Ang paggigiit ng Wikang Filipino sa isang panahong mistulang nilulunod ng teknolohiya ay isang di masyadong napapansing hamon. Alam at nararanasan natin ang mga pagbabagong idinudulot ng panahong ito. Ang panahong laganap ang sensibilidad na nakasentro sa computer technology at sa Internet: Ang impormasyong taglay ng isang set ng ecyclopedia’y kayang-kayang ipasok sa napakalaking memorya ng pinakamurang flash disk. Ang mga paboritong pelikula, laro at tugtog ay nada-download na lamang sa loob ng napakaiksing panahon habang nagsusulat sa word processor o nakikipagtsismisan sa pamamagitan ng instant messaging. Hindi na tayo ang naghahanap ng mga sagot sa research o assignment kundi ang ating mga maaasahang Yahoo, Google at Wikipedia. Paano igigiit ang kahalagahan ng sariling wika lalo’t lubog tayong Pilipino sa mga “distraksyong” ito?
Marahil, ang pinakaugat ng problematisasyon sa wika at teknolohiya ay ang karaniwang nosyong umiiral ang mga ito bilang dalawang magkahiwalay at magkatunggaling puwersa. Ang wika’y palaging maaakusahang umaandar sa teritoryo ng ideyolohiya’t kultura, mga elementong maihahambing sa tubig o hangin–mahirap panghawakan, mahirap isakonkreto. Samantala, sa teknolohiya naman inaasahan ang mga bagay na tutugon sa mga empirikal at materyal na pangangailangan–ang pagtatayo ng mga makina, kasangkapan at edipisyong magbibigay ng mas maraming trabaho’t oportunidad na kumita ng pera, at bukod dito’y pagsamasamahin ang buong sansinukob bilang isang lipunang magkakasabay sa daan patungo sa pag-unlad.
Ganito kasimple at kakitid ang presentasyon ng disiplinang ito sa ating mga akademikong institusyon. Halos palaging nakalilimutan na ang mga teknolohikal na medium na ito’y umaandar din sa mga simbolo’t implikasyon ng representasyon. May wika ang teknolohiya.
Ang wika ay mailalarawan bilang set ng mga arbitraryong simbolong tumutukoy sa iba’t ibang mga ideya’t pagpapakahulugan. Pinakamadaling makita ang wikang ito sa mga pasulat na medium–mga kuwento’t tula, mga nakalimbag na aklat, panitikan sa pangkalahatan. Sa pag-usbong ng iba pang mga medium ng komunikasyon, maaaring humugot ng iba’t ibang mga “wika” mula sa mga elementong bumubuo sa anyo ng mga medium na ito. Ayon nga sa iskolar na si Martial Macluhan, “the medium is the message.”
Kaya naman makikita ang malaking pagkakaiba ng pasulat na medium–medium na umaasa sa alpabeto’t numero, sa isang spelling system–kapag inihanay sa iba pang mga popular na medium tulad ng auditory medium (tugtog, awit, at mga katulad), biswal na medium (na maaaring hatiin sa a. isahang biswal na medium tulad ng mga litrato, painting, at billboard; at b. maramihang biswak na medium na nakahanay sa isang tiyak na pagkakasunod-sunod, tulad ng comics o graphic novels), audio-visual medium (mga pelikula at palabas sa TV, mga larawang nagpapalit-palit sa napakabilis na antas sa iisang espasyo na may kasamang tunog), at ang birtuwal na medium (computers at Internet at mga anak-anakan nito). Sa limang nabanggit na medium, ang pasulat na medium ang tinatayang pinaka-low tech, samantalang ang high tech naman ay ang birtuwal. Sa pag-imbestiga sa mga katangian ng wikang birtuwal, madidiskubre natin ang malaking espasyong naghihintay para sa wikang Filipino.
Ang mga birtuwal na medium ay tinatawag ding mga hypertextual na medium. Sa pinakasimpleng paliwanag, ang hypertext ay ang kahit na anong bagay na makikita sa ating mga computer screen, mga aplikasyong nabuo sa pamamagitan ng iba’t ibang set ng elektronikong codes o simbolo (ang hypertextual na wika). Mula sa mga elektronikong simbolong ito, nararanasan natin at nagagawa ang mga bagay na karaniwang hindi natin nagagawa sa iba pang mga medium. Ang isang tipikal na hypertext-based na medium ay gumagamit ng multimedia elements (na tinatawag namang hypermedia upang ipag-iba sa mga pasulat na tekstong nasa hypertext) at gumagana sa pamamagitan ng hyperlinks (mga elektronikong simbolo o code na may kaukulang reaksyon sa bawat gawain ng gumagamit sa hypertext-based system, tulad halimbawa ng pag-click sa search results sa Google upang makapunta sa hinahanap na Web Page). Ang mga hypertext-based medium din ang pinakamataas ang antas ng interactivity sa lahat ng mga naihanay na medium–ang mambabasa ay hindi lamang mambabasa, maaari rin siyang magkomento o magdagdag ng sarili niyang mga ideya nang hindi na nagpapaalam kahit kanino (tulad ng paggamit ng memes, anumang uri ng ipinapasa-pasang tekstong maaaring palitan ng nakatanggap nito’t ipasa sa iba).
