Herwin Cabasal“You are the change that you dream as I am the change that I dream and collectively we are the change that this world needs to be.”

Kung ating matatandaan, isa ito sa mga sinabi ni Efren Peñaflorida sa harap ng mga banyaga nang tinanggap niya ang parangal bilang CNN Hero of the Year noong Nobyembre 22, 2009.

At sana, hindi pa ito nalilimot ng mga kabataang Pilipino.

Nakatutuwang isipin, sa kabila ng mga kahirapang bumabalot sa ating bansa, ay mayroon tayong makikilalang mga kabataan na may malasakit sa kanyang kapwa at sa kinabukasan ng bayang kanyang ginagalawan.

At isang halimbawa dito ay ang samahang itinatag nila Kuya Efren na Dynamic Teen Company na nakilala sa buong mundo dahil sa layuning mapabuti ang mga kabataan sa kanilang lugar sa kabila ng kanilang mga kakapusan sa buhay at mga limitasyon. Pinatunayan nilang wala sa pagkakaroon ng posisyon sa pulitika ang tunay na paglilingkod. Anuman ang iyong katayuan sa buhay ay may kakayahan ang bawat isa sa ating magmalasakit.

***

Nitong nakalipas na eleksyong pang-barangay, muli nating nasaksihan ang pakikialam ng mga Pilipino para sa kinabukasan ng bayang ito. Isang sagradong pakikialam na dapat gawin ng bawat isa sa atin. Sabi nga nila “wala kang karapatang magreklamo sa pamahalaan kung hindi mo ginagamit ang iyong karapatang bumoto nang wasto.”

Ang litrato sa itaas ay mukha ng isang kabataang botante na pinagmamalaki ang kanyang kontribusyon para sa panaginip na pagbabago.

Kaya naman, sumasaludo ang Tinig sa mga katulad niya na lumabas sa kanilang tahanan, nakisiksik sa maraming tao, at matiyagang naghintay sa kabila ng matinding init ng panahon, maisulat lamang sa balota ang kandidatong sa tingin nila’y makakaagapay ng baranggay sa pagpapaunlad nito sa mabuting paraan.

Ngayong mayroon na tayong mga bagong halal na mga kapitan, kagawad, at Sangguniang Kabataan, sana sila mismo ay ang pagbabagong hinahanap rin ni Kuya Efren. Ngayong sila ang nasa posisyon, di hamak na mas malaki ang kanilang oportunidad upang magbinhi ng positibong pagbabago. Gamitin nawa nila ito sa isang tapat at malinis na paglilingkod.

***

Isang panibagong binhi ang sumusubok sumibol at umusbong sa kanyang sariling lakas at pangarap. Ito’y binhing inihasik ng grupo ng mga kabataan sa matabang lupa ng kanyang sariling bayan at pinagmulan. Binhing nagpupumiglas sa paglago at nasasabik sa mga bungang darating na balang araw ay kanyang malugod na ibabahagi sa mga taong umaasa at nag-aasam ng magandang bukas.

Ang Hagonoy Young Leaders Program (HYLEAP) ay isang samahan ng mga batang lider mula sa bayang ito na muling nagkasama-sama at sabay-sabay bumuo ng mga pangarap mula pa noong Marso 2008. Mga pangarap na sumasalamin sa kanilang malinis na adhikain para sa bayan ng Hagonoy, Bulacan at maging sa kinabukasan ng buong bansa at buong mundo. Ito ay naglalayong maghubog ng mga susunod na lider ng ating bayan sa pamamagitan ng paglulunsad ng iba’t ibang mga programa para sa bawat kabataan.

Ikinalulugod kong ibalita at ipagmalaki sa lahat na ako, katulad nila, ay bahagi rin ng samahang ito. Sapagkat nababanaag ng HYLEAP ang aking matibay na paniniwala at pag-asang mayroon pang magagawa upang muling masilayan ang pagsikat ng araw. Katulad ng aking mga kaibigan at kapanalig sa organisasyong ito, malugod kong ibinabahagi at inihahasik sa bayan ng Hagonoy ang binhing nagkukubli lamang sa aking puso’t diwa na ngayon ay may pagkakataon nang umusbong. Mga binhing hatid ay inspirasyon para sa aking kapwa kabataan na magsisimula sa bayang ito.

