Kay Dr. FGD, na tahimik na nagpakabayani

Ang pagpapaulit-ulit at pagpapaikot-ikot ng buhay ay isang hindi mapasusubaliang realidad. Sa buhay na itong ang nakikita ay ang kagyat na kasalukuyan gawa ng mga kahingian ng kasalukuyan at gawa ng tigating ng mga kahingiang ito gaya ng pag-angat ng estado sa lipunan, pagtatawid-gutom, at pagpapalipas ng gabi hanggang sa madatnan pang muli ng umaga, ang pagtingin sa buhay, kung ano ang tinutuon nito, ay nawawala sa isip.

Sa buhay na ito, ganun pa man, may mga taong magpapakilala sa atin sa bilis ng mga taon nang walang tinutungo; sa kawalang kapararakan ng buhay kung hindi mabubuhay nang may pagpapakatao’t may pagpapahalaga sa bawat segundo; sa pagtingin ng kagandahan sa bawat tao; sa pagiging masaya sa pagiging simple; sa pagpapahalaga sa saysay at esensya kaysa sa mga panlabas na palabok lamang.

Sa paaralan, may mga taong makapagtuturo sa atin ng ganito, ngunit hindi silang lahat; bihira ang taong may kakayanang magturo higit pa sa itinatakda ng mga libro o ng deskripsyon ng kurso. Bihira ang gurong nakapag-iiwan ng kaalamang hindi nabubura sa gitna ng mga impormasyong natutunan na nalilimutan rin naman.

Sinasabing bayani ang mga guro; sa aking palagay, kumporme sa guro. Bago pa man maging guro ang isang guro, siya’y tao muna, at hinihingi rin sa kanya ang pagpapakatotoong-tao. Paano nga bang ang mga kahingiang iyon ay matugunan sa gitna ng pagpapakadalubhasa sa larangang ito?

Ang pagkabayani ay hindi salitang basta-basta lamang sana inilalapat nang wala sa isip.

May kilala akong taong nalampasan ang mga kagyat na pangangailangan; tumandang may kabihasnan at karunungan; at nabuhay higit pa sa kahingian ng itinakda ng kanyang pisikal na konstitusyong kumain, magpakabundat, magpasasa, at magpasarap. Ipinakilala niya sa akin, at malamang sa iba rin, kung paano ba maging tao– kung paano bang sa bawat paglipas ng panahon ay mapanatili ang paghinga nang hindi nalilimutan ang paglampas sa itinatakda ng pisikal na mga pangangailangan o kagustuhan lamang, at pamumuhay nang naayon sa prinsipyong inaakala niyang tama, popular man ito o hindi.

Guro rin ang taong ito at hindi siya bayani gawa ng pakikisakay lamang sa pagtawag sa mga gurong bayani. Totoo, maliit ang kanyang sirkulong ginagalawan–ang Unibersidad na parehong kinalalagyan ng kanyang tahanan at ng kanyang mga estudyante. Totoo, hindi siya pasikat kagaya ng ibang tinitingnan ang bawat gawaing sosyal bilang oportunidad ng higit na pag-angat. Sa kanyang simpleng paraan, sa kanyang pagsusumikap at paglinang pa ng karunungan, tahimik siyang nabuhay, bagama’t minsa’y hindi ito napahahalagahan ng estudyante. Hindi rin masusukat ng bilang ng mga inilimbag na libro ang kanyang galing; nasa puso, nasa kanyang pakikiugnay sa estudyante, ang hindi pagliban sa klase, ang pagpasok kahit na maysakit, ang pagtitiyaga sa gitna ng edad na 70 na hindi iwan ang pagtuturo para sa mahal niyang mga estudyante. Hindi lahat ng guro ay ganito.

Sa edad na 24, sa bahagi ko, hindi pa totoo ang kamatayan, ang pagkakasakit; higit na nakikita ang kalakasan, ang pag-iisip ng imortalidad na isang ilusyon nga lamang ng batang kagaya ko. Subalit nang makilala ko ang gurong ito, naging totoo ito sa akin; kadalasan, ginagawa lamang niyang biro sa klase ang pagkamatay at sinasabing ito ay normal na kinahahantungan ng buhay. Hindi niya inikutan palayo ang kamatayan; bagkus ay hinarap niya ito. At tuloy sa aking pagtingin paikot, pabalik sa lumipas sa mga nagawa niya, nang humantong na nga ang kanyang katapusan, nakita ko kung paaanong mapaglaro nga ang kapalaran–lahat, sino man, singdunong at bihasa man niya, ay humahantong rin sa parehong katapusan. Naging totoo ang kamatayan; naging totoo ang buhay.

Buong-buo ang pagiging tao ng gurong ito, at hindi man popular na bayaning kinikilala sa labas ng kanyang mga kakilala’t estudyante, ginawa niya nang buong husay, at nang tahimik–sa abot ng kanyang makakaya–ang maging isang taong nagpapakataong totoo. Sapagkat maaaring ang isa’y mamatay na bayani, ngunit manatiling walang pagpapahalaga sa buhay o pagkamangha rito. May mga taong nagpakataong-totoo’t hindi bayaning maituturing. At mayroon namang nagpakatao’t bayaning maituturing.

Sa pamamagitan ng mga taong may pinagkatandaan, may kabihasnan, nakikita ko ang aking kalagayan–isang kabataang nagsisimula pa lamang, may pupuntahan, may mga pipiliing daan—at alam kong may kailangang lampasang kahinaan–ang magpakatao–hindi man gawaran ng pagkabayani.

Noahlyn Maranan

Si Noahlyn Maranan ay isang estudyante sa gradwadong-antas sa Unibersidad ng Pilipinas.

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.