Paano nga ba ipinagdiriwang ng mga Pinoy ang Araw ng mga Puso? Karaniwan na sa ating kultura ang pagbibigayan at pagpapalitan ng mga rosas, tsokolate, greeting cards, at mga regalo sa ganitong araw na tila ba isa na namang Pasko para sa atin.
Kulay pula na naman ang buong paligid sa pagsapit ng araw na ito. Sa katunayan, ginagamit pa ng komersyalismo ang okasyong ito lalung-lalo na ng mga hotel, restoran, konsyerto, at iba pa. Tatangkilikin nga naman ito ng mga tao sa araw na iyon dahil marami ang mga magkasintahan at mag-asawang tiyak na makikipag-date.
Subalit hindi ba’t kaysarap tingnan ng ating mundo kung sa araw-araw ay tila ipinagdiriwang natin ang araw ng pag-ibig?
Ang tunay na Araw ng mga Puso ay maaari nating ipagdiwang sa ating buhay sa araw-araw at anumang oras kung ating nanaisin. Ang araw na ito ay hindi lamang para sa mga may boyfriend o girlfriend o kaya naman sa mga may nililigawan pa lamang. Ito ay para sa lahat sapagkat lahat tayo ay tunay na mayroong minamahal. Nariyan ang ating mga magulang na walang pinipiling panahon upang tayo ay kanilang mahalin. Bakit hindi natin sila bigyan ng bulaklak at sabihan ng isang matamis na “I Love You.” Naghihintay rin ng ating masarap na tsokolate ang ating mga kapatid at mga kaibigan na handang dumamay sa iyo sa lahat ng oras. At bakit natin kalilimutang bigyan ng masarap na halik ng pagmamahal ang ating mga lolo’t lola? Kung hindi rin dahil sa kanila ay wala tayo sa mundong ito?
Hay kay sarap ngang umibig pero hindi ba’t mas masarap umibig sa mga taong alam mong higit na nangangailangan nito? Tumingin lamang tayo sa ating paligid. Makikita natin ang mga kaawa-awang mga kababayan natin na halos wala nang makain dahil sa labis na kahirapan na kanilang nararanasan? Hindi ba’t higit nilang kailangan ang mga pusong makauunawa, makatutulong, at makapagpapasaya sa kanila? May kakayahan ba ang ating mga puso upang sila ay mahalin o tulad rin tayo ng iba na walang pakialam sa ating kapwa?
Hindi pa man ako lumalabas mula sa sinapupunan ng aking ina, wari’y naririnig ko na ang malakas na tinig ng bayan na umaalingawngaw sa bawat sulok ng lansangan ng EDSA upang ipahayag ang kanilang mga saloobin bilang mga alipin ng makasariling pamahalaan at ipaglaban ang kalayaan mula sa kamay ng diktador sa pamamagitan ng mapayapang People Power.
Isang buwan ang nakalipas nang taong ding iyon ay tuluyang isinilang ang isa sa mga bagong sanggol. Isang sanggol na sadyang iniluwal sa daigdig na ito pagkatapos ng matinding pagsubok na hinarap ng aking mga magulang at nakatatandang mga kababayan sa panahon ng pambansang rebolusyon. Isinilang ang isang sanggol na katulad ko sa panahong mapayapa na ang kalooban ng bawat isa at ang bayan ay nagsisimulang bumangon upang patuloy na makipaglaban sa bawat hamon ng bukas.
Dalawampu’t limang taon na ang nakalilipas nang unang marinig ang iyak ng sanggol na iyon, isang malakas na iyak na tanda ng panibagong buhay sa bagong panahon.
Dalawampu’t limang taong hinubog ang isang kabataang katulad ko sa panahong lubos na pinapahalagahan ang tunay na diwa ng demokrasya. At sa bawat taong dumaragdag sa aking buhay ay katumbas ng mga tanong na bumabagabag sa aking puso’t isipan.
Ano nga bang pagbabago ang naganap sa kalagayan ng ating bayan sa nakalipas na dalawampu’t limang taon pagkatapos makipagsapalaran sa makasaysayang lansangan ng EDSA ang ating mga kababayan? Naisabuhay na ba ng mga Pilipino ang kalayaang binawi nila nang minsang ito’y ipinagkait sa kanila ng kapwa Pilipino? Nakamit nga ba ng bayan ang kaunlarang pangkabuhayan at pangpulitika?
Hindi ko nasaksihan ang kaapihang naranasan ng aking mga kababayan sa kamay ng isang diktador noong panahong iyon ngunit batid ko ang bahaging ito ng ating kasaysayan sa pamamagitan ng masusing pag-aaral nito at pakikinig mula sa makatotohanang kuwento ng mga matatandang nakiisa sa unang People Power. Hindi ito nakita ng aking mga mata ngunit nadama ko ang kakaibang ligaya dulot ng tagumpay na bunga ng mapayapang pakikibaka.
Bilang isang kabataan, lubos kong hinahangaan ang makasaysayang yugtong ito ng ating buhay. Ipinakita ng mga Pilipino sa buong mundo ang kanilang pagmamahal sa demokrasya na kahit ang sariling buhay ay kayang ibigay maipagtanggol lamang ito. Pinatunayan ng mga Pilipino na malakas, matibay, at natatangi pa rin ang kapangyarihan ng taumbayan.
Katulad ng maraming mga kabataan, ako ang bunga ng isang makabuluhang kahapon. Ako ang saksi sa nakalipas na dalawampu’t limang taon pagkatapos ng unang rebolusyon sa EDSA. Mabilis na umikot ang panahon ngunit sa pagkakataong ito ay malayang nabubuhay ang bawat isa para sa kapakanan ng sariling kaunlaran at pag-ibig sa kinabukasan at kalayaan ng bayan.
Oo, kasing edad ko ang People Power I.