Gusto ko ng isa pang totoong People Power president.

Maluluklok siya hindi dahil sa pag-iimbot sa kapangyarihan at panlilinlang sa masang tumatayo para sa katotohanan at katarungan. Uupo siya nang walang mga kakuntsabang nangungumisyon at tutulong na makalamang siya ng mahigit isang milyon.

Iluluklok siya ng lakas ng bayan sa pamamagitan ng bayanihan. Kusang-loob siyang susuportahan ng mga mamamayan di dahil sa makukuhang pansariling pakinabang, kundi dahil sa paniniwala sa kanyang kabutihang loob at katapatan. Iboboto siya dahil naghahatid siya ng pag-asang muling sisikat ang araw, ang bansa’y babangon, at ang bagong Pilipinas ay ating masisilayan. Magiging inspirasyon siyang magbabalik ng tiwala nating mga Pilipino sa ating sarili.

Mabuti sana kung siya’y maka-Diyos, makabayan, makatao, at makakalikasan. Perpekto rin kung siya’y maalam sa kasaysayan at magsusulong ng katarungan.

Ngunit dahil tayo’y nasa di-perpektong mundo, pasado na sa akin kahit may konting bahid, kahit may konting duda, basta kapani-paniwala ang katapatan. Ang susunod na anim na taon ay panahon ng muling pagbubuo, kaya’t napakahalagang may tiwala tayo sa susunod na pangulo. Paano makakasulong kung ang pinuno’y may karanasan, pero laging ang bayan ay nanganganib na isahan?

Hindi ako maghahangad ng pangulong ang ipinagmamalaki ay talino at galing kung sa kampong tiwali siya nanggaling.

Ayoko rin ng pangulong pera ang pinaiikot, kumukupkop sa mga kaanak ng kurakot, at sa pananagutan ay tila natatakot.

Di lang sa nagkukunwaring mahirap ako umiilag. Iwas-pusoy rin ako sa mga nagkukunwaring para sa mahirap, pero sa totoo’y nagdadala naman ng sobrang pahirap.

Ang tipo kong pangulo ay iyong tinawag ng bayan at kung mananatiling tapat ay di nito iiwan.

Dapat siyang magpunyaging maisakatuparan ang mga pangako ng People Power: kalayaan, kapayapaan, tunay na demokrasya, tunay na reporma sa lupa, paglaban sa kahirapan, mabuting pamamahala, bagong pulitika, at lideratong magiging mabuting halimbawa.

Kung dahil sa malinis na gobyerno ay kokonti ang corrupt, mababawasan din ang mahihirap. Kung iwawaksi ng bagong pangulo ang mga trapo at itatakwil ang mga oportunista’t balimbing, mangingibabaw ang bagong pulitika. Kung siya’y magsisilbing magandang halimbawa at inspirasyon ng pagiging mabuting Pilipino at pinuno, baka sakaling unahin ng mga tao ang kapwa, makilala ang disiplina, at muling sumilang ang pagmamahal sa bayan.

Ederic Penaflor Eder

Si Ederic, 40, ay founding editor ng Tinig.com. Ipinanganak sa Batangas at lumaki sa Marinduque, nagtapos siya ng peryodismo sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman noong 1999. Mababasa rin ang kanyang mga...

Join the Conversation

6 Comments

  1. Ederic, e sino pa ba ang tinutukoy mo na gusto mong maging presidente? =) Ang nagsasabing “kung walang corrupt, walang mahirap”? To a certain extent, totoo ito. Pero kung gagamitin itong slogan, e mali naman yata. Ang korapsyon lang ba ang sanhi ng paghihirap? E paano na ang mga naghaharing-uri na hindi binibigyan ng tapat na suweldo, kabuhayan at pangangailangan sa mga nagtratrabaho sa kanila? May korapsyon ba doon? E bakit mahirap pa rin ang mga magsasaka at ang milyon-milyong kababayan natin? Dahil ba sa korapsyon? O dahil sa sistema? Gusto nila (o natin) ng demokrasya. Naiintindihan ba nila (at natin) kung ano tunay na demokrasya? Tingnan mo ang partido ng gusto mong kandidato? Sa tingin mo ba ang gusto nila tunay na demokrasya o demokrasya na sila ang masusunod? Kung naniniwala sila sa demokrasya, bakit hindi nila nirerespeto ang pananaw ng ibang tao na hindi sang-ayon sa pananaw nila? Ederic, matagal na kitang kaibigan. Tinuturing kitang kapatid. Nirerespeto ko ang pananaw mo at ang karapatan mong sabihin ang nais mo. Sana nga lang ay hindi ka die-hard supporter ng gusto mong maging pangulo at sana makita mo rin ang mga kakulangan at kamalian ng mga sinusuportahan mo. Wala silang pinagkaiba sa ibang kandidato at partido. Hindi tunay na pagbabago at bagong pulitika ang sinusulong nila. Sila ang mga elite ng ating lipunan. At kung titingnan natin ang ating kasaysayan, kanino nagsilbi ang elite? Sa sarili nila. Mula noong panahon ng mga Kastila, ang pinoprotektahan ng elite ay ang kanilang personal na interes. Hindi ba ganun ‘yon? Sana’y hindi mo isipin na sinasabi ko ang mga ito dahil anak ako ng tatay ko. Eto ay aking personal na pananaw mula noon pa. Sobrang na-disappoint lang ako sa ibang mga tao ngayong eleksyong ito. Akala ko may pagbabago na, wala pa pala.