Maraming mga kultural na implikasyon ang hypertext phenomenon na ito na maisasakatawan sa tinatawag na hypertext paradigm. Sa mga pag-aaral ng mga nanguna sa pag-aaral sa hypertext tulad nina Theodore Nelson, George Landow at iba pa, nakabuo sila ng mga katangiang taglay ng isang hypertext-based system, mga katangiang umaalingawngaw sa kultura ng mga taong gumagamit nito. Ang hypertext-based system ay non-linear, non hierarchical, borderless, object-oriented at multivocal. Nilulusaw ng hypertext ang mga nakasanayang harang ng ari, uri, lahi, espasyo, at tinig. Nabubuhay ang hypertext sa isang docuverse, isang mundo ng pinagtagni-tagning nodes, networks, hyperlinks, mga birtuwal na dokumentong walang tiyak na umpisa, gitna, wakas. Pinag-uugnay ang bawat isang nilalang na may computer at Internet access sa tinatawag na global village, ether-based at birtuwal na lugar kung saan pantay-pantay at sabay-sabay na umiiral ang lahat. Kabaligtaran ito sa tinatawag na print paradigm, ang mas tradisyunal na modelo ng pagtingin sa lipunan kung saan may mga sentro ng kapangyarihan, may konsepto ng hirarkiya, may tiyak na umpisa-gitna-wakas at lahat ay may itinatagong pagkiling.
Ang simpleng pakikipag-usap sa isang kamag-anak na nasa ibang panig ng mundo, ang pag-cut-and-paste ng homework mula sa isang Website, ang pagpapanggap na ikaw ay isang babae o lalaki sa binuong account sa Friendster o Filipino Friend Finder, ang pag-upload ng first birthday party ng inyong anak sa Multiply o YouTube, itong mga aplikasyong pamilyar sa marami, lalo na sa kabataan, ay mga konkretong manipestasyon ng epekto ng wikang hypertext sa kasalukuyan. Nagpapakilala ito ng isang kulturang malaya at mapagpalaya para sa mga taong may kaalaman, kakayahan at teknikal na saklaw. Posible ring maging sandata na magagamit ng mga sektor na nasasagilid, ng mga taong walang anumang kakayahan sa paggamit ng computers at Internet. May potensyal ang hypertext-based na mga medium sa pagbibigay-boses, na tatalakayin sa huling bahagi ng papel na ito.
Ang mga sentimiyento ng paglaya at pagpapalaya, ng pagbuo ng isang wikang kakatawan sa identidad ng isang lipunang walang hirarkiya at pagsasagilid. Sa kaunting pag-aaral sa kasaysayan ng sariling wika, malalaman nating ganito rin ang motibasyon sa pagdisenyo ng wikang Filipino. Ang panawagan para sa isang wikang pambansa ay umusbong mula sa napakaraming lebel ng kolonisasyon, kung saan ang Amerika ang may naiwang pinakamalaking mantsa sa sensibilidad ng ating mga kababayan. Ang sentimiyentong ang Ingles ay pang-intelektuwal at pangmayaman samantalang ang Filipino ay pangmahirap at pangkatulong, ito’y sentimiyentong naitanim noon pang itinayo ng mga dayuhan ang kanilang mga unang pampublikong paaralan sa ating bansa. Sasagot ang Filipino sa ganitong klase ng panghahamak sa sariling pagkatao. “Ako ang daigdig,” ayon nga sa modernistang makatang si Alejandro Abadilla, isa sa mga nagpasimula ng paggamit ng sariling wika bilang representasyon at artikulasyon ng mga usaping panlipunan. Ang manunulat at ang wikang ginagamit niya ay bahagi ng kanyang daigdig, at posibleng maging sandata ng pagbabago. Sa mga akda nina Amado Hernandez, Rogelio Sicat, Jose F. Lacaba, Jun Cruz Reyes at ng iba pang mga manunulat ng henerasyon nila’t mga sumunod pang henerasyon, lahat ay gumamit ng Filipino sa kanilang mga akda. Tinalakay nila ang mga usapin ng pag-agaw ng lupa sa mga magsasaka, ang panggigipit sa mga benepisyo’t karapatan ng mga manggagawa, ang pagdukot sa mga kamag-anak at kaibigan noong panahon ng batas militar. Mga isyung tinatakpan ng napakaraming kuwento ng romansa’t pag-iibigan, ng walang kamatayang pagtatalik, at ng hindi mapigilang Inglesan ng mga nasa mataas na bahagi ng tatsulok ng lipunan.
Kung ang dayuhang impluwensya’y posibleng maging instrumento ng pagsupil sa pagpapalaya ng isang lipunan, ano ang hinaharap ng Filipino at ng hypertext-based na mga medium? Masasagot ito ng dalawa pang konsepto–ang kontra-kultura at ang cyberpunk.
