Marso. Naaamoy na natin ang simoy ng summer dito sa Pilipinas. Ngunit bago pa man dumating ang pinakahihintay na bakasyon, kakaibang excitement muna ang nararamdaman ng mga graduating students para sa kanilang nalalapit na pagtatapos, sa elementarya man, high school, lalo na sa kolehiyo.
Apat na taon na ang nakalilipas simula nang ako ay nakatapos ng kolehiyo sa Centro Escolar University. Naalala ko tuloy ang aking isinulat na artikulo tungkol sa aking buhay-estudyante na Ang Butong Itinanim sa Puso ng Isang Hamak na Mag-aaral (link). Ito ay sabay na nailathala sa Mabuhay newspaper sa Bulacan, at sa Tinig.com noong Marso 2007, taon ng aking graduation. Muli ko itong binalikan, binasa, at saka nagmuni-muni. Nagpapasalamat din ako sa mga feedback ng ating mga ka-Tinig na nakabasa nito. Nakatataba ng puso ang kanilang mga komento. Batid kong sa pamamagitan ng artikulong iyon, kahit paano’y nakapagdulot ako ng inspirasyon sa ating mga mambabasa. Iyon naman talaga ang ating layunin bilang isa ring manunulat.
“Hindi pa rito nagtatapos ang lahat. Sa buhay na ito dapat kong isipin na nagsisimula pa lamang ako. Marahil ay napagtagumpayan ko ang unang hakbang ngunit alam kong dapat kong paghandaan ang pagharap sa mas malaking mundo,” ang sabi ko sa huling bahagi ng artikulong iyon.
Hindi ako nagkamali. Totoo nga. Pagkatapos ng ating graduation, hindi pa nga rito natatapos ang lahat. Mas malaki ang mundong naghihintay sa atin. At hindi biro ang pagpasok sa mundong iyon.
Nais kong ibahagi na kaysarap sa pakiramdam kung lahat ng pinaghirapan mo noong ikaw ay isang estudyante ay nakikita mo na ang mga magagandang bagay na ibinubunga nito ngayon.
“Mabuti na lamang at nagtiyaga akong mag-aral noon!” sambit ko sa aking sarili. Totoo nga. Ang edukasyon sa buhay ng tao, para sa akin, ay kasing halaga na ng hangin, tubig, at pagkain. It must be a necessity for every person. At karapatan din ng bawat tao, anumang lahi at katayuan sa buhay.
Pagkatapos ng apat na taon simula noong 2007, kamusta na nga ba ako?
“Ano ang naghihintay sa akin sa mga darating pang bukas pagkatapos nito? Natuklasan ko na ang buhay ng tao ay isang walang katapusang pangarap. Walang katiyakan kung maabot ito o mababasag lamang,” ang tila isang pag-aalinlangan ko sa isinulat kong iyon.
Ngunit idinugtong ko naman na “…isa lamang ang sigurado, sa taong may determinasyon, sipag at tiyaga, tamang pananaw sa buhay, malinis na pag-uugali, at takot sa Diyos, ang kanyang mga pangarap ay magiging isang ganap na katotohanan. Ito ang mga mabisang sangkap upang ang butong itinanim sa puso ay magbunga nang masagana,” na siyang nagpatibay sa aking kalooban.
After graduation, nakapag-apply kaagad ako sa ABS-CBN. Bitbit ang paniniwala sa aking sarili na kayang makipagsabayan sa mga beterano na sa industriyang ito. Natupad kaagad ang pangarap na makapagtrabaho muna sa isang kumpanyang magbibigay ng pagkakataon sa akin upang maipamalas ang kaya nating gawin sa larangan ng TV Production. At katulad ng maraming mga nagtatrabaho sa isang media company, nagsimula muna ako na isang baguhan bilang isang Production Assistant. Naging bahagi ako ng mga programa katulad ng 1 vs. 100, Wheel of Fortune, Kapamilya Deal or No Deal, Pinoy Bingo Night, Wowowee, Pilipinas Win na Win, at hanggang sa ako ay naging Segment Producer na sa Philippine version ng The Price is Right. Sa pamamagitan nito, mas lalo kong nakita ang mga katangiang dapat ngang taglayin sa pagharap sa mas malaking mundo.