  2. tama si Gloria at mga alipores niya, naumay na ang mga Pinoy sa People Power… mainam na nga iyon marahil… dahil sila-sila at tayo-tayong nagluklok sa kanila noong 2001 ang nagtitirahan, nag-onsehan, at nagbabatuhan ng putik ngayon

    tama na nga marahil ang tatlong people power dahil pila-balde nang ginagahasa ng mga pulitiko ang salitang ‘bayan,’ ‘demokrasya.’

    masusuka na ako kapag nangyari yan… ang nakita kong TOTOONG PEOPLE POWER ay yung 1 at 3… hindi ang dos.

    minsan ko nang inamin at uulitin ko yun– nagsisisi ako na mapabilang sa edsa dos… sa pag-aalsa umano ng mga makabayan, iyon pala, mga naghaharing-uri rin pala na ayaw lang maisahan

    bakit nga naman nila papayagan ang maging legal ang jueteng kung apektado ang bulsa mula sa mga opisyal ng barangay,pulisya, militar, hanggang sa gobernador,kamara, senado, at tanggapan sa malakanyang

    lagi na lang ang mahihirap ang kinakalusan kapag naghihirap ang bansa…wag tumaya sa jueteng, bumili na lang ng bigas? gasino naman ang P2-P10 pantaya nila sa libu-libong pisong winawaldas ng mga nasa middle-class at alta-sociedad sa mga bahay-aliwan, casino, at iba pa… walang sermon galing sa simbahan

    di na natuto ang mga pinoy, madaling mahimas ang puso…

    AYOKO kay Gibo…. dahil sa alyansa niya kay Gloria, sayang siya ganunpaman

    ayoko kay Erap… dahil madali siyang mauto ng gabinete nya pero gusto ko ang pananaw nya sa jueteng at giyera sa mindanao

    ayoko na rin kay Villar… andami nyang eskandalo, mala-Gloria na nagbibihis-Erap

    pero mas nasusuka ako kapag kay Noy…. akala ko ba, hindi nya ginagamit ang pangalan ng mga yumao nyang magulang, pero umpisa pa lang noong una nya at star-studded na campaign tv ad– kita na ang panlilinlang? ginagahasa na rin nya ang salitang people power.

  3. Maganda ang pagkakalahad mo Ederic. Wala talagang perpektong presidente at sa totoo lang kahit saang lipunan ngayon ang lider ay mas tinitingnan na kung makakapagbigay ng pagasa sa pamamagitan ng sarili at di ng gobyerno.Kung nakaasa ka sa gobyerno bumalik ka na lang sa dark ages dahil sa sobrang korapsyon. Ang paglilinis ng gobyerno ang isa sa napakahirap na gagawin kung sino man ang uupo. Mismong sa mga barangay ay laganap na ang sakit na ito.
    Me mga nagsasabi na ang pagsisilbihan nila ay ang kanilang uri pero mismong ang COMELEC ang nagbibigay ng panuntunan na ang mayayaman at naghaharing uri lang ang makakapasa. Kaya kung tutuusin wala naman talaga pagpipilian. Ang nagaastang mahirap ay di na mahirap. Kung ang bibgyan natin ng pagkiling ay ang stratehiya mas lalong lalayo ang pinaguusapan. Bakit nagagamit ang “people power”? kasi di ito nagamit ng mga taong naghahangad talaga ng tunay na people power o iba ang konsepto ng people power. Mahigit 90 million ang masang pilipino pero walang nagtitiyagang palakasin ang tunay na people power. Ilan lang ba ang kasama sa isang organisasyon, mapa kababaihan, kabataan, negosyante o kung ano pa man? Nagiging makipot ang ating mundo kasi di tayo makapagbuklod ng isang diwa.Ni wala tayong basis of unity maliban kay pacquiao.
    Me nabasa ako na isang article tungkol sa President Park ng Korea. Ang mga koreano nangibang bansa para tulungan ang kanilang bayan. Ang mga Hapon binigay lahat ng steel at alahas para mapanalo ang naunsiyaming world war II.
    Bakit natin mamaliitin ang naghahangad ng malinis na gobyerno? one step at a time ika-nga.
    Di naman nakatali ang pagbabago sa magiging presidente. Ang pagbabago ay mangyayari kung ang tingin natin ang gobyerno o presidente ay isa lamang instrumento at hindi end all. Pagtatalunan pa ba natin ang eleksyong to? Sa palagay ko hindi dapat.

  4. wala ngang perpektong presidente at kung susumahin, lahat may mga negatibong pag-uugali (sino ba ang perpekto?)

    para sa akin, ang tipo kong pangulo ay yung tipo rin ni ederic. liban dito ay tanging ang mananalo sa eleksyon ang tunay na makakapagsabi. ^^

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.