Ang kontra-kultura ay mga kultural na pagkilos na kumakalaban sa isang mapanupil na dominanteng kultura. May mahabang kasaysayan ng kontra-kultura ang Pilipinas–simula sa mga akdang tulad ng Dasalan at Tocsohan ni Del Pilar, sa subersyong ginawa ng mga Balagtasista sa mga sukat at tugmang dayuhan, sa mga akda ni Jose Rizal na pawang sa Espanyol nakasulat, hanggang sa mga modernistang sensibilidad ni Abadilla, at ang paggamit ng Filipino bilang tinig sa mga akda ng grupong Agos sa Disyerto, sa mga akda ng mga organisasyong pampanitikang tulad ng GAT, LIRA, at KATHA, sa mga manunulat ng mga usaping pambabae’t pambakla–lahat ay tumatalakay at humahagilap ng mga metodo kung saan maaalpasan nila ang kani-kanilang mga kondisyong panlipunan. Hindi na bagong nosyon sa ating bansa ang kontra-kulturang ito.
Samantala, ang cyberpunk naman ay isang sub-culture ng mga taong may kaalaman sa mga hypertext na medium, madalas ay kabataan, na nilalayong gamitin ang dominanteng teknolohiya para sa kapakanan ng masa. Sa artikulong Cyberpunk ni Philipp Elmer-Dewitt, inilista niya ang mga pangunahing layunin ng isang cyberpunk–ang pagiging libre ng impormasyon, ang pagbabalik ng teknolohiya sa masa, ang desentralisasyon ng kapangyarihan, at ang pananatiling updated sa mga pagbabago sa paligid upang palaging maging napapanahon. Sa pagkilala at pagtanggap ng konsepto ng cyber-punk, sa paggamit ng Filipino sa mga hypertext-based system tulad ng mga Website, blogs at blog memes, open source software, discussion boards, fan fiction at iba pang mga katulad na aplikasyon, at sa pagtatahi ng dalawang wikang ito (ang wikang Filipino’t wikang birtuwal) sa mga usaping may kaugnayan sa pagbibigay-boses sa mga kababayang latak at etsa-puwera sa lipunan, makabubuo tayo ng isang bagong hybrid ng mga kontra-kultural na manggagawa–ang Cyber-/Hyper- Pinoy na gumagamit ng Cyber-/Hyper- Filipino.
Bilang pangwakas, nais kong muling idiin ang katotohanang hindi halimaw ang teknolohiya sa usapin ng pagpapalaganap ng sariling wika at makabayang sensibilidad. May potensyal ito sa pagiging isang mahusay na instrumento ng pagbabago, kung mabibigyan lamang ng sapat na pag-aaral at atensyong hindi lamang nakasentro sa pansariling interes. Isang interesanteng epekto raw ito ng teknolohiya–na sa panahon ng pagsusugpong-sugpong, sa panahon ng mga broadband at wireless na networking, sa panahong dapat ay mas lalong nagbubuklod ang mga Pilipino, lalo’t lalo pa tayong napaghihiwalay sa mga usaping may mga malaking epekto sa atin tulad ng kasaysayan, kultura, at lipunan.
* May nauna nang pagtalakay si Dr. Rolando Tolentino sa panitikan bilang low-tech na medium.
(Ito ay artikulong binasa ng may-akda sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika sa AMA Computer University, at unang ipinost sa kanyang Multiply blog.)
galing mo ahhh…..add mo ko roybanx16@yahoo.com
Ang ganda ng entry. Naghahanap kasi ako ng idea para sa talumpati ko bukas sa Filipino subject ko. Ako nga pala ay isang MASSCOM student ng Saint Louis University dito sa Baguio.
Maliwanag ang iyong entry, hitik sa kaalaman at sa mga pilosopiko na maaring ma-i-apply sa ating mga pilipino. Magaling.
Nagsusulat din ako ng mga blogs sa website ko. http://brevjhay.multiply.com. Hindi nga lang ganito kaganda ang mga entry ko. Hindi kasi ako ganoon kagaling sa paggamit ng wikang filipino, at halos lahat ng entry ko ay ang mga personal kong saloobin tunkol sa mga bagay bagay sa paligid at pag-ibig.hehe. ciao-
salamat! may ilan pang mga ganitong entry sa dirtypopmachine.multiply.com.
wow ganda fo3 nitong topic na ito, naghahanap fo3 kasi ako ng akademikong tekstong Filipino para sa project ko sa Filipino two, ako po’y isang CpE, slamat sa topic
hi, vlad. natutuwa naman ako. nai-post mo pala ito dito. maaari bang mag-request :) mas maganda kung ilalagay mo ang kampus namin :) ama computer college east rizal :) hanggang sa muli. punta ka sa aming kampus. nga pala, puwede bang maipamahagi ko sa aking klase ang soft copy ng “press enter”. tuwa talah sila sa kuwento mo. praning ka raw. joke hehe. puwede bang i-post sa multiply site ng aming klase? salamat!
ser, di ko na sasabihing magaling ka—kasi given na yun.
gusto ko lang magcomment sa hairstyle mo sa picture. nakakamangha. hehe.