Aba! Kaysarap pala sa pakiramdam na kumikita ka na ng sarili mong pera at dahil dito ay nakatutulong na ako sa aking pamilya. Naihahanda ko pa ang aking kinabukasan.
Ngunit para sa akin, higit pa sa ating kinikita ang kasiyahang aking nararamdaman ngayon. Dapat kong isipin na isa ako sa mga mapapalad na taong nagagawa kung ano ang minamahal niyang gawin sa buhay. At ito marahil ang mas mahalaga. “Bumabangon kang mayroong dahilan,” ika ng isang TV commercial.
Bukod sa aking trabaho sa ABS-CBN, nahirang din ako bilang Head of Media Productions Unit ng Hagonoy Young Leaders Program, isang kilalang youth organization sa isang bayan sa lalawigan ng Bulacan. Sa pamamagitan nito nakapaglilingkod tayo sa ating mga kababayan doon sa larangan pa rin ng entertainment productions, photography, at filmmaking.
Kasabay ng aking pakikipagsapalaran habang ginagawa ang mga bagay na aking minamahal, naisipan kong dagdagan pa ang aking mga nalalaman. Kaya naman noong 2010 ay pumasok ako bilang isa na namang estudyante sa Asia Pacific Film Institute. Layunin ng pag-aaral na ito na lalong mahubog ang ating kakayahan sa paggawa ng mga pelikula bilang direktor. At sa pamamagitan ng pelikula ay mas lalo pa tayong makapagdulot ng mabuting pananaw para sa ating mga manonood.
Napag-isip-isip ko tuloy na ang buhay nga ay isang walang katapusang pag-aaral. Habang may pagkakataon, sulitin ito upang mas lalong mapagyabong ang ating sariling edukasyon. Hindi lamang ito sa literal na pagpasok muli sa mga eskwelahan, kahit ang sariling buhay ay maituturing na isa nang malawak na paaralan. Ang mga pagsubok na ating napagdadaanan ay siyang mga gurong nagtuturo sa atin kung paano maging matatag sa ating paglalakbay.
Katulad pa rin ng dati, hindi ko pa rin nalilimot ang mga taong patuloy na naniniwala at tumutulong sa akin. Lahat sila ay nasa aking puso magpakailanman.
Sa loob ng apat na taong iyon pagkatapos ng aking graduation noon, unti-unti kong napatutunayan na “Katulad ng isang butong itinanim sa bakuran, kapag inalagaan nang husto ito’y tutubo, yayabong, at sa paglipas ng panahon — pagkatapos maging matatag laban sa mga bagyo’t unos — ay mamumunga rin nang matamis at masarap. Ito ang aking pangarap. Katulad ng buto ay itinanim ko sa aking puso. Inalagaan nang husto. Pinatatag sa gitna ng mga pagsubok at kahirapan hanggang sa yumabong nang yumabong at namunga ng napakatamis na tagumpay.”
Ang binhing iyon ay nakatanim pa rin sa aking puso. Hanggang sa ngayon ito ay aking inaalagaan. Kahit paano ito ay unti-unti nang yumayabong. Ngunit alam ko, marami pang taon ang magdadaan sa aking buhay upang ang binhing iyon, balang-araw, ay maging isa nang ganap na puno upang maghandog ng masasarap na bunga… mga bunga ng pangarap para sa ating pamilya at para sa sariling bayan. Samahan ninyo ako sa paglalakbay na ito, at sasamahan ko rin kayo bilang aking mga kaibigan.
Para sa lahat ng magsisipagtapos ngayong Marso 2011, Congratulations!
Nawa, sa iyong pagtatapos, baunin mo ang mga karanasang magsisilbing gabay mo sa pag-apak sa mundong iyong pinapangarap.
Ikaw, anong binhi ang inaalagaan mo sa iyong puso?