HINDI KA NA nagkasya sa ikaw lamang ang masaya sa sinasabi mong lambing sa iyo ni April, ang babaeng makailan mo nang itineybol sa beerhouse na iyon. Mula nang makilala mo siya’y wala kang pakikipagkuwentuhan sa mga kabarkada mo na hindi siya napasasali sa mga paksa ng usapan, kahit sa mga sandaling halatang iba na ang gusto nilang pag-usapan.

Minsan pa nga’y niyaya mo ang dalawa sa mga kaibigan mo, sina Tony at Fred, sa nasabing beerhouse, kahit na tinatamad silang lumabas nang gabing iyon, at kahit na kapos ka sa pera nang panahong iyon ay nag-alok ka pang sagutin ang kanilang inumin at pulutan mahikayat lamang silang sumama.

Magiliw mo silang ipinakilala kay April nang tumabi siya sa iyo, at ilang sandali pa’y para kayong walang katabi kung magyakapan at maghalikan.

At minsan pa’y narinig mo ang mga katagang makailan mo na ring narinig sa kanya. “Gusto kitang maging asawa.”

“Talaga?”

“Oo. Gusto mo, kahit bukas, pakasal tayo.”

At isang halik ang matagal niyang pinadapo sa iyong pisngi, at kayo’y nagyakapan nang ilang sandali.

Naghiyawan ang dalawa mong kabarkada, kahit na alam nilang sa mga ganoong lugar, ang gayong pangyayari’y isang tagpong nagpapaulit-ulit na lamang na gaya ng mga eksena sa mga pelikulang nasa mga sirang DVD o VCD.

Sa iyo’y bago pa rin iyon, kahit na tatlong beses na kayong nagkikita ni April at tatlong beses na niyang nasabi sa iyong gusto ka niyang maging asawa at kung gusto mo’y pakakasalan ka niya kahit bukas.

Bago iyon sa iyo sapagkat sabi mo nga sa iyong mga kabarkada, sa ilan mo nang pagtatangkang magpaibig ng babae’y noon ka lamang nakatagpo ng gayon kalambing. Naiisip mong sa dami ng dinaanan mong baku-bakong daan ay may nadaanan ka ring maayos. Naiisip mo nang tanggapin ang alok niyang pakasalan ka kahit bukas, kung gusto mo.

“E ano ngayon kung GRO s’ya?” tanong mo sa isang kapitbahay na napagkuwentuhan mo ng tungkol sa inyo ni April? “Basta nagmamahalan kami, bakit ba?”

Lingid sa iyong kaalaman, nakatuwaan nina Tony at Fred na isang gabi’y bumalik sa beerhouse na iyon nang silang dalawa lamang. Si April ang kinuha nila bilang kateybol.

“O, nasa’n y’ong kaibigan n’yo, si Eric?”

“Obertaym sa trabaho,” ani Fred.

“Kaya sa ‘min ka muna ngayon,” ani Tony.

Maya-maya pa’y pinag-eensayuhan na siya ni Tony ng mga bulok na linyang madalas na marinig ng mga babae sa kanilang mga manliligaw.

“Sana, maging mag-asawa na lang tayo,” ani April kay Tony.

“Pa’no na si Eric?” wika naman ni Fred.

“Ba’la na kayo do’n, di ko na problema ‘yon.”

Hindi roon nagtapos ang lahat, pagkat pagkaraan ng ilang oras at serbesa at pulutan ay sabay-sabay silang tatlong pumasok sa isang motel na di-kalayuan sa beerhouse na iyon.

Pagkaraan ng ilang araw, inusig ng kanilang budhi sina Tony at Fred at isinalaysay ang lahat.

Nasuntok mo sa mukha si Tony, na hindi naman pumalag. Isa pang suntok ang nailagan naman ni Fred.

“Putang ina n’yo, pare! Ba’t n’yo naman ako tinalo?”

“Di ka namin tinalo, pare. ‘Wag kang magalit, kahit sino’ng tumeybol sa kanya, pare, gano’n ang sasabihin n’ya. Trabaho n’ya ‘yon, pare, e,” ani Fred.

“Oo nga, pare,” salo ni Tony. “Ba’t, ‘kala mo seryoso y’ong gusto ka n’yang maging asawa? Sinasabi nila ‘yon sa lahat ng kostumer nila, pare.”

Ngunit lumusot lamang sa kabilang tainga mo ang lahat ng sinabi nina Tony at Fred.

Nagpunta ka sa beerhouse na iyon kinabukasan at huminging makateybol si April. Masaya siyang bumati at lumapit sa iyo, ngunit nang hahalik na sa iyong pisngi’y sinampal mo nang malakas, bagay na ikinapatili ng ibang GRO.

“Niloko mo ‘ko!”

Tumakbo si April papunta sa kanyang silid at susundan mo sana siya, ngunit nakaiilang hakbang ka pa lamang ay hawak ka na sa magkabilang bisig ng dalawang bouncer, na nagtulong upang kaladkarin ka at ibalibag sa labas. Nagtangka ka pang pumasok na muli sa beerhouse, nagsisisigaw ng putang ina mo, April, putang ina mo, at ang sumunod na naisipan ng mga bouncer ay paulanan ka ng mga suntok at sipa hanggang sa kumain ka ng alikabok sa aspalto.

Sa isip mo’y naging gagasurot na lamang ang laki ni April, at gusto mong tirisin siya hanggang sa maglaho siya sa balat ng lupa. Hindi mo maunawaan kung bakit niya nagawa sa iyo ang gayon.

MAUUNAWAAN MO SANA, kung narinig mo lamang ang kanyang paghagulgol pagpasok na pagpasok sa kanyang silid.

Mauunawaan mo sana, kung nakita mo ang kanyang pagtitig sa kaisa-isang litrato nilang mag-anak, kuha ng isang kaibigan niyang litratista sa probinsiya nang magtapos ng elementarya ang kanyang kapatid na si Junior may ilang taon na ang nakalilipas.

Nasa larawang iyon, bukod kay Junior, ang ama niyang matagal nang nakaratay dahil sa tisis, sakit na madali naman sanang gamutin kung di lang wala yatang panahong hindi sila kapos sa salapi, kahit na nagkakangkukuba na ang kanyang ina sa paglalaba para sa mayayamang pamilya sa bayan nila nang pitong araw sa isang linggo. Nasa larawang iyon, bukod kay Junior, ang iba pa niyang kapatid na hindi makapag-aral nang tuluy-tuloy kahit na bago magkasakit ang kanilang ama, hindi pa sumisikat ang araw ay nasa bukid na ito at itim na ang langit kung ito’y umuwi.

Napahiya siya nang gabing iyon at hindi na muna siya lalabas upang tumeybol. Ngunit marami pang ibang gabi, kaya’t tiyak na di siya sasala sa pagpapadala ng salapi para sa pagpapagamot ng kanyang ama at para sa mga gastusin ng kanyang mga kapatid sa paaralan.

Alexander Martin Remollino

Alexander Martin Remollino was Tinig.com's associate editor. He was a poet, essayist, and journalist. He also wrote some short fiction.

Join the Conversation

4 Comments

  1. kht ano no lng ah!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.