang pinipilit siyang makipagtalik. Ang usapan pa nila’y iiwan niya ang kanyang trabaho, na siya pala niyang ginawa ilang araw bago ako bumalik. Malaking pasanin at perwisyo ang naiwan sa aming departamento dahil sa kanyang biglaang pag-alis.

Nabuo rin ang kuwento. Si Dely, si Fidela Mangaral na isang lay preacher sa kanilang parokya na kayhilig mangaral tungkol sa tapat na pakikipagrelasyon at madalas na kulang na lamang ay duruin ang ilang kaopisina naming nakagawa ng maliliit na kamalian sa kani-kanilang relasyon, ay nang-iwan ng ikalawang asawa upang makipagbalikan sa una.

Hindi pa alam ni Ernest ang nangyari, anang mga kaopisina namin nang tanungin ko. Hindi ko maisip kung sasabihin ko sa kanya o hindi.

Nang mga sumunod na araw ay padalas nang padalas ang pagpapadala ni Ernest ng mensahe sa aking cellphone. Gusto niyang makipag-ayos ngunit tinatakasan siya. Hindi na naman siya maghahabol, gusto lang niyang makipagsara nang maayos.

ISANG GABI’Y NIYAYA ko siya ng inuman at saka ko sinabi sa kanya ang nangyari.

Isinubsob niya sa kanyang mga palad ang mukha niya at kuminig ang kanyang mga balikat.

Isang rock ballad na pangkasal ang tinugtog ng banda:

As we walk the golden mile
Down the pretty aisle
I know that you are mine
And there’s nothing in this world
That I know I wouldn’t do
To be with you everyday
Every hour, every minute

Take my hand and let me lead the way

All through your life
I’ll be by your side
Till death do us part…

“Putang ina n’yo, nang-aasar ba kayo?” sigaw ni Ernest, sabay hagis ng isang bote ng serbesa sa direksiyon ng tanghalan. Tinamaan sa mukha ang bokalista. Sunod niyang inihagis ang isang upuan at pagkatapos ay ang hapag. Hinila ko siya palabas nang makita kong palapit na sa amin ang mga bouncer.

Malayu-layo na kami sa bar nang kami’y huminto sa pagtakbo.

Tumalungko si Ernest sa bangketa at isinubsob ang mukha sa mga tuhod niya. Muling kuminig ang kanyang mga balikat.

“Di ko naisip kahit kelan na me tao palang gano’n kasama! Putang ina n’ya! Putang ina n’ya!”

Naisip kong sa ibang pagkakataon – hindi ngayon dahil lalabas lamang sa kabilang tainga ang anumang sasabihin ko – ay maipababatid ko kay Ernest na hindi siya ang kauna-unahang taong nalinlang ng isang pag-ibig na balatkayo lamang.

Alexander Martin Remollino

Alexander Martin Remollino was Tinig.com's associate editor. He was a poet, essayist, and journalist. He also wrote some short fiction.

Join the Conversation

2 Comments

  1. pwede!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!
    !!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!
    !!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!
    !!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!
    !!!!!!!!!!!!!!
    !!!!!!!!!!!!!!
    !!!!!!!!!!
    !!!!!!!!!!
    !!!!!!!!
    !!!!!!!!!

Leave a comment

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.