Join the Conversation

4 Comments

  1. Hanggang ngayon,nanatiling panaginip pa rin ang pagbabago. Mahirap mang tanggapin pero ang katotohanan pa rin ang dapat harapin. Higit na mas kailangang higpitan ang pagpapatakbo ng pamahalaan dahil aanhin natin ang demokrasya na sa ating isipan ay puro lang kalayaan kung ito’y hindi nabibigyang hustisya. Kung kalayaan ang nais natin, mas maagap na mas malaki ang responsibilidad na nakapatong sa bawat balikat nating mga Pilipino dahil ang kalayaan na hangad ay dapat pangalagaan at hindi dapat abuso ang pasan. Bawat paglaya ay may kaakibat na responsibilidad. Ilagay natin na ang isang bata ay pinayagang lumabas. Kung kaya may tiwala ang kanyang mga magulang na iingatan niya kanyang sarili para hindi masira o mawala ang tiwalang yaon. Kung baga may babaeng nabuntis dahil naglakwatsya. Talagang guguho ang mundo ng kanyang mga magulang at ang tiwala ay hindi na babalik muli. Gaya ng ating minumutyang Pilipinas ay inaabuso na ng sangkatauhan ang kanilang kalaayaan. Siguro hindi naman natin ‘to maikakaila sapagkat maramng krimen na ang hindi pa nareresulba, may mga di inaasahang pangyayari na nakakasira sa reputasyon nating mga Pilipino gaya ng hostage taking sa mga turista, may maraming batang napabayaan, at iba pang maraming kalapastangang gawa ng mga taong tatak Pinoy. Hindi ba ito ay abuso na.?Tanungin mo sarili mo?
    Sa ating kapanahunan, hindi marapat na sundin ang pamahalaang demokrasya.Hindi karapat-dapat ipaubaya ang ganitong uri ng pamamahala sa mga Pilipinong abusado at sarili lamang ang iniisip. We are not worthy to share freedom. We are not worthy to take pride being a Filipino for even our own selves aren’t worth- praising for.

  2. Maraming salamat Jay Laurince Malicse sa iyong mga komento.

    Tama ang iyong sinabi. Ang pagbabago ay nananatiling isang panaginip pa rin. Subalit ang tanong, pananatilihin mo bang maging isang panaginip na lamang ito?

    Sa iyong sarili, anong mga hakbang ang iyong ginagawa upang matupad ang pangarap nating pagbabago?

    Kaibigan, hindi kailangang madaliin ang bagay na ito at lalong hindi agad makikita ang resulta ng pagbabago sa isang araw lamang.

    Hindi rin kailangang makita ang iba upang sundan sila. Dapat sila ang makakitang may ginagawa ka na para dito upang tularan ka nila. Ikaw muna. Kung hihintayin mo silang mauna, naghihintayan lamang kayo sa wala.

    Kaibigan, hindi lahat ng bagay na nangyayari sa ating bansa ay dapat isisi sa pamahalaan. Tinatanong mo ang kanilang mga nagawa para sa bayan, pero natanong mo na ba ang iyong sarili kung ano ang maaari mong gawin para makatulong sa mismong pamahalaan?

    Kung ako ang tatanungin, nagpapasalamat ako sa pagiging demokratiko ng ating bansa. Dahil kung hindi, sa tingin mo ba’y makakabasa ka ng mga artikulong katulad nito? At alam mo bang dahil sa sinasabi mong demokrasya ay naipahayag mo ang iyong komento tungkol sa pamahalaan at kapwa mo Pilipino?

    Anumang uri ng pamamahala sa buong mundo ay maaaring may ibungang maganda at masama.

    Ako. Ipinagmamalaki kong Pilipino ako. Dahil alam kong may dahilan kung bakit ito ang lahing pinili ng Diyos para sa akin.

    At kung ang iisipin ko ay pawang mga masasamang katangian lamang ng aking lahi, ano pa ang maaari kong itira sa aking sarili? Paano naman ang katangiang taglay nila Jose Rizal, Andres Bonifacio, San Lorenzo Ruiz, Pres. Corazon Aquino, at CNN Hero of the Year Efren Peñaflorida? Hindi ba’t ang mga tulad nila ay dapat ipagmalaki? Sila ay ating mga kalahi. At marami pang mga Pilipino ang katulad nila na hindi natin kilala pero sa isang tabi ay may ginagawa para sa panaginip na pagbabago.

    Sabi nga ni John F. Kennedy “Ask not what your country can do for you; ask what you can do for your country.”

    Kaibigan, I am not dreaming to change our country. I cannot do that all by myself, of course. But I know I can be part of that change… in my own little ways.

    Maraming salamat aming kaTinig. Patuloy mo sanang tangkilikin ang TINIG.com.

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.